Una sa Balita

Top 10 sa 2019 budget

0 253

Kakatapos lamang ang pagdiriwang natin sa Linggo ng Pagkabuhay ng Kristo na ating manunubos habang ilang bansang Kanluranin ang nasa kasagsagan ng obserbasyon ng Easter. Nawa’y kapulutan natin ng kabuluhan ang ginawang sakripisyo ng Panginoon para sa sangkatauhan.

Noong isang linggo, ating naibida sa ating mga ka-Abante ang naisulat sa pahayagang Daily Tribune ni Joshua Lao hinggil sa namumurong credit upgrade ng bansa dahil sa gumagandang ekonomiya at patarik na arangkada ng paglago, ngunit nakaligtaan na­ting banggitin ang pinagmulan ng balitang ito. Paumanhin po. Marahil dala na rin ito ng ating kagustuhang maibandera kaagad ang good news, kaiba sa pagtaya ng maraming kritiko ng administrasyon na taliwas ang sinasabi.

Doon, naibida rin natin na ang positibong pananaw sa bansa ng mga credit agency ng mundo ay lalo pang patatatagin sa sanda­ling malagdaan na ng Pa­ngulong Rodrigo Duterte ang pambansang budget para sa taong kasalukuyan.

Hindi pa man nailalabas ang pang-Martes na edisyon ng Abante, kinagabihan lamang ng Lunes, ika-15 ng Abril, sumambulat na nga ang balita sa pagkakalagda ng Pangulo sa Gene­ral Appropriations Act (GAA) o ang pambansang budget. Kung kaya sa Kapihan sa Manila Bay na tinitimon ni Bb. Ma­richu Villanueva tuwing Miyerkoles sa Cafe Adriatico, inanunsyo natin sa mga mamamahayag ang ilang mga detalye ng 2019 budget.

Narito ang mga sektor at departamentong pinakamalaki ang napag­laanan ng GAA: Edukasyon, kabilang ang DepEd, CHED, mga State Universities and Colleges, maging TESDA – P629.9 bilyon; DPWH – P454 bilyon; DILG – P227.8 bilyon; at ang Tanggulang Pambansa o DND – P186.2 bilyon.
Ang DSWD na siyang nangangasiwa sa beni­pisyong 4Ps o CCT ay pinaglaanan ng P176.2 bilyon; DOH, kabilang ang PhilHealth – P165.9 bilyon; ang Department of Transportation – P67.7 bilyon; Department of Agriculture – P47.3 bil­yon; ang Hudikatura at mga Hukuman – P39.5 bilyon; at ang P31.1 bil­yon para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Kung serbisyo namang nasa ilalim ng panga­ngasiwa ng iba’t ibang mga departamento at kagawaran ang pag-uusapan, makikitang umaabot sa P1.377 tril­yong piso ang inilaan para sa serbisyong panlipunan o social services na nakatuon sa pagpapalawak at pagpapalaki ng mga benepis­yong ito sa mas marami nating mga mahihirap na kababayan.
Sandali mang naantala ang budget, kayang-kaya ng pamahalaan at tiwala ako sa aking mga kasamahan sa gabinete na maihahabol ang mga proyekto’t programa sa taong ito. Sa kabuuan, ang magagandang pa­nanaw sa ekonomiya ng Pilipinas, kapag nasususugan ng mga positibong hakbang ng pambansang pangasiwaan — kagaya nitong pagsasabatas ng budget para sa taong kasalukuyan — ay nagdudulot ng ibayong pagsigwada ng mga sektor ng kalakalan at malakihang pamumuhunan.

Ngayong taon, magdadala din ito ng may-katiyakang paglobo ng pigura sa sektor ng labor dahil sa pagdami ng pagkakataon sa trabaho, gayundin sa consumer spending dahil sa panibagong kakayanang bumili ng mga kababayan natin ng kanilang pa­ngangailangan, at kung pinapalad pa nga’y ma­ging maliliit na luho.

Ang hamon, at pa­nawagan na rin, sa aking mga kasamahan sa pag­lilingkod-bayan: itawid natin ang mga pigura ng 2019 national budget na ito sa ating mga kababayan sa paraan ng pagpaparamdam ng mga serbisyo, pagsasakatuparan ng mga programa at implementasyon ng mga proyekto, sa abot ng ating makakaya — sa pinakamabilis na paraan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy