Una sa Balita

Trabaho at presyo ng bilihin

By
0 178

Bumaba po ang unemployment rate sa bansa. Mula sa 5.6%, ngayo’y 5.4% na lang ayon sa July 2018 Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority o PSA.

Ayon sa NEDA, may nalikhang karagdagang 488,000 trabaho kaya’t umakyat din ang employment rate natin sa 94.6%.

Subalit sa ilang mga rehiyon, nananatili pong mataas ang lebel ng kawalan ng trabaho lalo na po sa Ilocos (6.5%), Central Luzon at Bicol (6.3%), at maging sa NCR (6.1).

Sa pagsusuri po natin, bunsod ito ng mataas na bilang ng kabataang nahihirapang matanggap sa trabaho dahil sa kawalan ng karanasan at kulang-kulang na pre-employment documents.

Matagal na po na­ting panawagang mas paigtingin pa ang ugnayan sa pagitan ng paaralan at mga industriya upang maiwasan ang job-skills mismatch o iyon pong hindi akmang training sa pangangailangan ng industriya.

Nauuwi naman pong tambay ang mara­ming fresh graduate dahil nahihirapan silang kumpletuhin ang pre-employment documents kaya hindi sila makapag-apply sa mga kompanya.

Ilan po sa mga hinihingi ng employers sa mga first-time jobseeker ang birth certificate, NBI at police clearance, barangay certificate, at medical certificate, bukod pa po sa kopya ng kanilang records sa eskuwelahan. Kung susumahin, mahigit P2,000 po ang dagdag na gastos para makumpleto ang mga dokumentong ito. Hindi pa po kasama ang pamasahe, pangkain, pang-photo-ID, pang-print ng bio-data at pambili ng disenteng damit na angkop sa job interview.

Nakatakda pong pagdebatehan sa Senado ang ating panukalang batas, ang Senate Bill 1426 o ang “First-Time Jobseekers Assistance Act”, kung saan i-e-exempt po sa mga nasabing bayarin ang mga first-time job applicant nang maiwasan po ang pagtambay nila.

Related Posts

Ayon pa rin po sa hu­ling Labor Force Survey, umakyat sa 17.2% ang bilang ng mga Pilipinong underemployed o naghahanap pa ng dagdag na trabaho mula sa 16.3% noong nakaraang taon.

Sa palagay ko po, magkaugnay ang pag-angat ng bilang ng mga Pilipinong naghahanap pa ng dagdag na trabaho at ang matin­ding pagtaas ng inflation rate o paglobo ng presyo ng mga bilihin. Pumalo na po kasi sa 6.4% ang ating inflation rate – pinakamataas sa nagdaang halos siyam at kalahating taon at pinakamataas din sa ASEAN sa ­kasalukuyan.

Nagpapasalamat po tayo sa ating mga kasamahan sa Kamara de Representantes sa pagpasa sa second reading ng bersyon ng Tulong-Trabaho Act sa Mababang Kapulungan noong nakaraang linggo. Magiging daan po ang panukalang batas para mabigyan ang ating kababayan hindi lang ng seguridad sa trabaho kundi sapat na trabaho o gainful employment.

***

Job Fair Schedule:

Job and Business Fair
New Capitol ­Building, National Highway, ­Isulan, Sultan Kudarat
September 11

Araw ng Barangay Magugpo East Mini Job Fair
Brgy. Magugpo East Gymnasium, Tagum City
September 12.

***

(senatorjoelvillanueva@yahoo.com)