Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Tilapia galing China babaha

0 236

Papatayin ang produksyon ng tilapia sa bansa kung matuloy ang planong pag-angkat ng tilapia mula China.

Ito ang babala ni Jon Juico ng Philippine Tilapia Stakeholders Association kasabay ang pahayag na madaming tilapia sa bansa ngayon at magsasagawa sila ng imbentaryo para maipakita sa pamahalaan na sapat ang supply at hindi kailangang umangkat.

Paliwanag ni Juico sa panayam sa radyo ay naging matumal ang bentahan kaya’t marami ang suplay.

Ayon naman kay Taal Lake Aquaculture Association Inc. spokesperson Mario Balazon, may sapat na suplay ng tilapia sa bansa na nakikita naman sa presyo nito.

Aniya, nasa P40 per kilo ang farmgate price ng tilapia sa Laguna at nasa P66 hanggang P67 per kilo naman ang farmgate price ng tilapia sa Pampangga.

Dagdag ni Balazon, nasa P85 per kilo pa ang farmgate price ng tilapia sa Taal Lake sa ngayon.

Mariing tinututulan ng TLAA ang planong importasyon at makikita sa presyo na walang kakulangan dahil bumababa pa ito sa P40 per kilo.

“Papatayin ng importation ang local industry. Lahat ng ginawan ng ganyan, namatay. Makikita yan sa palay, sa manok, sa baboy. Lahat sila tumigil na,” sabi ni Balazon.

Nitong Martes lang ay nanawagan ang iba’t ibang sektor sa agrikultura kay Agriculture Secretary William Dar na tutukan ang pagpapalakas ng agrikultura sa bansa imbes na importasyon at magbitiw na lang siya kung hindi niya tutugunan ang mga problema.

Sabi ni Juico, 2,000 ang tilapia growers sa Pampanga at ang imbentaryo nila ay nasa 20,000 hanggang 30,000 na sobra.
Sa Taal Lake naman, ang produksyon ay nasa 100 tons sa isang araw, ayon kay Balazon.

Ang kinababahala ni Balazon ay ang kalidad ng tilapia na dadalhin dito galing China.

“Hindi tayo sigurado sa quality ng ipapasok hindi tulad sa first world na mataas ang standards kaya maganda na ang locally produced,” dagdag ni Balazon.

At habang pinapatay ng importasyon ang iba’t ibang sektor ng agrikultura sa bansa, “wala na tayong kinabukasang maituturing,” sabi ni Balazon. (Eileen Mencias)

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.