Una sa Balita

Tongpats ni Meralco-MVP nasa ‘hidden charge’

By
0 763

MATAPOS bakbakan ang diumano’y pagiging consultant ni Energy Regulatory Commission (ERC) Chairperson Agnes Devanadera sa isang power supply agreement (PSA) ng Meralco, inupakan ulit ni Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Isagani Zarate ang power utility company na pag-aari ng binatang negosyante na si Manny V. Pangilinan.

Nauna nang ibinunyag ng kongresista na bubulaga sa mga consumer ang P1.55 kada kilowatt hour na dagdag-singil sa kuryente ng Meralco dahil nakapaloob anya ito sa pitong PSA sa mga sister company nito.

Gayunman, itinatago diumano ng Meralco ang dagdag na bayaranin sa pamamagitan ng mapanlitong pagkukuwenta ng kanilang power rate.

Batay sa kalkulasyon ni Zarate, ang dagdag na P1.55 kada kilowatt hour ay makapanggagatas sa milyon-milyong mga consumer ng Meralco ng halagang P54.54 bilyon kada taon.

Sa loob anya ng 20 taon na implementasyon ng kontrata ay papalo sa P3.21 trilyon ang mahuhuthot ng Meralco sa mga kostumer nito.

Samantala, iginiit naman ng consumer group na Power for People Coa­lition na ibasura ng ERC ang tatlong PSA na inihain ng Meralco noong Abril 2016 dahil walang Environmental Compliance Certificate (ECC) ang mga ito.

“Those PSA applications should have been dismissed at the time of filing or should not have been docketed at all for lack of the ECC, a required supporting document under Sec. 2, Rule 20 of the ERC Rules of Practice and Procedure. Instead of giving Meralco an additional 60 days to file the ECC as announced by ERC Chair Devanadera in a recent press report, the PSAs should be dismissed posthaste,” pahayag ni Romeo Junia ng Power for People Coalition.

Kabilang anya sa mga ito ang Central Luzon Premiere Power Corp., Mariveles Power Generation Corp. at Global Luzon Energy Development Corp.

“We still hope, though, that the new ERC leadership will eventually stand with the consumers and push for the even-handed implementation of commission rules,” ayon pa kay Junia.