Una sa Balita

Trabaho lang si VP Leni

0 480

Nakakagulat naman ang mga pangyayari nga­yon kay Vice President Leni Robredo na unang itinalagang drug czar ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Dahil masigasig ang ale na gampanan ang iniatang sa kanyang tungkulin katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency ay napag-iinitan na ito.

Sabi nga ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, hindi raw cabinet position ang ibinigay sa Bise Presidente.

Gayunpaman ay tanggap pa rin ito ni VP Robredo. Wala raw sa kanyang isyu ang posisyon, ang mahalaga ay magampanan niya ang iniatang sa kanyang tungkulin na resolbahin ang iligal na droga sa bansa.

Kung ganu’n naman pala dapat ay hayaan na lang ang Bise Presidente na gampanan ang kanyang dagdag na papel sa gobyerno, baka naman maging epektibo siya at makatulong sa mithiin ng Pangulo na durugin ang iligal na droga sa bansa.

***

Kauna-unahan pala ang senaryong nangyari nitong Lunes sa Senado kung saan ay humarap si House Speaker Alan Peter Cayetano upang sagutin ang mga kuwestiyon sa kontrobersyal na budget ng Southeast Asian (SEA) Games na iho-host ng bansa simula sa Nobyembre 30.

Nagkataon kasing si Speaker Cayetano rin ang Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc) chairman na itinalaga mismo ni Pangulong Duterte.

Sabi hindi naman kailangang harapin ni Cayetano ang Senado at maaari nitong gawing excuse ang legislative protocol at inter-parliamentary courtesy pero minabuti niyang sumipot sa plenary session upang hindi panghinaan ng loob ang mga atleta sa naririnig na mga kontrobersiya gayundin ang mga volunteer sa SEA Games.

Maayos namang naidepensa ni Speaker ang mga bumabagabag na isyu sa mga senador sa pangunguna ni Senador Franklin Drilon kabilang ang mamaha­ling ‘kaldero’ na aminado ang opisyal na magastos talaga.

Ang kalderong sinasabi ni Drilon na nagkakahalaga raw ng P50 milyon ay P45 milyon ang tunay na halaga, at gawa ng National Artist for Architecture na si Bobby Mañosa. Simbolo ito ng SEA Games at hindi lamang basta ‘kaldero’.

‘Work of art’ pa kung ilarawan ni Speaker Ca­yetano dahil gawa ito ng ating mga national artist kaya’t mahalagang bahagi ito ng ating kultura at kasaysayan.

Nanindigan pa itong priceless o hindi mapapantayan ang halaga ng ‘kaldero’.

Sa mga panahong ito hindi natin maiwasan ang may sumilip sa mga proyekto ng pamahalaan dahil karapatan nating lahat ito lalo na ng mga mambabatas.

Yaman din lang ay handa naman palang magpaimbestiga si Cayetano sa usaping ito, abangan na lamang natin kung kailan ito mangyayari.

Ang dapat munang pagtuunan ng pansin sa ngayon ay ang pag-estima sa mga delegado ng ASEAN at pagpapa­lakas sa mga panlaban ng ating bansa para naman maliban sa bonggang venue ay may mga medalya rin tayong masungkit sa iba’t ibang palaro na lalahukan ng mga kinatawan ng ating bansa.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy