Una sa Balita

THE SOURCE: Yasmien Kurdi look-alike winner sa Wowowin

By
0 15

Ang Yasmien Kurdi look-alike na si Shayne Jones ang first Mega Jackpot winner ng Wowowin, ang top rating game show ni Willie Revillame sa GMA 7.

House and lot at isang milyong piso ang mga premyo ni Shayne na napaupo sa sahig nang sabihin ni Willie na nakuha niya ang elusive mega jackpot prize na hindi pa napapanalunan mula nang magsimula ang Wowowin sa Kapuso Network noong May 10, 2015.

Napahagulgol nang iyak si Shayne at ang kanyang ina na si Rexy Soliman na gustong-­gusto nang lumipat sa ibang lugar dahil tatlong beses nang tinangka ng masasamang loob na pasukin ang bahay nila sa relocation site para sa informal settlers sa Sta. Rosa, Laguna.

Bago ­inumpisahan noong Lunes ang Pera o Kahon segment ng Wowowin na may #BuhosBiyaya, ­nagsalita si Willie na baka ma­panalunan na ang Mega Jackpot dahil masuwerte na petsa ang August 8.

Nag-dilang anghel si Willie dahil ang Mega Jackpot ang laman ng kahon na pinili ni Shayne .

Isang British national ang biological father ni Shayne pero hindi na nito nagisnan ang ama na si Anthony Jones na ­umalis ng Pilipinas noong ­pitong buwan buntis ang kanyang Filipina girlfriend sa kanilang anak.

Napapanood sa buong mundo ang Wowowin kaya umaasa si Willie na sa tulong ng GMA ­Pinoy TV, may tsansa na malaman at matukoy ni Shayne ang kinaroroonan ng estranged father nito.

“Lahat po ng pangarap ko, ngayon natupad na. ‘Yung gusto ko po na magkaroon ng bahay, nakuha ko na. Maraming-maraming salamat po, saka sa tulong n’yo, kung hindi po dahil sa tulong n’yo, hindi ako susugal.

“Gusto ko na po mag-pera kaso po sabi ng mama ko, minsan lang dumating sa buhay ‘yung ganito kaya po ­inilaban ko na,” ang ­pasasalamat kay Willie ng umiiyak na si Shayne na nanga­ngarap na mahanap at makilala nang personal ang tatay niya.

Hindi  nakapagtataka kung i-feature sa Kapuso Mo Jessica Soho ang life story ni Shayne dahil bukod sa ito ang first Mega Jackpot winner ng Wowowin, interesting ang kuwento na hindi pa niya narara­nasan na  manood ng sine.

Sinabi ng nanay ni Shayne na ibibili na lamang nila ng pagkain ang kanilang pera kesa manood ng sine dahil mahal ang entrance ticket sa mga sinehan.

Mga tunay na kuwento ng buhay ang napapanood sa Wowowin at dahil sa mga makukulay at kakaibang  karanasan ng mga contestant, ang game show ni Willie ang isa sa mga source ng mga feature story na ipinalalabas sa Sunday primetime show ni Jessica Soho at ng ibang mga programa ng GMA 7.

By the way, pinasalamatan ni Willie ang lahat ng mga patuloy na tumatangkilik sa kanyang programa sa pamamagitan ng text message na ipinadala niya sa amin noong Lunes.

***

Kean Cipriano, Angeline Quinto, Eric Quizon at Martin Escudero
Kean Cipriano, Angeline Quinto, Eric Quizon at Martin Escudero

Ngayon ang unang araw sa mga sinehan ng That Thing Called Tanga Na, ang pre-birthday presentation ni Mother Lily Monteverde at tribute niya sa LGBT community.

Lead stars ng That Thing Called Tanga Na sina Eric Quizon, Billy Crawford, Kean Cipriano, Martin Escudero at Angeline Quinto.

Sa recent presscon ng pelikula na mula sa direksyon ni Joel Lamangan, nagkaisa sina Billy, Kean at Angeline sa pagsasabi na sina Boy Abunda at Vice Ganda ang mga miyembro ng third sex na hinaha­ngaan at nirerespeto nila.

Incidentally, magdiriwang si Mother Lily sa August 19 ng 77th birthday at kasabay nito ang pagbubukas ng kanyang bagong negosyo sa Valencia Street, Quezon City, ang Mother’s Lechon.

Maganda at mabait na aktres, jinx sa TV at pelikula

Jinx ang tawag sa isang maganda at mabait na aktres dahil  talo sa ratings ang mga tele­vision show niya at flop sa box office ang kanyang mga pelikula.

Kahit nakilala sa ibang bansa, marami ang naniniwala na hindi pangbida ang aktres at mahina ang ­karisma niya sa masa.

Walang ipinagkaiba ang aktres sa ibang mga ­Filipino celebrity na sikat sa international scene pero hindi tinatangkilik sa sariling bayan ang kanilang mga project, sa TV man o pelikula.