Una sa Balita

Trabaho nilang maglingkod

0 324

Sa gitna ng mga pagbatikos, aminin naman natin na kahanga-hanga ang ginawa ng mga kongresista nang magdaos sila ng kanilang sesyon sa Batangas noong Miyerkoles para ika nga ay personal nilang makita at maramdaman ang dinaranas ngayong paghihirap ng ating mga kababayan dulot ng pag-alburoto ng Bulkang Taal noong nakaraang linggo.

Bumuhos ang pasasalamat ng mga biktima ng trahedya. Ang sabi nila, ibang klase ang administrasyong Duterte dahil hindi sila pinabayaan sa oras ng kanilang pagdurusa. Mismong mga miyembro ng Kamara ang nagtu­ngo sa kanilang lalawigan para makita ang kalagayan nila at makagawa agad ng mga hakbang para sa kanilang pagbangon.

Nakatutuwa naman dahil nagkaisa ang ating mga mambabatas at agad na nagpatibay ng kambal na resolus­yon para matulungan ang mga biktima.

Mula kasi noong 1987, ngayon lang naulit na lumabas ang mga kongresista at nagdaos ng kanilang sesyon sa ibang lugar para ilapit pa lalo sa tao lalo na sa mga biktima ng kalamidad ang mga kinatawan ng Kongreso upang pa­kinggan ang kanilang mga pangangaila­ngan partikular na sa aspeto ng rehabilitation plan.

Walang patumpik-tumpik na pinagtibay ng Kamara ang HR 662 na sumusuporta sa P30 bilyon na hiling ni Pangulong Rodrigo ‘Digong’ Duterte na supplemental budget para mga biktima ng Taal at ang HR 655 na humihiling na ipalabas sa lalong madaling panahon ang pondo para sa mga relief efforts at programa para sa mga biktima ng trahedya at kalamidad.

Kumbaga sa chorus ng isang awit, pareho ang tono ng pasasamalat ng mga bakwit sa iba’t ibang evacuation center sa Batangas CIty.

Sabi ni Aling Epifania Deogracias, napakaganda ng ginawa ng Kamara na dumayo sa kanilang lalawigan at idaos sa Batangas Convention Center ang kanilang sesyon. Aniya, lubos silang nagpapasalamat at hanga sila sa ipinakitang malasakit ng mga miyembro ng Kamara sa mga tulad nilang biktima.

Pulos salamat din sa liderato ng Kongreso ang narinig kay Ginang Delilah de Castro dahil pinakinggan ng mga mambabatas ang kanilang pangangailangan.

Maayos din daw ang kanilang kalagayan sa evacuation center dahil sapat ang kanilang pagkain pero ipinagdarasal daw nilang makauwi na sa kanilang mga tahanan at iba pa rin daw ang pakiramdam sa kanilang sariling bahay.

Ala eh, kahit siya ay naantig at nakatataba raw ng puso na buhos ang nagmamalasakit sa mga Batangeño na alam naman daw natin na matatapang at hindi basta maigugupo ng kalamidad at mga pagsubok sa buhay.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More