Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Trabaho para sa mga binagyo

0 334

Magandang balita sa mga kababayan kong Bicolano: Nagsimula na po ang emergency employment program para sa mga nasalanta ng magkasunod na bagyong “Rolly” at “Ulysses” sa Bicol Region.

Sa ilalim ng programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ng Ako Bicol at Department of Labor and Employment (DOLE), higit 40,000 indibidwal ang makikinabang sa buong Bicol Region. Kasama dito ang mga lalawigan ng Albay, Catanduanes, Camarines Sur, Camarines Norte, Masbate at Sorsogon.

Sa loob ng 16 araw, ang mga benepisyaryo ng TUPAD ay sasabak sa pagkumpuni ng bahay, paglilinis ng kapaligiran, mga paaralan at iba pa. Ang kanilang sahod ay naipamigay na natin sa umpisa pa lang ng programa.

Katuwang ang inyong lingkod at ng kasamahan ko sa Ako Bicol partylist na si Congressman Alfredo A. Garbin, Jr., sinimulan namin sa lalawigan ng Albay, partikular sa Guinobatan, Legazpi City, Tabaco City at Bacacay, ang nasabing cash-for-work program.

Labis po akong nagpapasalamat kay DOLE Secretary Silvestre Bello III dahil personal siyang dumalo sa kick-off ceremony ng programa sa Legazpi Convention Center. Namigay din po ang kalihim ng 20 motor banca sa mga mangingisda sa Tabaco City.

Humihingi po ako ng paumanhin kung hindi maisasama sa programa ang ating kababayang maykaya dahil ang piniling maging benepisyaryo ay yun lamang nawalan ng kabuhayan at walang pagkukunan ng pagkakakitaan.

SM food to go Banner Ad

Nais ko ring gamitin ang pagkakataong ito upang pasalamatan ang mga katuwang ng AKB sa pagbibigay ng tulong sa mga nasalanta ng bagyo sa Bicol Region. Isa po rito ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na nagpadala ng higit 500 sako ng bigas, mahigit 3,000 piraso ng damit at daan-daang kahon ng de-lata na aming isinama sa mga relief packs na pinamahagi sa mga binagyo.

Ilang senior citizens at buntis din ang pinagkalooban naman natin ng cash assistance.

Dahil na rin sa aking inisyatiba, nakakuha tayo ng donasyong yero mula sa Topaz Steel Industries Corporation, JCI Senate at JCI Legazpi. Laking pasasalamat ko sa kanila dahil nagkaroon na rin ng bubong ang marami nating kababayang walang masilungan matapos masalanta ng bagyo.

Nais ko ring pasalamatan si Mr. Ramon S. Ang, President at COO ng San Miguel Corporation, gayundin ang Blas F. Ople Policy Center, sa kanilang donasyong Nutribun. Sa mga hindi po nakakaalam, binuhay ng SMC noong Marso ang masustansiyang Nutribun para sa kanilang relief drive sa mga apektado ng COVID-19 pandemic.

Namahagi rin po ang inyong lingkod ng mga solar lamps sa mga biktima ng bagyo. Hindi na po nila kailangan pang gumamit ng kandila o gasera para mailawan ang kanilang bahay. Sa mga kabahayang may kuryente na, makakatipid din sila sa konsumo ng kuryente.

Kahit nakakapagod ang maghapong gawain, naiibsan naman ito kapag nakikita natin ang ngiti sa labi ng mga bata at mga senior citizens na ating natulungan. Nakakataba po ito ng puso at higit sa lahat ay nagpapaigting sa ating layunin na mas marami pang kababayan natin na naapektuhan ng bagyo ang matulungan.

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.