Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Todo buhos ng pondo sa biktima ng bagyo at pandemya

0 270

Nagsimula na sa Senado ang diskusyon at debate sa panukalang P4.3 trilyong budget ng pamahalaan para sa taong 2021.

Napag-alaman nating sagana sa pera ang pamahalaan. Ang problema ay tinitipid ang paggastos.

Magandang patakaran ang pagtitipid sa pondo – sa tamang paraan. Subalit kung kakaiba ang panahon, tulad ngayong halos isang taon na tayong nasa pandemya at lugmok na ang ekonomiya, ang tanging solusyon ay maglabas ng pera upang magkaroon ng panggastos ang mga taong nawalan ng trabaho.

Bukod sa nabigyan mo sila ng ayuda, magkakaroon ng aktibidad ang natigil na ekonomiya sa sandaling ipambili nila sa merkado ang nasabing pera.

Nasa negatibong teritoryo na ang antas ng ating ekonomiya. Ibig sabihin, mas malala sa hindi gumagalaw, o paurong ang naging takbo nito. Sa huling gradong negative 10 ng ekonomiya, itinatayang nasa P1.8 trilyon ang halagang nawalang parang bula sa negosyo at oportunidad sa atin.

Ang katumbas ng P1.8 trilyon na ’yan: 10 milyong potensyal na nawalan ng trabaho.

Epekto pa lamang ng pandemya ‘yan at hindi pa natin natutuos ang latay na dulot ng magkakasunod na bagyong nanira at nagpalubog sa maraming bahagi ng Pilipinas.

Sa ating pagtatanong, inamin ng pamahalaan, sa pamamagitan ni NEDA Acting Sec. Karl Chua, na kung dinagdagan at binilisan sana nila ang paggasta ng nakalaang pondo sa panahon ng pandemya, maaaring hindi ganyan ang pagkakalagpak ng ekonomiya.

Upang bigyan kayo ng malinaw na larawan kung ano ang nakalaang pondo na dapat gastosin ng pamahalaan:

· Sa P4.1 trilyong pondo sa taong ito, P3.02 trilyon pa lamang ang nagagasta hanggang September 20

· Sa Bayanihan 2 pondong P165 bilyon, P82.4 bilyon pa lang ang napapakawalang pondo sa ngayon

Malinaw na mahigpit ang gripong daluyan ng pondong naging salbabida sana natin nitong pandemya. Nobyembre na at malapit nang matapos ang taon, ang pangamba natin ay baka matengga ang pondong inilaan talaga upang gastusin.

Nakatipid nga tayo, sumadsad naman ang ekonomiya at nagkulang sa ayuda sa mga tao. Wala tayong napalang mabuti kung ganyan ang diskarte sa kritikal na sitwasyon.

Idagdag pa natin dyan ang danyos na dulot ng 3 dumaang bagyo na ayon sa Office of Civil Defense ay umaabot na sa P82 bilyon. Samantalang ang kabuoang calamity fund natin ay P16 bilyon lamang.

Para mong nilagyan ng band-aid ang isang napakalaki at nakangangang sugat na nangangailangan ng operasyon at tahi.

Bukod sa mga tao at bahay na nasalanta ng bagyo, mas malaki ang tama ng mga magsasaka natin, lalo na ang rice farmers.

Hindi pwede ang papetik-petik na galaw dahil nasa krisis tayo. Mahalaga ang bawat araw. Gastusin kaagad ang inilaang pondo upang makarating sa kinauukulan.

Kawawa ang mga Pilipinong nawalan ng trabaho at ngayon naman ay nawalan pa ng bahay at mga kagamitan gawa ng bagyo. Hindi maaaring ipagpaliban sa susunod na taon ang tulong na kinakailangan nila ngayon.

May natitira pang P8.6 bilyon sa ating calamity fund. Gastusin na lahat iyan sa lalong madaling panahon upang maibsan ang paghihirap ng mga tinamaan ng bagyo.

Madaliin na rin ang distribusyon ng natitirang pondo sa Bayanihan 2. Dahil karamihan sa tinamaan ng bagyo ay pasok sa recipients ng Bayanihan 2.

At dahil hindi sapat ang calamity fund sa iniulat na P82 bilyong danyos ng bagyo, napapanahong pag-usapan ang suhestyon nating baka kinakailangang magbalangkas ng bagong “Bayanihan 3” upang pondohan ang tulong na kinakailangan ng mga probinsyang matinding tinamaan ng bagyo.

Sobrang hirap ang dinanas ng mga Pilipino nitong 2020. Tila ba sinusubok kung hanggang saan ang tibay natin.

Hindi natin kontrolado ang pandemya at kalamidad. Subalit kontrolado ng pamahalaan ang ayuda at suportang mananaog mula sa kaban ng bayan. Ibuhos na po natin ‘yan upang maagang makarating sa nangangailangan. Tutal naman ay talagang may nakalaang pondo para dyan.

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.