Una sa Balita

Towing ang ‘in’ ngayon

By
0 1,438

‘Pasenya na po kayo manong. Kaunting minuto na lang. Matatapos na po ito.” Salita ng isang driver na natirikan ng minamanehong sasakyan sa kahabaan ng highway.

Kausap niya ‘yung isang private towing service. Sinisingil siya ng P5,000 para dalin ‘yung sasak­yan sa pinakamalapit na gasolinahan.

“May batas po kasi tayo. At kami ‘yung accredited para magbatak dito sa lugar na ito.”

“Wala po akong pambayad, manong. Drayber lang po ako.”

“Wala tayong ma­gagawa. Hihilahin namin ang sasakyan mo tas bayad ka ng P5,000 sa opisina.”

Magandang hanapbuhay ang towing service sa ganitong mga panahon. Kadalasan pa, nag-uunahan silang makakita ng sirang sasakyan sa kalye para may kita sila sa maghapon. Mataas silang maningil.

Ginawang negosyo ang paghatak ng mga sasakyang nasisiraan sa highway natin. Linawin ko lang ha. ‘Yung mga nasisiraan sa gitna ng kalsada ang topic ko ngayon.

Ang towing ay parang ambulansiya. Pagkinailangan dapat andyan. Kasi ‘yung mga nakahambalang na sasak­yan, istorbo sa daan. Sa Cainta, meron kaming sampung ambulansiya nakahanda anumang oras na kailangan.

Sa isang tawag sa 911 o Cainta rescue, tumatakbo ang ambulansiya para mag-responde. May kasamang mga medic.

Dadalhin ang pasyente sa pinakamalapit na ospital o sa kanyang napi­ling pagamutan. Libre ‘yun. Sa ganung panahon ng taranta, ‘wag na nating pabigatin ang buhay ng humihingi ng saklolo. Trabaho ‘yun ng gobyerno. Kaya may gobyerno.

Wala ‘yang pinagkaiba sa trabaho ng gobyerno na linisin ang kalye sa mga elementong nagpapasikip dito. Pero hindi dapat kasama dun ang pagsingil sa mga nasisi­raan… nasiraan na, maniningil ka pa… kung alam ng tao na masisi­raan siya ng kotse o trak, sa tingin mo dadalin pa niya’yun? Sino ba ang gusto na masiraan siya at matirikan ng sasakyan sa gitna ng highway?

Konsiderasyon na lamang na dapat maasa­han ang gobyerno sa mga ganitong pagkakataon at sila ang unang tutulong sa motorista.

Nagpabili ako ng da­lawang towing truck dito sa Cainta. Kami ang nagpapatakbo. Hindi kami nag-accredit ng private tower. Ginagamit namin ang mga ito sa mga may request ng road assistance.

Walang bayad ang paggamit at pagtulong. Puwera na lang ‘pag nag-tow kami ng mga illegally parked na sasakyan. Wala pa ring bayad ang towing pero may violation ticket dahil sa violation. Kasi may kasalanan siya.

Iba ‘yun sa nasiraan.