Una sa Balita

Tindera ng isda sa Mindanao, school owner na sa London

0 4,762

Dati lang siyang nagtitinda ng isda sa Tukuran, Zamboanga del Sur, pero ngayon isa nang bigating negosyante sa United Kingdom.

Ito ang kuwento ng buhay ni Nova Foss­gard, naging domestic helper din sa Hong Kong at Singapore subalit ngayon ay may-ari na ng eskuwelahan sa London.

Si Nova ay naging panauhin ng progra­mang BISErbisyong LENI ni Vice-President Leni Robredo na inere ng Radio Mindanao Network (RMN) mula sa United Kingdom.

Sa pakikipagkuwentuhan nina Robredo at anchor Ely Saludar, isa ring kolumnista ng Abante/Tonite, sinabi ni Nova na maliit pa lang siya ay tumutulong na siya sa pagtitinda ng isda sa palengke at hindi niya ikinahihiya ang trabahong ito.

“I’m proud of it” wika ni Nova.

Dahil sa kahirapan, nahirapan silang paka­inin ng kanyang magulang kaya sa edad na 12-anyos, nanirahan ito sa kanyang tiyahin at naging working student.

“Wala kaming kinakain sa tanghalian kundi kanin lang at asin,” kuwento ni Nova

Nag-aral siya ng agriculture sa Central Mindanao University sa Bukidnon bago lumipat ng kursong Business Management sa St. Peter College sa Iligan City.

Sa huli, nag-concentrate na lang siya ng kursong commerce sa Southern Minda­nao College sa Pagadian City hanggang sa makatapos.

Imbes na magtrabaho sa Maynila, pinili ni Nova na magtrabaho bilang domestic helper sa Hong Kong sa loob ng anim na taon sa among Briton na may asawang Singaporean.

Ipinadala naman siya ng kanyang amo sa London noong 1999 para alagaan ang nanay ng kanyang employer. Doon niya nakilala si Jan Fossgard at nagpakasal sila noong Abril 2000.

Nang mawalan ng trabaho si Jan, sinubukan ng mag-asawa na bilhin ang isang eskuwelahan sa London. Bagama’t nahirapan sa una, napalago nila ito ngayon.

“Kaya ako nagkaroon ng paaralan, dahil sa edukasyon ang pinakaimportante sa buhay natin,” kuwento ni Nova