Una sa Balita

TNT nilamon ng San Miguel

0 217

KaTropa pambarangay lang

IPINAKITA ni ‘The Kraken’ June Mar Fajardo kung bakit siya ang five-time reigning Most Valuable Player ng PBA.

Kagabi, sa pinakaimportanteng laro ng Beermen sa kasalukuyang PBA Philippine Cup, muling binitbit ni Fajardo ang koponan nang lamunin sa kabuuan ng laban ang TNT KaTropa bago itarak ang 96-86 panalo sa Game 3 ng kanilang quarterfinal series sa Araneta Coliseum.

Tumapos ang 6-foot-10 behemoth ng 32 markers sa likod ng perpektong 11-for-11 shooting kasahog ang 14 boards at 10 of 13 sa free throw line para giyahan ang San Miguel sa semifinal round katapat ang No. 1 sa eliminations na Phoenix Pulse Fuel Masters.

Tumulong sa opensa ang sophomore na si Christian Standhardinger sa tinipong 17 points, siyam na rebounds at dalawang feeds.

“Unang-una nagpapasalamat kami kay God na walang na-injury sa amin. Credit sa mga teammate ko at sa management. Lahat nag-step up. Nasunod ‘yung game plan namin,” kwento ni Fajardo sa post game interview.

Nilimitahan ng Beermen sa tatlong puntos lamang sa unang anim na minuto ang Katropa habang ibinuhos nito ang kabuuang 13 puntos para agad itala ang 10 puntos na abante sa 13-3.

Nagawa pa nitong itaas ang kalamangan sa 16 puntos sa 23-7 sa pag­hulog ng 13-2 bomba bago tinapos ang unang yugto sa 25-10.

Nagtulong sina Fajardo na nagtala ng 10 puntos sa unang yugto habang nag-ambag si Standhardinger ng walo upang agad na makontrol ng Beermen ang ikatlo at huling matira-matibay na labanan para sa ookupa sa huling dalawang silya sa semifinals.

Nagawa pang maiangat ng Beermen sa pinakamalaking 26 puntos ang kalamangan sa pagtatapos ng ikalawang yugto sa pagposte ng 53-27 iskor tampok ang 20 puntos ni Fajardo at 11 ni Standhardinger. (Lito Oredo)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy