Una sa Balita

Tigers binawian ng Warriors

By
0 2

Mga laro ngayon:
Mall of Asia Arena

2:00 p.m. — NU vs FEU
4:00 p.m — Adamson vs La Salle

Sinimulan ng University of the East ang second round nang bawian ang host University of Santo Tomas, 71-61, kahapon sa UAAP Season 79 basketball tournament sa Mall of Asia Arena.

Luhod sa unang anim na laro ang Red Warriors bago naihabol ang panalo sa huling laban nila sa first round kontra Adamson University Soaring Falcons, 65-57.

“Yung panalo namin sa Adamson ang ginamit namin na motivation, tapos natalo sila (UST) sa Adamson kaya we took advantage of that,” saad ni UE head coach Derrick Pumaren.

Inumpisahan ng Recto-based squad ang panalo sa second round kaya nilista nila ang back-to-back wins at saluhan ang Tigers sa sixth place tangan ang tig 2-6 records.

Nakabawi rin ang UE mula sa 88-87 loss sa kamay ng host sa first round.

Nalasap ng host UST ang pang-limang sunod na talo.

Kinamada ni Mark Olayon ang 14 points at seven rebounds para sa Red Warriors na pinuwersa ang Tigers na makakuha ng 23 turnovers sa first half.

Bukod sa opensa, humugot ng lakas si Pumaren sa depensa para umalagwa ang Red Warriors sa unang dalawang periods, 41-27.

Inalagaan na lang ng UE ang lamang sa second half para hablutin ang matamis na panalo.

Bumanat sa opensa para sa Tigers si Louie Vigil na may 21 points habang kumana rin si William Afoakwah ng 10 points at 21 rebounds.

Iskor:

UE 71 — Olayon 14, Pasaol 9, Charcos 9, Palma 8, Batiller 7, Bartolome 6, Manalang 4, De Leon 4, Varilla 4, Abanto 2, Derige 2, Gagate 2, Penuela 0.

UST 61 — Vigil 21, Afoakwah 10, Faundo 10, Sheriff 5, Subido 3, Basibas 3, Lao 2, Lee 2, De Guzman 2, Huang 2, Macasaet 1, Caunan 0.