Una sa Balita

Toblerone sa MOA inumit para sa ina

By
0 2,222

Sa kagustuhang mapasaya ang ina sa Araw ng mga Puso, nagawang magpuslit ng isang pack ng mamahaling chocolate ng isang binata sa isang Hypermarket sa Mall of Asia (MOA) kamakalawa ng gabi sa Pasay City.

Sa rehas na bakal ang bagsak ng suspek na si Mervin Dotullo y Rous, 20-anyos, isang promoter, at naninirahan sa Blk. 24 Lot 30 Phase 10, Golden City Salawag, Dasmariñas, Cavite City.

Base sa report ni Sr. Insp. Wilfredo Sangel, hepe ng Station and Investigation and Detective Management Branch (SIDMB), alas-9:35 ng gabi nang ipuslit ng suspek ang Toblerone sa SM ­Hypermarket sa MOA sa Pasay City.

Sa imbestigasyon, nakita ng isang Jorge Battung, civilian guard ng DJA Security Agency, ang suspek na may dalang isang pack ng Toblerone 6x100g na nagkakahalagang P684.50 na hindi umano dumaan sa cashier.

Bunga noo’y sinundan na ni Battung ang suspek hanggang sa paglabas ng grocery at dito na niya inakbayan at inaresto si Dotullo.

Sa pahayag naman ng suspek, kaya lamang niya nagawang kunin o ipuslit ang nasabing chocolate ay dahil sa gusto aniya niyang mapasaya ang inang si ‘Rosemarie’, 55-anyos, sa Araw ng mga Puso.

“Gusto ko po sanang sorpresahin at mapasaya ang aking ina ngayong Valentine’s Day dahil wala po akong pera na pambili ng regalo para sa kanya. Humihingi po ako ng tawad sa may-ari ng grocery sana po mapatawad nila ako,” mangiya-ngiyak na pahayag ni Dotullo. ­