Una sa Balita

The Pretending Princess

By
0 410

Ika-31 na labas

Agad tinakpan ni Perlita ang bibig ng kaibigan.

“Ssshhh baka marinig ka ni nanay!”

“Ha? tama ako ‘di ba?” pabulong na hirit pa ni Melay.

“Secret!” pabulong din na sagot ni Perlita na maluwang ang pagkakangiti.

“Sabi ko na nga ba, ano, masarap ba?” nanunuksong urirat ni Melay.

“Heh! Tumigil ka nga diyan. Mahal ko siya kaya di ko siya makalimutan, period.”

“Okay fine, dahil naglagay ka na ng period e ‘di ibahin na natin ang usapan, nakikita mo ba ‘yung bagong mansion na pinapagawa diyan malapit din sa mansion ni Donya Margarita?”

“Ah ‘yon, oo, halos yari na ‘di ba?”

“Oo, nagtataka nga ako eh, usap-usapan kasi na hindi naman si Donya Margarita ang nagpapagawa niyan, ibig sabihin iba ang may-ari, sino kaya?”

“Aba malay ko, baka kamag-anak o ibang tao, hindi naman yata pag-aari ni Miss Margaret ang lupang tinatayuan ng bagong mansion eh.”

“Kunsabagay, ano nga bang pakialam natin eh kahit na sino bang magmay-ari niyan. Kaya lang nakakahanga kasi ang design, ang ganda! Bongga! Mas maganda pa sa mansion ni Donya at saka parang mala-palasyo ang design eh!”

“Oo nga eh, napansin ko rin. Mukhang tatapatan ang princess program ni Miss Margaret!” natatawang sabi ni Perlita.

Sa kabila ng pagiging abala sa culinary ay patuloy pa ring umaasa si Perlita sa pagbabalik ni Denver. Palagi pa rin siyang nagbabakasakali na matatagpuan niya ito maski sa internet. Hanggang isang araw ay may nag-friend request sa kanya sa pangalang Revned.
“Revned? hmm… bakit walang mga photos? Puro pagkain…”

Hindi niya ito pinansin. Pero nakatanggap siya ng request message mula rito.

“I miss you so very much… kumusta ka na?” iyon ang nakalagay sa mensahe.

Nag-isip siya.

“Revned… revned… revned… Denver? Tama binaligtad na Denver ang Revned!”

Related Posts

Agad siyang nag-reply.

“Denver, is that you?”

Pero matapos iyon ay wala na siyang natanggap na tugon. Naghintay siya pero lumipas ang araw na wala pa ring mensahe mula sa binata kahit na-confirm na niya ito sa Facebook.

“May nanloloko lang ba sa’kin?” tanong niya sa sarili habang tinitingnan ang laman ng profile ni Revned.

Dahil wala namang makuhang sagot kaya binalewala na lang niya iyon.

Pero ang mga sumunod na araw ay lalo pa niyang ikinagulat nang makita niya ang mga bagong post na photos ni Revned. Puro stolen shot niya paglabas at pagpasok sa bahay. Maging sa school.

“Ngayon sigurado na ako na hindi si Denver ito, nasa America siya kaya paano niya ako makukunan ng mga stolen shots! Alam ko na kung sino ang may gawa nito!”

Kinabukasan sa culinary school ay lihim niyang kinompronta si Mandy. Hinila niya ito sa isang sulok na walang makakakita sa kanila.

“O sweetie, bakit mo ba’ko dinala dito sa sulok? Please ‘wag mo kong gawan ng masama, pwede naman nating daanin sa magandang usapan ito eh!” biro ng binata.

“Tigilan mo ko ha, baka akala mo hindi ko alam na pinaglalaruan mo ako sa Facebook! Alam mo bang pwede kitang idemanda dahil sa mga stolen shots ko na ipino-post mo sa net?”

“Uy teka, teka, teka, anong pinagsasasabi mo?”

“Wag ka ng magmaang-maangan diyan, ginamit mo pa talaga si Denver ha, binaligtad mo pa ang name niya!”

“Teka nga, maghunos-dili ka muna, wala akong alam sa sinasabi mo, at of all the people hindi ako ang tipo na gagamit sa ibang tao, gusto kita at harapan kong sinasabi sa’yo ‘yon.”

“Kung hindi ikaw, sino, wala na akong ibang maisip na gagawa no’n?”

“A basta hindi ako ang stalker mo, mas gugustuhin kong makipag-selfie sa’yo kaysa kunan ka ng mga stolen, gusto mo selfie tayo ngayon?” sabay dukot ni Mandy ng cellphone niya sa bulsa.

“No, thanks, mag-selfie kang mag-isa!”
Tinalikuran na ni Perlita ang binata.

“Perlita, wait, alam mo namang nandito ako sa culinary ngayon dahil sa’yo, kaya pwede ba ‘wag mo naman akong isnab-isnabin lang?”

Hindi na pinansin ng dalaga ang binata.

Gabi. Hindi makatulog si Perlita. Nakatagilid siya ng higa sa maliit niyang kama. Pinag-iisipan niyang mabuti kung dapat na ba siyang sumuko? Parang hindi na kasi niya kaya.

Akala niya magagamot ng panahon ang puso niya, pero habang tumatagal yata ay lalo lang siyang nababaon sa kalungkutan. (Itutuloy)