Una sa Balita

TIBAGAN NG PUWESTO SA DILG

By
0 3

Nagpapalakasan ng kapit kay Pangulong Rodrigo Duterte ang mga matataas na opisyal ng Department of the Interior and Local Government (DILG) matapos sumingaw ang hindi pagkakaunawaan ni Secretary Mike Sueno at mga undersecretaries nito.

Sa panayam ng programang Ratsada Balita ng DWIZ, kinumpirma ni Sueno na nakausap na niya ang Pangulo hinggil sa reklamo ng korapsyon sa tatlong undersecretaries ng DILG.

Ito ay sina Usec. John Castriciones, undersecretary for operations; Usec. Jesus Hinlo, undersecretary for public safety; at Usec. Emily Padilla, undersecretary for legislative liaison and special concerns.

Ayon sa kalihim, maari lamang niyang tanggalan ng responsibilities ang tatlong opisyal pero hindi umano niyang puwedeng sibakin dahil appointee sila ng pangulo.

Masusubok ang palakasan ng kapit sa DILG dahil sina Castriciones, Hinlo at Padilla ay pawang miyembro ng MRRD-NECC o Mayor Rodrigo Roa Duterte-National Executive Coordinating Council Committee na nangampanya kay Duterte noong 2016 Presidential elections.

“Ang sabi ko ayokong bigyan ng maraming problema, isolve ko na lang itong problema sa department at my level pero hindi ko na matiis ang ginagawa nila, hindi ito sang-ayon sa drive natin on anti-corruption, sabi ko I will just remove responsibilities from them, depende na yan sayo (President) kasi kayo naman ang nag-appoint, I cannot terminate them, kayo po,” bahagi ng panayam kay Sueno ng DWIZ.

Inungkat din ng kalihim ang balitang isinusulong ng tatlong undersecretaries na matanggal siya sa puwesto at ipalit sa kanya si TESDA Director General Guiling Mamondiong na nagrekumenda sa kanilang appointment sa DILG.

“Ako taga-Mindanao lang po ako eh, lalo na taga-Cotabato pa, baka sabi nila baka hindi ito qualified, na inefficient daw ako,” giit ni Sueno.