Una sa Balita

The Pretending Princess

By
0 410

Ika-4 na labas

Gabi.

“This is so grabe, parang ayoko na maging prinsesa!” reklamo ni Sushi habang nakahiga na sila.

“Ano ka, pagkatapos naman nito at napili ka, e ‘di magsawa ka sa kakakain ng fried chicken at lahat ng masasarap na gusto mo!” si Minyang.

“Korek, at ang una kong kakainin ay ice cream!”

Napatingin silang lahat kay Perlita.

“O, bakit, anong masama do’n?”

“Wala naman. Para ka kasing bata.” Si Jenny sabay irap.

“Asus, bakit bata lang ba ang kumakain ng ice cream, saka nu’ng bata pa’ko, pagtumatambay na ‘yung sorbetero sa harap ng bahay namin hindi naman ako nakakabili… ang ginagawa ko tinutulungan kong magkalembang ‘yung sorbetero para bigyan niya ako ng libre, minsan nga apa lang ang ibinibigay niya sa’kin kapag walang masyadong bumili eh…” tila may lungkot silang nahimigan sa boses ni Perlita.

“Ako ang una ko namang kakainin ay cake!” si Apple.

“Bakit cake?” tanong ni Lyka.

“Kasi simula nang isilang ako sa mundo, hindi pa ako nagkaroon ng cake ni minsan sa birthday ko.”

Napatingin si Perlita kay Apple.

“Basta ako ang gusto ko ay ham! Iyon kasi ang uso ‘pag pasko, pero kahit isang pasko hindi pa nagkaroon ng ham sa lamesa namin!” si Trisha.

“Ako, chocolates!” si Sheila.

“Ako, litson!” si Auring.

“Ahm, sige, ako naman ang gusto ko ay…maanghang na adobong manok!” si Brenda.

“Asus, kaya maanghang kang magsalita eh!” tukso ni Perlita.

“Teka, syempre may gusto rin ako, fruit salad!” si Jenny.

“At ako ay ang nasabi ko na kanina, fried chicken!” si Minyang.

“Okay, magpapahuli ba’ko, I want sugpo!” hirit naman ni Sushi.

“Lyka, ikaw na lang ang hindi nagsasabi ng gusto mo?” baling ni Perlita kay Lyka.

“Ha? e,.. ang gusto ko talagang kainin ­ngayon… kanin!”

Napabalikwas sila ng bangon mula sa dalawang magkatabing papag at napatingin lahat kay Lyka.

“KANIN?” halos sabay-sabay din nilang tanong.

“E pa’no naman, ilang araw na tayong hindi kumakain ng kanin, sa tingin ko malapit na akong magkolaps!”

Related Posts

“Ah kanin pala ha! eto oh kainin mo!” sabay bato ni Perlita ng unan kay Lyka.

“Eto pa!” ginaya ni Sushi si Perlita na sinundan ng iba pa.

“Ano ba, tama na, busog na’ko!” biro ni Lyka sa mga kasama.

Ang gabing ‘yon ay napuno ng pagkakasundo at katuwaan. Subalit kinabukasan ay balik na ­naman sila sa kagutuman at kahirapan ng buhay na tila pinagkaitan.

Isang umaga. Nakaharap si Perlita sa salamin at kinakausap ang sarili.

“‘Wag kang susuko Perlita, once in a lifetime lang ang pagkakataong ito, isang linggong paghihirap versus isang taon na kasaganahan bilang prinsesa… kaya magtiis ka na…” kumbinsi niya sa sarili.

Mula sa salamin ay nakita niyang bumagsak si Lyka habang nagwawalis. Agad niya itong sinaklolohan.

“LYKA!”

Nilapitan sila ni Sheila at pinagtulungan nila itong ihiga sa papag.

“Kumuha ka ng tubig Sheila.”

“Oo.”

Pinaypayan ni Perlita ng nakuhang karton ang dalagang nawalan ng malay.

“LYKA, Gumising ka!”

Naglapitan na rin sa kanila ang mga kasama at inusisa kung anong nangyari sa dalaga. Binasa ni Perlita ang labi nito hanggang sa muling magmulat at magkamalay.

“A-anong nangyari?”

“Lyka, buti pa ‘wag ka na munang magkikilos kasi mukhang wala kang itatagal.” Sagot ni Perlita.

Bumaling si Perlita sa mga kasama.

“Girls, mga prinsesa, ilang araw na lang at makakalabas na tayo dito, alam ko na nahihirapan na kayo, pero walang prinsesa ang sumusuko…hindi pa naman tayo mamamatay sa gutom, kaya hangga’t may tubig na lumalabas sa gripo, hangga’t humihinga pa tayo, go lang ng go. Keri?”

Sumang-ayon naman sila sa kanya.

“KERI!” sabay-sabay nilang sagot.

Hanggang sa ang araw na pinakahihintay nila, sa wakas ay dumating na rin. Isa-isa silang pinalabas sa bahay at pinapunta sa hardin ng mansion kung saan naghihintay si Donya Margarita. Isang salu-salo ang nadatnan nila doon. Subalit tila wala pang ibang bisitang dumarating. Pawang mga masasarap na pagkain pa lang na nakahain sa mahabang mesa.

“Good morning to all of you ladies. I’m happy to see you here.” Bungad na pagbati ng Donya.
Binati rin nila ito ng may kanya-kanyang ngiti sa mga labi.

“Well, a week is over, and finally ay nakapili na rin ako ng bagong prinsesa na titira sa mansion sa loob ng isang taon. Ginawa ko ang pagpili sa pamamagitan nang pagmo-monitor ko sa inyo through a cam na nakakabit sa loob at labas ng bahay. At walang ibang nagdesisyon sa pagpiling ito kundi ako lamang.”

Walang hindi kinakabahan sa mga dalaga habang nagsasalita sa harap nila si Donya Margarita.

“Kung mapapansin n’yo, walang ibang bisita rito kundi kayo lang, kaya ang lahat ng nakahain sa mesa ay para sa inyo lamang. At bukod doon ang mga hindi mapipili ay mag-uuwi ng tigsasampung libong piso. Is that alright with you?”

Mga nakangiting nagtanguan ang mga dalaga. Tuwang-tuwa at kanya-kanya ng bulungan sa bawat isa.

“Okay, bago ko i-announce kung sino ang masuwerteng napili ko ay kumain na muna kayo, alam kong gutom na gutom na kayo mga prinsesa.”

Mabilis pa sa alas-kuwatrong nawala sa ­harapan ni Donya Margarita ang mga dalaga at agad na sinugod ang mesa na puno ng mga pagkain. Kanya-kanya sila ng dampot at halos mataranta sa kung anong dapat nilang unahing kainin. (Itutuloy)