Una sa Balita

Tilapia, bangus, tawilis sa Taal ligtas kainin

0 392

LIGTAS kainin ang isda mula sa Lawa ng Taal, ayon sa Department of Agriculture (DA) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Sa Bulletin No. 7 na pinalabas ni Agriculture Secretary William Dar noong Linggo, Enero 19, sinabi ng kalihim na walang panganib na kainin ang mga isdang ga­ling sa Lawa ng Taal sa kabila ng pag-aalburuto at pagbubuga ng makapal na abo ng bulkan.

“Batay sa ginawang laboratory analysis ng tubig at fish samples mula sa Taal Lake, ligtas kainin ang mga isdang hinuli nang buhay mula sa lawa. Gayunpaman, dapat hugasang mabuti, alisin ang lamang loob, at lutuing mabuti ang mga isdang huli sa lawa,” ayon sa DA-BFAR.

Ang opisyal na pahayag ng DA-BFAR ay salungat sa unang babala mula sa Department of Health (DOH) na umano’y peligrosong kainin ang mga isdang huli sa Taal Lake tulad ng tilapia, bangus, tawilis, maliputo at iba pa.
Labis na ikinagalak ng mga mangigisda ng Taal ang opisyal na pahayag ng DA-BFAR na nag-alis sa agam-agam ng publiko, kabilang na ang mga libo-libong evacuee na kumakain ng isda at maging mga taga-Metro Manila na bumibili ng tilapiang hango sa Taal.

Umapela sa DA at BFAR ang Taal Lake Aquaculture Alliance, Inc. (TLLAI), na binubuo ng halos 6,000 fish cage owner sa Taal, na payagan silang puntahan at hanguin ang mga isda mula sa mga lumulutang nilang fish cage sa lawa.

“Ang mga mangi­ngisda at magsasaka sa baybayin ng Taal ang lubhang naapek­tohan sa napipintong pagsabog ng bulkan. Sa isang iglap, mala­king bahagi ng aming pinaghirapan ay halos naglahong lahat. Ayon sa tala ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, tinatayang aabot sa 6,000 fish cages o mahigit 15,000 metric tons ng isda ang masasalanta sa inaasahang pagsabog ng Taal. Ang mga isdang ito ang aming kabuhayan na nagpapakain hindi lamang sa aming pamil­ya, pati na rin sa sambayanan.

Tinatayang humigit kumulang 300 metric tons ng isda ang nahahango sa Lawa ng Taal kada araw,” ayon sa TLLAI.

Binatikos din ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamama­lakaya ng Pilipinas ang babala ng DOH noong nakaraang linggo na nagsasabi sa mga taong huwag bibilhin at kakainin ang mga isdang galing sa Lawa ng Taal nang wala man lang pag-aaral.

Ayon sa Pamalakaya, sumadsad sa P30 per kilo ang farm gate price ng tilapia nang pinangunahan ng DOH ang anunsiyo nito nang wala man lang kaukulang pagsuri ng mga isda na galing sa lugar.

Pinahayag naman ni Sec. Dar na nakapagbigay na sila ng 1,600 food packs sa mga biktima ng pagsabog ng Taal, sako-sakong bigas ang ipamamahagi rin sa mga evacuee. (Eileen Mencias)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More