Una sa Balita

HIRIT NA!: Think B4 U Pick

By
0 1

Noong una, si Pope Francis ang biktima ng bunganga ni Ma­yor Rody Duterte, kumakandidato sa pagka-pangulo.

“Sabi ko, ‘Bakit?’ Sabi sarado na [ang daan]. Sabi ko, ‘Sinong darating?’ Sabi si Pope. Gusto kong tawagan, ‘Pope, p— ina ka, umuwi ka na. ‘Wag ka nang bumisita dito.’”

Ayon kay Duterte, nasambit niya ‘yun dahil sa ihing-ihi na siya at naipit sa matinding daloy ng trapiko.

Ngayon naman, ang misyonaryong Australyana na si Jaqueline Hamill na 36 na taong gulang lang noon. Si Hamill ay napaslang sa isang hostage taking sa Davao City noong 1989 at napaulat na ginahasa.

Nang makita ni Duterte ang bangkay ni Hamill, “Ni-rape nilang lahat ng mga babae so ‘yung unang asolte, kasi nag-retreat sila, naiwan ‘yung ginawa nilang cover, ang isa doon ‘yung lay minister na Australyana. Tsk, problema na ito…Pag labas, edi binalot.

“Tinignan ko ‘yung mukha, p___ ina parang si… parang artista sa Amerika na maganda.

“P____ ina! Sayang ito. Ang nagpasok sa isip ko, ni-rape nila, pinagpilahan nila doon. Nagalit ako kasi ni-rape? Oo, isa rin ‘yun. Pero napakaganda, dapat ang mayor muna ang mauna. Sayang,” dagdag ni Duterte.

Paliwanag ni Duterte, nasabi na naman niya ang mga pananalitang iyon di dahil wala siyang respeto sa babae kundi galit siya sa mga kriminal na lumapastangan sa misyonaryong dayuhan.

Sa huling insidente, ‘di siya hihingi ng paumanhin bagama’t iba ang press release ng kanyang kampo.

Kapansin-pansin na parehong naglilingkod sa Diyos ang biktima ng pagiging bulgar ni Duterte. Hugot ba ito sa naranasan niyang sexual harassment sa kamay ng isang pari noong kabataan niya?

Pilit kong hinimay-himay ang bawat salita ng Mayor. Nais kong bigyan ng bukas na kaisipan ang kanyang aktwasyon para maunawaan ko. Pero, hindi matanggap ng aking kamalayan ang binitawan niyang salita lalo na sa isang inosenteng nilalang na biktima ng karahasan.
Nasa huling mga bahagi na tayo ng eleksyon at marami sa ating mga kababayan ang hanggang ngayon ay wala pang napipili kung sino ang susunod na pangulo ng bansa.

Bawat kilos. Bawat galaw. Matamang inoobserbahan ng mga matalinong botante.

Nakakagulat na ang kanyang mga tagasuporta ay tinatanggap ito bilang isang ‘biro’. Sa kabila na ito ay sensitibong usapin, ‘di sila natinag sa pag-endorso kay Duterte.

Nakalulungkot na karamihan sa mga tagasuporta niya na mga babae ay walang naramdaman na sakit o pagkainsulto sa kanyang naging pahayag tungkol sa rape ng isang babae.

Paano matutupad ang kanyang pangako na masawata ang mga kriminal sa loob ng anim na buwan gayong siya mismo ay nag-isip na maging katulad nila nang masilayan ang magandang bangkay?

Sabi pa ni Duterte, laking iskwater siya at sa kalye na nagkamulat kaya unawain na lamang kung ganoon siyang magsalita.

Ito ay malaking insulto sa akin at sa mga isinilang at lumaki sa kalye ng Tundo. Sa kabila ng hindi rin magandang paligid na aming nakamulatan, marami ang ‘di lumaking bastos. Marami sa aking naging kababata ang magagalang at may respeto sa kapwa.

Pilit na pinagtatakpan at minamaliit ng kanyang kampo ang posibleng matinding dagok sa kanyang kandidatura ng kanyang sinabi.

Ikinalat sa social media ang mga memes tulad ng “Bad Jokes o Bad Government?” o “Duterte o rapist ng kaban ng bayan?”

Pero galing na kay Duterte, wala siyang pakialam kung mawala man sa kanya ang pagiging pangulo ng bansa resulta ng kanyang sinabi.

Noong si Vice Ganda ang nagbiro tungkol sa rape, nanindigan ako laban sa kanyang naging aksyon. At patuloy akong maninindigan at ipaglalaban na ang rape ay hindi isang biro.

Kapag may umaakyat ng ligaw sa inyong anak na babae, masusi natin itong kinikilatis. Nakalalamang sa ating mata ang may paggalang at respeto sa ating mga anak at maging sa atin dahil ang magandang kinabukasan niya ang ating binibigyan ng halaga.

Mahalaga ang karakter ng isang lider sa anupaman. Anim na buwan siyang manunungkulan, ‘di lang sa Pilipinas kundi maging sa buong mundo.

Ngayon kung babalikan ng kampo ni Duterte ang kanyang mga kritiko na siya ay hindi magnanakaw sakaling mahalal na pangulo kung ikukumpara sa iba? Dapat ay maging mapagmasid ang publiko kung sino ang mga taong nakapaligid sa kanya.

Kayo na mga ‘igan ang kumilatis.

Lord Kayo na po ang bahala.

***

Email: iganclavio@yahoo.com