Una sa Balita

The winner is… Angelica Alita!

0 395

Habang isinusulat ko ang artikulo kong ito ay nandito na ako sa California, U.S.A. dahil binibisita ko na ang mga bagay-bagay na may kaugnayan sa aking kasal.

Opo, sa darating na Disyembre 15, 2019 ay nakatakda na akong ikasal sa babaing tunay na bumihag sa pihikan kong puso—si Angelica Alita, isang culinary graduate na nahuli ang maselan kong panlasa sa pagkain.

Ikinagagalak kong ipaalam sa inyo na si Angelica ay 1st runner ni Miss Universe Catriona Gray sa Binibining Pilipinas 2016 at nakatakda sanang lumahok din sa pagiging Miss Universe ngunit hindi na ito natuloy.

Ito ay dahil sa hindi na ako nag-aksaya ng panahon at agad ko itong inalok ng kasal dahil sa takot ko na maging abala pa siya sa kaniyang career at mawalan kami ng panahon sa isa’t isa.

Grabe, may mga ­babae rin namang nagdaan sa buhay ko ngunit kakaiba talaga ang ­aking naramdaman nang makilala ko si Angelica na siyang nagbibigay sa akin ng direksiyon.

Si Angelica na isang half-Australian-half-Filipino ay taga Puerto Galera sa Mindoro at kilalang mabait, mahusay sa pakikitungo na isa sa labis kong nagustahan sa kanya.

Bilang isang Bise-Gobernador ng Lalawigan ng Cavite, halos wala na akong panahon sa aking sarili dahil sa abala ako sa aking trabaho at dito ko naramdaman na si Angelica na ang nararapat kong pakasalan.

Hindi siya ­kailanman nagreklamo o nagparamdam ng pagod sa tuwing isasama ko siya sa mga aktibidades ko sa iba’t ibang bayan ng Cavite at higit sa lahat ay napakababa ng kanyang loob, lalo na sa ­pakikitungo sa mga mahihirap naming kababayan.

Maging ang mga tauhan namin sa aming ta­hanan ay mahal na mahal siya dahil sa hindi niya alintana kung ano ang katayuan niya sa buhay dahil sa labis niyang pagkamaalalahanin.

Ngayon heto at handa na ang lahat, nakatakda kaming mag-isang dibdib sa Pelican Hill, Newport Beach, California sa darating na Disyembre 15 sa ganap na alas-tres ng hapon.

Hindi ko na iisa-isahin ang pangalan ngunit binubuo ito ng labing-anim na Ninong at labing-anim na Ninang, nasa labing-tatlong Groomsmen at labing-tatlong Bridesmaids at tatlong Junior Bridesmaids.

Tig-dadalawang Candle Sponsors, Veil Sponsors , apat na Cord Sponsors at tatlong Flower Girls at kasama ang lahat ng aming mga kaanak kabilang na ang aking mga kapatid at mga magulang.

Ganap alas-dos ng hapon ay inaasahang nasa simbahan na ang lahat, ganap alas-tres ng hapon ay sisimulan na ang aming pag-iisang dibdib, alas-singko ng hapon ay isasagawa ang cocktails, alas-sais ng gabi ay sisimulan na ang dinner at ganap na alas-otso ng gabi ay may magaganap na sayawan para sa lahat ng dadalo.

Destination ­Wedding ang tawag sa aming kasal, kailangang magbiyahe ng lahat na dadalo ngunit sinikap kong maging maayos ang lahat para makaiwas sa dagsa ng mga tao lalo pa at non-showbiz naman ang pamilya ng aking mapapangasawa.

Kay Angelica, buong puso kong ipinagkakaloob sa iyo ang aking puso, dahil ikaw ang itinadhang maging ina ng ating mga anak. Ikaw ang gusto kong makasama sa pagtanda, Mahal na mahal kita.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy