Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Tips para sa mga namimili online

0 536

Kaunting tulog na lang, Pasko na. Kaya panahon nanaman ng pagpindot ng “Add to Cart” at “Check Out” buttons, lalo na para sa marami sa ating naeenganyong mag-shopping na lang online. Mayroon pa ring community quarantine sa maraming parte ng bansa kaya naman tumaas lalo ang interes ng marami sa online selling.

Bukod kasi sa hindi ka na lalabas ng bahay, kumpleto pa ang pwede mong mabili, mula de lata, gulay, prutas, hanggang sa gadgets, damit, sapatos, at maging mga kakaibang abubot. Mas marami ka nang pagpipilian, mas mura pa ang bentahan. Hindi mo na rin kailangang magbitbit ng pinamili dahil idedeliver na ito diretso sa bahay mo kapalit ng kaunting dagdag sa bayad.

Patok din ang online selling sa mga negosyante dahil bawas gastos nga naman sa operational costs, gaya ng upa sa pwesto. Marami rin sa mga kababayan natin ang nakahanap ng bagong pagkakakitaan at nakapagpundar dahil sa pagbebenta online. Naitatawid rin ng mga empleyadong nawalan ng trabaho ang buwan-buwang gastusin ng pamilya sa pamamagitan ng online selling.

Ngunit hindi rin maiiwasan ang problema sa mga transaksyong ito gaya ng fake items o mga scam dahil walang nagreregulate sa karamihan sa online selling platforms.

Marami pa rin kasi ang nakikipagsapalarang mamili online gaya ng mga nanay at tatay na nagtitipid. Minsan, sa online shopping sila kumakapit.

Kaya para maiwasan ang trobol sa pamimili online, ito ang ilan sa pwede nating gawin:

1. Magbasa ng reviews. Bago natin pindutin ang ‘check out’ button, siguraduhing nabasa muna ang mga iniwang reviews ng mga naunang customers tungkol sa produkto at sa nagbebenta. Madalas na mayroon namang puntos ang online shop kung gaano ito ka-reliable o gaano ka-legit ang tinda nilang items.

2. Basahin ang return-and-exchange policy. I-check natin kung pwede nating isauli o papalitan ang mga depektibong produktong madedeliver sa atin. Hindi kasi natin matetesting ang ilang produkto, gaya ng gadgets. Marami sa atin, nakakaligtaan nang intindihin ang mga detalye gaya nito dahil sa pagmamadali. Ngunit mahalagang basahin kung ano ang inooffer na return-and-exchange policy.

3. Kung kaya, magbayad lang sa pamamagitan ng “Cash-on-Delivery” (COD) scheme. Marami kasing nabibiktima ng fraud at phishing sa paggamit ng credit cards o ATM cards sa pagbabayad online. Mas mabuti nang sigurado at piliin ang COD na lamang para kaliwaan ang sistema.

4. Iwasan ang online shops na nagbebenta ng sobrang murang produkto. Halimbawa na lang, ang pinapangarap nating branded na bag o sapatos, aba’y halos doble ang ibinababa sa presyo sa isang seller. Pero kapag ganito, magdalawang-isip muna tayo.

5. Kung kakayanin, lalo na para sa malalaking transaksyon, ay hingan ng mga dokumento gaya ng DTI registration o business permit na nagpapatunay na rehistrado at lehitimo ang isang online store.

Maaaring lagi tayong naghahanap ng paraan para mas makatipid at mabawasan ang abala sa ating pagsha-shopping. Lalo na ngayong paparating ang Pasko, marami sa atin ang mamimili pa rin at sisikaping maitawid ang selebrasyon gaya ng dati.

Ngunit huwag nating hayaang sa pagnanais na makatipid ay masisilaw tayo sa ilang mga manloloko sa internet. Hindi dapat masayang ang kaunting ipon na itinabi natin para sa pagpapasaya ng ating pamilya. Maging wais at matalinong konsyumer, online man o offline.

Leave A Reply

Your email address will not be published.