Una sa Balita

Tinedyer na rider patay sa ‘di napansing humps

0 351

ISANG rider ang nasawi habang sugatan ang kanyang angkas na pinsan nang bumangga sa poste ang kanilang sinasakyang motorsiklo dahil sa hindi napansin ang humps kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.

Sanhi ng matinding pinsalang tinamo sa ulo at katawan, dead-on-arrival sa Pasay City General Hospital (PCGH) ang driver ng motorsiklo na si Raizaldy De Paz Macias, 17-anyos, naninirahan sa No. 59-01 15th St., Villamor Air Base ng nasabing lungsod.

Patuloy namang nilalapatan ng lunas sa nasabing pagamutan ang pinsan nitong si John Joseph Foser, 16, makaraang magtamo ng matinding pinsala sa katawan.

Sa isinumiteng report ni Police Col. Bernard Yang, hepe ng Pasay City Police, alas-12:30 ng hatinggabi nang maganap ang insidente sa Leveriza St., Brgy. 22.

Sa imbestigasyon ng Arnaiz Police Community Precinct, magkaangkas ang mga biktima sa motorsiklo na walang plaka at habang binabagtas ang nasabing lugar ay hindi umano nila namalayan na may humps ang daan.

Dahil dito ay na out-of-balance ang motorsiklo at sa lakas ng impact ay bumangga ito sa sementadong poste.

Tumilapon ng ilang metrong layo ang magpinsan kung saan tumama ang ulo ni Macias sa semento.

Agad namang naisugod ng mga barangay tanod ang mga biktima sa nasabing pagamutan subalit hindi na umabot ng buhay si Macias. (Armida Rico)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More