Una sa Balita

Timba na may binti ng tao nakita sa basurahan

By
0 204

Isang pulang balde na may lamang binti ng tao ang iniwan ng isang lalaking nakasuot ng face mask sa tambak ng basura­ sa Lungsod ng Caloocan kamakalawa nang hapon.

Ayon sa street sweeper na si Inoy Abis, 28-anyos, kasalukuyan umano siyang nagwawalis sa kahabaan ng C3 Road, Dagat-Dagatan ng nasabing lungsod ganap na alas-tres pasado nang hapon nang mamataan niya ang isang la­laking nakasuot ng face mask na bumaba sa isang lumang kotse na walang plaka sa kanto ng M.H Del Pilar Street ng nasabing lugar at may bitbit na pulang timba na may takip.

Iniwan ng nasabing lalaki ang timba sa tambak ng basura­ bago umalis sakay pa rin ng nasabing sasakyan patungo sa hindi na nalaman pang direksiyon. Nang inspeksiyunin ni Abis ang nasabing timba ay laking gulat na lamang niya nang makitang kanang binti pala ng tao ang laman nito.

Agad niyang ipinagbigay alam ang insidente kay Barangay Kagawad Joemar Sales na siya namang humingi ng saklolo sa pulisya.

Mabilis namang nakares­ponde sina PO1 Emmanuel Garcia Jr. at PO1 Harris Tabo ng Caloocan City Police Mobile Patrol na silang nagbitbit sa putol na binti sa Philippine National Police (PNP) Crime Laboratory na sasailalim sa DNA examination sa pagbabasakaling malaman kung kaninong parte ng katawan ang nakita sa basurahan.