Una sa Balita

The Source: Willie, naka-relate sa ‘pinagdaraanan’ ni Kris!

By
Willie Revillame
0 1

Naniniwala si Willie Revillame na makakabalik pa si Kris Aquino, kahit marami ang nagsasabi na lipas na ang panahon ng TV host/actress at co-terminus ng popularidad nito ang pa­nunungkulan bilang pangulo ng Pilipinas ng  kapatid na si President Noynoy Aquino.

“Mahusay na television host si Kris, makakabalik siya,” ang pahayag ni Willie nang makausap namin siya sa dressing room niya sa studio ng Wowowin ng GMA 7.

Sinabi rin ni Willie ang kanyang paniniwala na walang mean bone sa katawan si Kris na tulad niya. Tila nakaka-relate si Willie sa mga pinagdaraanan ng hosting career ni Kris sa kasalukuyan dahil dumanas rin siya noon ng mga pagsubok.

Pero isinilang na survivor si Willie kaya nalampasan nito ang lahat ng mga challenge. Paulit-ulit na sinabi ni Willie na masayang-masaya siya sa Kapuso Network at sa mataas na rating ng Wowowin.

Natuwa si Willie nang malaman nito na dalawang beses na pumalo sa pinakamataas na rating ang Wowowin kaya binigyan niya ng bonus ang lahat ng mga tauhan ng kanyang top rating game show sa GMA 7.

Wowowin dancer, itinangging
‘NABUNTIS’ siya ni Willie!

Pormal na ipakikilala bukas ng City of Manila at ng Viva Live ang official candidates ng Miss Manila 2016. Ang MARE Foundation ang beneficiary ng Miss Manila 2016 na nakatakda ang coronation night sa June 24, ang Araw ng Maynila.

Alumna ng Miss Manila ang Miss Earth 2015 na si Angelia Ong. Si Ong ang second runner up sa Miss Manila noong 2014 at batchmate niya si Samantha Page Haire na dancer na ngayon sa Wowowin.

Naging kontrobersyal si Samantha dahil natsismis ito na nabuntis at naanakan ni Willie Revillame. Gulat na gulat si Willie nang makarating sa kanya ang balita dahil wala siyang kamalay-malay na siya ang pinagbibintangan na tatay ng baby boy na isinilang ni Samantha noong March 2016.

Walang katotohanan ang tsismis dahil pinabulaanan ito ni Samantha nang makausap namin siya sa Wowowin studio noong Sabado.

In fact, si Willie ang nagmagandang-loob na tulungan siya nang malaman ng controversial television host ang kalagayan niya. Kilala ni Willie ang ama ng anak ni Samantha dahil bumibisita ito sa set ng Wowowin.

Katrina Legaspi, nasilipan!

Si Miko Livelo ang direktor ng I Love You To Death, ang launching movie ni Kiray Celis. Ang I Love You To Death ang biggest break ni Miko sa pelikula kaya nagpapasalamat siya sa tiwala na ibinigay sa kanya ng Regal Entertainment Inc. at The Idea First Company.

Isang horror-comedy movie ang launching movie ni Kiray at hindi baguhan si Miko sa ganoong genre dahil isa siya sa mga direktor ng Parangnormal Activity, ang horror comedy television series ng TV5.

Nakatrabaho na ni Miko si Kiray sa Parangnormal Activity kaya komportableng-kompor­table na sila sa isa’t isa nang gawin nila ang I Love You To Death.

Kasama rin sa cast ng I Love You To Death si Katrina Legaspi na kilala sa screen name na Hopia noong child actress siya. Nang dumalo si Katrina sa presscon ng I Love You To Death, sinenyasan namin siya na ayusin ang pag-upo. Hindi napansin ni Katrina na lumililis ang kanyang bestida kaya nasisilipan na siya ng mga tao na nasa harap niya.

Dalagang-dalaga na si Katrina at kung hindi pa niya sinabi na siya ang dating Hopia, mapagkakamalan na baguhang artista ang former child star na ipinagpatuloy ang pag-aaral at nagtapos ng Bachelor of Arts in Communication sa Miriam College noong nakaraang buwan. Nga­yong graduate na siya, may panahon na para mag-concentrate sa kanyang showbiz career ang dating kasamahan nina Julia Montes at Kathryn Bernardo sa Goin Bulilit.

Kahit sikat na ngayon ang mga kasabayan niya, walang nararamdaman na panghihinayang si Katrina na naniniwala na kagustuhan ng Diyos na makatapos muna siya ng pag-aaral.