Una sa Balita

The Pretending Princess

By
0 410

Ika-30 na labas

“Oh God, ‘wag mo naman po siyang ilayo sa akin ng ganon kalayo… hindi ko na kayang puntahan ‘yon…”

Dahil wala ng makuhang iba pang impormasyon kaya napilitan si Perlita na magpunta sa mansion para kausapin si Donya Margarita. Sa study room niya ito inabutan. Nakaupo sa mahabang table at maraming libro sa harapan

“Miss Margaret, sorry po naabala ko yata kayo?”

“No, come here.”

Lumapit si Perlita.

“Maupo ka.” Ani Donya Margarita nang mapansing nanatili sa pagkakatayo ang dalaga.

“Salamat po.”

“Tungkol ba kay Denver kaya ka nandito?” tanong ng Donya na ang mga mata ay nasa ­binubuklat na libro.

“E, opo, kasi, nabalitaan ko po na balak po yata niyang magpunta sa America, gusto ko lang pong malaman kung totoo ‘yon?”

Napahinto sa pagbuklat ng libro ang matanda. Tumingin ito sa dalaga.

“Yes. It’s true.”

“Alam n’yo po?”

“Oo, I was talking to him, nu’ng isang araw lang. So how did you know about that?”

Hindi agad nakasagot si Perlita. Si Donya Margarita pala ang sinasabi ni manong na kausap ni Denver. Pero no choice na siya. Kailangan niyang magpakatotoo.

“K-kasi po, hinanap ko siya… sa Manila… sa Isla… at doon ko na nga po nalaman… pero hindi ko na po siya inabutan do’n eh…”

“Bakit mo siya hinanap Princess Perly?”

“I’m sorry po… taos-puso po akong humihingi ng tawad, pero mahal ko po talaga si Denver…”

Natahimik si Donya Margarita. Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan nito bago muling nagsalita.

“Love, love, love, bakit ba kayong mga kabataan ngayon napakatitigas ng ulo n’yo pagda­ting sa love? Alam niyo ba nu’ng panahon namin, kung ano ang sabihin ng mga magulang namin ‘yon ang sinusunod namin, kung sino ang gusto nila para sa amin, iyon na lang din ang pinupusuan namin… pero kunsabagay, napakahirap ng ganoong sitwasyon, siguro mas hawak n’yo lang ang kalayaan n’yo ngayon…”

“Miss Margaret, hindi ko po kayo maintindihan.”

“At napakahirap n’yo pang umintindi! Tsk, tsk!”

Tumayo si Donya Margarita at lumapit sa bintana ng study room. Tumanaw sa labas.

“Sa akin na halos lumaki si Denver at sa buong panahon na nasa poder ko siya, ni minsan ay hindi pa niya ako binigo… mabait at masunurin siyang bata… naging mabuting kuya rin siya sa pinsan niyang si Melody… hindi ko inaasahan na pag-ibig ang babago sa kanya…”

“Miss Margaret, tingin n’yo po ba naging masama siya dahil binigo niya kayo tungkol sa company at kay Elise?”

Related Posts

“No. Nagbago siya, in a way na nagkaroon siya ng sariling paninindigan.”

Lihim na nakadama ng saya si Perlita. Iniisip niyang mas pinili siya ni Denver kaysa kay Elise at sa company.

“Kung pupunta po siya ng America, ano na pong mangyayari sa company n’yo?”

Muling naglakad ang Donya pabalik sa upuan.

“Malaki ang naitulong niya sa pag-unlad ng kumpanya, nagawa na niya ang part niya at nagawa mo na rin ang part mo para mapabalik siya rito, I think kailangan kong humanap ng papalit sa kanya at mga bagong investors, well, that’s life, kailangan kong maintindihan si Denver, at kailangan din kitang intindihin.”

“I-ibig po bang sabihin?…”

“Princess Perly, ibinibigay ko na ang kalayaan n’yo, pero gusto man kitang tulungan hindi ko magagawa… the last time na nag-usap kami, ayaw niyang sabihin sa akin kung saan sa America siya pupunta, gusto lang daw niyang magbakasyon at makapag-isip, well, if he truly loves you, he will come back at pupuntahan ka niya.

So, all you have to do is to wait. Kaya nasa sa inyong dalawa na kung hanggang saan n’yo makakayang panindigan ang pag-ibig na sinasabi n’yo.”

“S-salamat po…”

Napaisip si Perlita. Kung siya ang pinili ni Denver, bakit kailangan pa nitong magpunta ng America? Dahil ba iniwan niya ito kaya iiwan din siya nito?

Pinaghalong saya at lungkot ang naramdaman ni Perlita nang umalis sa mansion. Masaya dahil pinapayagan na sila ni Donya Margarita na magmahalan. Pero malungkot dahil ni hindi niya alam kung nasaan ito at kung babalik pa ba?

Sa bawat araw at gabi na lumilipas, patuloy ang panalangin ni Perlita na magbalik sa kanya si Denver. Hanggang sa hindi na niya namalayan ang mabilis na pagkalagas ng tangkay ng panahon. Dalawang taon na agad ang nagdaan. Bato na ang bahay nila, tulad ng puso niya.

“Beshie, diba dati crush na crush mo si Mandy?” tanong sa kanya ni Melay nang dalawin siya nito sa bahay. Magkatabi silang nakaupo sa sofa.

“Hashtag dati.”

“E since gusto mo naman siya dati, bakit ‘di mo siya bigyan ng chance ngayon, nanliligaw na siya sa’yo ‘diba?”

“Hind porket magkasama na kami sa culinary at palagi kaming nagkakasabay sa canteen ay mababalik na ‘yung feelings ko sa kanya. Walang makakapalit kay Denver sa puso ko, ke bumalik man siya o hindi.”

“So, sinasabi mo bang kapag hindi na siya bumalik e tatandang dalaga ka na lang gano’n?”
“Parang gano’n na nga.”

“Hay ewan ko sa’yo, ‘wag mong sayangin ang byuti mo beshi sa paghihintay sa wala, baka nga may ibang jowa na ‘yon don na amerikana!”

Saglit na natahimik si Perlita pero agad ding bumawi.

“A, basta, para sa kanya lang ang puso ko, kundi para sa kanya, e ‘di sa akin lang ang puso ko, wala ng ibang magmamay-ari nito!”

“Naks naman ha. ‘Wag kang magsalita ng tapos.”

“Asus, kung maka-react ka sa lovelife ko wagas na wagas, e ikaw nga to diyang virgin na virgin pa sa pag-ibig!”

Natigilan si Melay. Napaisip.

“Aha! Alam ko na kung bakit ‘di mo siya malimutan!”

“Bakit?” taas ang kilay na tanong ni Perlita.

“E kasi, na-virgin ka niya ano?” (Itutuloy)