Una sa Balita

Trabaho, mas marami ngayon – Sen. Villanueva

0 798

Pinuri kahapon ni Sen. Joel Villanueva ang pagdami ng bilang ng may trabaho sa bansa batay sa resulta ng survey ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Lumitaw sa survey ng PSA na bumaba sa 5.5 percent ang unemployment rate nitong Abril kumpara sa 5.7 percent noong Abril 2017.

“Welcome ang ma­gandang outlook ng employment sa bansa matapos bumaba sa 5.5 percent ngayong Abril 2018 ang unemployment rate kumpara sa 5.7 percent noong Abril ng nakaraang taon,” paliwanag ni Sen. Villanueva, pinuno ng Senate committee on labor, employment, and human resources deve­lopment.

“Naniniwala din tayo na mas maraming trabaho pa ang malilikha dahil sa Build, Build, Build program ng gobyerno at kung palalakasin pa ang skills development at retooling program ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na lalong lilikha ng mga skilled worker na aakit sa mga investors upang magnegosyo sa bansa,” paliwanag pa ni Villa­nueva.

Aniya, ang kawalan ng oportunidad na makahanap ng trabaho sa bansa ang nagtutulak sa malaking bilang ng OFWs upang maghanap ng trabaho sa 190 na bansa sa mundo pero kung mas maraming investor ang magnenegosyo sa bansa at mayroon tayong sapat na skilled workers ay hindi na aalis ang mga ito para magtrabaho abroad.

Hiniling ni Villa­nueva sa TESDA, CHED, at mga economic mana­ger ng Duterte admi­nistration na gawing prayoridad ang skills upgrading at paglikha ng mga de-kalidad na trabaho sa bansa upang hindi na maghanap ng trabaho sa abroad ang mga Pinoy worker.

Mula 2.2 milyon noong 2016 ay umabot na sa 2.3 milyon ang bilang ng mga OFW noong 2017.

“Ang patuloy na pag-alis sa bansa ng ating mga kababayan upang maging OFW ay may malaking epekto sa bansa dahil nababawasan tayo ng skilled workers. Kaya dapat lamang ituloy ng TESDA ang training at retooling program upang mas marami pang oportunidad ang magbukas sa bawat manggagawang Pinoy,” diin pa ni Villanueva.