Una sa Balita

Tirador ng fake news kay Trillanes, nasampolan ng cyber libel

By
0 2,021

NAKAISKOR si Senador Antonio ‘Sonny’ Trillanes IV laban sa kilalang blogger na si Joseph ‘RJ’ Nieto, alyas Thinking Pinoy.

Ito ay makaraang aprubahan ng Pasay City Prosecutor’s Office ang kasong libelo na inihain Trillanes laban kay Nieto dahil sa ipinost sa Facebook account hinggil sa umano’y pagtawag sa senador bilang drug lord.

Sa resolusyong pinirmahan noong June 11, 2018, inirekomenda ng Prosecutor’s office ang Libel case sa ilalim ng Section 4(c)(4) ng Republic Act No. 10175 o Cyber-crime Prevention Act of 2012 laban kay Nieto.

Ang reklamo ni Trillanes ay kasunod ng Facebook Page ni Thinking Pinoy na may titulong ‘Trump calls Trillanes a drug lord.’
Nakasaad sa resolusyon na ang post ay malisyoso at walang magandang intensyon o justifiable motive.

Idinagdag pa sa resolusyon na ang pagbansag kay Trillanes bilang ‘narco,’ ‘drug baron,’ o ‘drug lord’ ay hindi rin naman sakop ng privileged communication.

Binigyang-diin din sa resolution na bagama’t hindi dapat balat sibuyas ang mga public official, hindi naman ito maaaring maging batayan ng mga kasinungalingan o istorya laban sa mga opisyal.

Samantala, sinabi ni Trillanes na dapat magsilbi itong babala kay Nieto at iba pang Duterte bloggers upang tigilan na ang pagkakalat ng kasinu­ngalingan bilang bahagi ng propaganda.