Una sa Balita

The Pretending Princess

By
0 396

Ika-3 na labas

“Teka, bakit n’yo? E ikaw?” tanong ni Trisha.

Tumayo sa upuan si Perlita at nameywang bago sinagot ang tanong nito.

“Since ako ang nakaisip ng idea na magbotohan at magjack-enpoy, at ako rin ang lumaban at nagwagi kaya exempted ako sa mga gawain!”

Nagkatinginan ang mga babae. Gusto man nilang tumutol ay wala naman ang naglakas-loob na magsalita.

Dahil doon ay feeling prinsesa agad si Perlita. Habang abala sa kanya-kanyang gawain ang mga kasama ay abala naman siya sa pagpapraktis sa sarili sa harap ng whole body mirror bilang isang tunay na prinsesa.

“Tingnan mong lukaret na ‘yan, anu-anong gagawin niya araw-araw? Manalamin at mangarap?” bulong ni Brenda kay Jenny.

“Hayaan mo lang siya, nakikita mo ba ‘yon?” inginuso ni Jenny ang hidden cam sa bandang ­itaas ng dingding.

“Aba, meron pala niyan, hindi ko napansin.”

“Sshhh, ‘wag kang maingay, saka pa’no nila malalaman ang mga pinaggagagawa natin dito kung walang ganyan diba? kaya hayaan lang natin ang Perlita na ‘yan sa pagrereyna-reynahan niya, sigurado namang hindi siya papasa maski maging prinsesa.” Natatawang sabi ni Jenny.

Dahil sa hindi pagkakaunawaan, madalas ay nagkakairingan ang mga dalaga. Sa pagkakataong ito, sina Sheila naman at Trisha ang nagkaroon ng argumento na nauwi sa pagsasabunutan. Naalimpungatan si Perlita na tanghali na kung gumising. Agad siyang nakiawat sa mga kasama.

“Teka nga muna, pwede ba magpaawat kayo!” kalmado subalit madiin niyang sabi.

Nagpaawat naman ang dalawa na kapwa ­gulong-gulo ang mga buhok.

“Okay, isa-isa lang ang magsasalita ha, para malinaw, sige Sheila anong problema mo?”
“Wala akong problema Perlita, ang babaeng ‘yan ang may problema sa akin, hindi raw kasi maayos ang laba ko, akala mo naman siya ­maayos kung maglaba!”

“Hoy, ikaw ang naunang mamintas ng laba ­diyan diba? ang sabi mo labang prinsesa ako!”

“E talaga naman e, ang bagal bagal mong ­kumilos! Lubog na ang araw hindi pa tayo ­nakakapagsampay!”

Muling sumingit si Perlita sa dalawa.

“Okay, okay, ganito na lang, since hindi kayo magkasundo sa paglalaba, ililipat ko na lang kayo sa pagluluto!”

“Teka, ibig sabihin magkasama pa rin kami?” nagtatakang tanong ni Sheila.

“Oo nga, ayoko na no!” angal din ni Trisha.

“Ganito kasi ‘yan, bilang prinsesa kailangan matutunan n’yong i-handle ang mga sitwasyon na ayaw n’yo, kasi hindi naman lahat ng sitwasyon na haharapin natin sa future ay gusto natin, PERO, dahil hindi n’yo na keri ang isang bagay, try n’yo sa iba, malay n’yo baka sa pagluluto ay iisa pala ang taste n’yo, e ‘di problem solve, baka maging beshi pa kayo bandang huli diba?”

Napaisip sina Sheila at Trisha. Ganoon din ang mga kasama nila.

“O, ano, agree?” muling tanong ni Perlita.

Hindi sumagot pero kapwa tumango ang ­dalawang dalaga.

“Okay dahil pumayag na kayo, ang bagong team sa paglalaba ay sina Minyang at Apple!”

Pareho namang napakunot ang dalawang ­binanggit.

Related Posts

“Sandali, hindi ako marunong maglaba!” ­apela ni Apple.

“Kung hindi siya marunong maglaba, siguradong hindi siya makakatulong sa’kin, sasakit pa ang ulo ko!”

“kalma lang, kalma lang kayong dalawa.” Si Perlita. Nilapitan nito si Apple at inakbayan.

“Apple, paano ka matututo kung hindi mo susubukan? Ang prinsesa ay hindi takot sumubok sa mga bagay na hindi niya alam.” Matapos sabihin iyon ay si Minyang naman ang nilapitan at inakbayan ni Perlita.

“Ikaw naman Minyang, isang napakagandang oportunidad para sa’yo ang maturuan ang isang prinsesang walang alam, kasi kung isa ka ng ­prinsesa na maraming alam, tungkulin mo ang ­tumulong sa iba.”

“G-ganon ba?”

“Ganern na ganern.”

Dahil naayos na niya ang gulo ng mga ­kasama ay back to feeling prinsesa ang peg ni Perlita.

“O, pa’no ba ‘yan mga girls, itutuloy ko lang ang tulog ko ha, nakakaloka kayo inistorbo n’yo ang napakaganda kong panaginip, makikilala ko na sana ang prinsipe ko eh!” ani Perlita kasabay ng paghihikab habang pabalik sa higaang papag.

Napapailing namang muling nagkatinginan ang mga babae.

Samantala. Lingid sa kanila. Nakaupo si Donya Margarita sa harap ng monitor at nakamasid sa kanila. Napangiti ito ng makahulugan.

“Isang prinsesang tamad at mapanlamang ­subalit kayang pasunurin ang kanyang nasasakupan…” sa isip ng Donya na ang tinutukoy ay si Perlita.

Makalipas ang dalawang araw ay ubos na ang supply ng pagkain nila. Simula na ng kalbaryong pagdadaanan nila.

“Perli, anong gagawin natin ngayon?… ­hindi naman tayo pwedeng bumili sa labas, prisoners tayo dito…” tanong ni Auring.

Pare-pareho silang nakatunganga sa mesa. Ang iba ay nakahalukipkip ang iba naman ay nakapa­ngalumbaba kabilang Si Perlita.

“Bakit ako?”

“Bakit hindi ikaw, e ikaw naman ang lider-lideran dito diba?” Inis na sabi ni Brenda.

“Okay fine. “tumayo si Perlita at tumanaw sa bintana.

Maya-maya ay muli itong nagsalita.

“Ilang kilo na lang ba ang bigas natin?”
“Siguro nasa dalawa na lang, tapos mababawasan pa kapag nagsaing tayo mamayang ­tanghali.” Sagot ni Sheila.

“Okay, simula mamayang tanghali lugaw na lang ang kakainin natin.”

“ANO?” halos sabay-sabay na sabi ng mga babae.

“Wow ha! chorus pa talaga kayo at parang hindi pa kayo nakakaranas maglugaw sa tanghalian at hapunan samantalang pare-pareho naman tayong isang kahig isang tuka!” kunot-noong sabi ni Perlita.

Pare-parehong nalungkot ang mga reaksyon nila.

“At tag-iisang tasa lang, wala ng babalik!”

Lalo silang nalungkot. Marami pa silang problema na hinanapan ng solusyon ni ­Perlita. ­Tulad ng pag-inom ng kape, dahil nagtitipid sila, sa isang baso ng kape ay dalawa ang maghahati. ­Sinimulan na rin nila ang paghuhukay sa ­kamoteng ­gapang na nakatanim sa loob ng bakuran habang ­nagmamando lang si Perlita.

Pinitas ang mga gulay na nakita nila at siyang iniluto at pinagkakasya sa tanghalian at hapunan maski wala ng kanin. Natutunan din nila mula kay Perlita ang paggawa ng soup na ang lahok lang ay malunggay, sibuyas, patis at betsin. Kahit papa’no ay naiibsan ang gutom nila. (Itutuloy)