Una sa Balita

Tiyakin ang kaligtasan ng mga foreign athlete

0 887

Kilalang mababait at maasikaso ang mga Pinoy lalo na sa kanilang mga bisita.

Pero ano itong balita kamakailan na tatlong chess players mula bansang India na nagpartisipa sa 17th Asian Continental Chess Championships  sa Makati City ang inatake ng umano’y ‘local goons’ habang bumibili sila ng tubig na maiinom.

Ayon sa Facebook post ni Indian chess grandmaster Vidit Guj­rathi, kasama niya ang dalawang kababayan na kasali rin sa torneo upang bumili ng tubig na maiinom nang kornerin sila ng ilang kalalakihan na may dalang mga armas. Mabuti na lamang at natakasan umano nila ang mga ito.

Bukod rito, uma­ngal din si GM Vidit sa aniya’y sobrang mahal na singil sa hotel at hindi kagandahang serbisyo nito.

Sa pinakahuling balitang nakarating sa Benchwarmer, hinigpitan na ang seguridad sa nasabing torneo partikular sa pagbabantay sa mga kalahok.

Ano ba ang rele­vance nito sa atin? Malaki po.

Sa susunod na taon, ang Pilipinas ang magho-host ng 30th Southeast Asian Games sa ikaapat na pagkakataon na gagawin sa iba’t ibang lugar sa bansa gaya ng Manila, Clark, Subic, Batangas, La Union at Tagaytay simula Nobyembre 30 hanggang Disyembre 10, 2019.

Tinatayang nasa halos 10,000 mga atleta at delegasyon ang magpapartisipa sa iba’t ibang sporting events na ito.

Kaya naman, magsi­silbing napakalaking hamon ito sa pambansang kapulisan na tiyakin ang kaligtasan ng bawat delegado.

Panawagan natin sa PNP at sa mga opisyal na nag-oorganisa sa regional biennial spor­ting event na maging alisto sa pagbabantay sa mga kalahok, parti­kular sa mga foreign athlete.

Kung ang ating mga atleta naman ang dumayo sa ibang bansa upang lumahok sa anumang sports event, hindi ba nais din nating matiyak ang kanilang kaligtasan?

Sana naman ay hindi na maulit ang mga ganitong insidente.

***

Bukas po ang Benchwarmer sa anumang komento, suhestiyon o reaksiyon kaugnay sa mga lumalabas kong kolum. Maaari kayong makipag-ugnayan sa Twitter (@blink0012) o sa email ferdz_delos_santos@yahoo.com.