Una sa Balita

Tiwala ng mga Pilipino kay VP Leni, lalong lumalakas

0 348

LALO pang dumarami ang mga Pilipino na nagtitiwala kay Vice President Leni Robredo, na patuloy lamang sa kaniyang trabaho kahit kapos man sa pondo at kaliwa’t kanan ang hinaharap na pagsubok sa kaniyang mandato.

Ayon sa pinakabagong survey na inilabas ng Pulse Asia, bilib pa rin ang mayorya sa trabahong ginagawa ng bise presidente, na nakakuha ng 55% na approval rating sa ikalawang quarter ng taon. Mas mataas ito ng anim na percentage points kumpara sa nakuha niya noong Marso.

Samantala, lumalakas pa ang tiwala ng taumbayan kay VP Leni, na nakatanggap ng 52% trust ra­ting sa June 2019 survey. Limang puntos ang itinaas nito mula noong unang bahagi ng taon.

Malaki ang pasasalamat ng kampo ng bise presidente sa paglaki ng suporta at tiwalang kaniyang natatanggap. Ayon sa kaniyang tagapagsalita na si Atty. Barry Gutierrez, magsisilbi itong inspirasyon para lalo pang paghusayan ni VP Leni ang kaniyang trabaho—lalo na para sa mga nangangailangan.

Umarangkada ang suporta kay VP Leni sa Mindanao, kung saan nagtala siya ng 57% trust ra­ting, o pagtaas ng 14 percentage points mula Marso. Hanga rin sa kaniyang pagtupad sa kaniyang trabaho ang mas maraming taga-Mindanao, na binigyan siya ng 63% approval rating, na mas mataas ng 11 percentage points.

Solid pa rin ang Visayas para sa bise presidente, na nakatanggap mula doon ng 66% approval ra­ting—mas mataas ng 9 percen­tage points—at 58% trust rating. Bumuti rin ang ratings ni VP Leni sa Luzon, na nagbigay sa kaniya ng 52% na approval at trust ratings.

Maugong naman ang tiwala sa Pangalawang Pangulo ng mga Pilipino na nasa laylayan. Tumaas pareho ng 6 percentage points ang trust ratings na ibinigay sa kaniya ng Class D at E, na ngayon ay nasa 52% at 56% na.

Samantala, aprub ang mas maraming Pilipino—anuman ang lagay sa buhay—sa trabahong ginagawa ni VP Leni. Nakakuha siya ng 42% na approval rating sa mga nakakaangat sa buhay na nasa Class ABC, pagtaas ng 4 percentage points mula Marso. Binigyan naman siya ng 54% ng Class D at 60% ng Class E, na parehong mas mataas kumpara sa unang bahagi ng taon.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy