Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

‘Tongpats’ talamak din sa baboy, isda, gulay

0 98

Bukod sa anomalya sa importasyon ng karne ng baboy, talamak din umano ang ‘tongpat’ scheme sa iba’t ibang agricultural smuggling, ayon kay Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson.

Partikular nitong tinukoy ang tongpats at technical smuggling sa iba pang produktong pang-agrikultura, tulad ng manok, isda at gulay.

“Mr. Chairman, usaping baboy pa lamang ito. Malawak din ang isyu ng outright at technical smuggling at ‘tong-pats’ schemes sa iba’t iba pang agricultural products, kasama ang manok, isda at gulay,” pahayag ni Lacson sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole.

Sinabi pa ni Lacson talamak ang modus ng sindikato sa agricultural smuggling.

“May mahaba ring listahan ng modus operandi ang sindikato ng smuggling at misdeclaration ng agricultural products sa pamamagitan ng pagsasabwatan sa loob at labas ng kagawaran ang isinumite sa atin ng isang unit sa loob ng kagawaran. Kasabwat ang ilang importer na mabilis at magaling na nakakapagpalusot ng kanilang mga kargamento gamit ang modus operandi na tinatawag nilang (RTC) o Ready To Close enterprises at mga C4H o consignees-for-hire sa pagnenegosyo nila sa iba’t ibang ahensiya ng DA,” ayon pa kay Lacson.

Kasabay nito ay umapela si Lacson kay Pangulong Rodrigo Duterte na bawiin ang kautusan na babaan ang taripa sa imported baboy dahil sa ‘double dead’ effect nito sa local hog industry at sa kita ng gobyerno.

Nauna nang nilagdaan ni Duterte ang Executive Order No. 126 na pansamantalang nagbaba sa taripa ng pork import at dagdagan ang minimum access vo­lume (MAV) sa 350,000 metriko tonelada mula sa kasalukuyang 54,210 dahil sa kakapusan ng suplay.

Batay sa datos na prinisinta ng senador, ang taunang average na nakokonsumo sa karne ng baboy mula 2018 hanggang 2020 ay 1.85 metriko tonelada (MT) habang ang taunang average ng local production ay 2.25 MT.

Kaugnay nito ay pinabulaanan ni Agriculture Secretary William Dar na sangkot siya sa diumano’y ‘tongpats’ o kickback scheme sa importasyon ng baboy sa bansa.

“As regards to the alleged ‘tongpats’ of about P5 to P7 per kilo of imported pork, the present DA (Department of Agriculture) leadership categorically denies any involvement if such scheme indeed exists,” pahayag ni Dar sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole sa diumano’y anomal­ya sa importasyon ng baboy. (Dindo Matining)

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.