Una sa Balita

The Pretending Princess

By
0 410

Ika-29 na labas

Ayaw niyang isipin nito na makakagulo pa siya sa mga plano nila.

“Denver, nasaan ka ba?” tanong na lang niya sa sarili.

Naisip ni Perlita na lumuwas ng Manila. Magbabakasakali siyang makita doon si Denver kahit palihim lang. Pero nabigo pa rin siya. Ayon sa guard ay hindi pa pumapasok ang binata. Kaya nagsimulang mag-alala si Perlita.

“Ibig sabihin, hindi pa talaga bumabalik si Denver… at hindi pa naaayos ang problema nila…” sa isip niya.

Isa na lang ang naiisip ni Perlita na maaaring puntahan ni Denver.

“Tama, sa isla, baka nandoon siya!!!” napangiti si Perlita sa isiping iyon habang nakasakay sa bus pauwi.

Kinabukasan, magkasalo sa umagahan ang mag-ina, agad sinabi ni Perlita sa ina ang plano niya.

“Teka muna anak, sigurado ka ba diyan?”

“Opo nay.”

“Okay, alam ko naman na hindi kita mapipi­gilan, kaya lang paano kung makita mo nga siya do’n, anong gagawin mo, makikipagbalikan ka o itutulak mo siya pabalik sa kanila?”
Natigilan si Perlita sa pagsubo.

Gustong-gusto lang kasi niyang makita muli ang binata pero ano nga ba talaga ang gagawin niya kapag nakita na ito? Baka hindi niya mapigilan ang sarili na hindi na ito pakawalan. Kapag nangyari iyon ay sisirain lang niya ang napag-usapan nila ni Donya Margaret.

“Nay, mukhang kailangan ko ng advice…”

“Iyan lang naman ang hinihintay kong sabihin mo anak eh, may naihanda na kasi akong payo para sa’yo, pinag-isipan ko na mula nang magpunta rito si Denver.”

Natawa si Perlita.

“Kaw talaga nay, ano naman po ‘yung pinaghandaan nyong payo?”

“Ganito, makinig ka ha.”

Tumayo pa si Aling Perla at nagmustra habang nagsasalita.

“Anak, isang beses lang dumarating sa buhay ng isang tao ang tunay na pag-ibig, kung mahal mo siya, at handa ka niyang ipaglaban, go, ipaglaban mo rin siya.”

“Paano naman po yung mga tao na masasaktan namin?”

“Alam mo kasi yung company na pinag-iingatan ni Donya Margarita, mawala man ‘yon, mayaman pa rin sila, at kung talagang mahal niya ang pamangkin niya maiintindihan niya ito, maiintindihan niya kayo. At yung Elise na ‘yon, matagal na siyang wala sa buhay ni Denver dapat tanggapin na niya, Pero kapag ang nawala ay yung pag-ibig nyo ni Denver para sa isa’t-isa, Diyos na lang ang nakakaalam kung bibigyan pa niya kayo ng another chance.”

“Ibig bang sabihin nay, mali yung naging desisyon ko?”

“Hindi ko naman sinasabing mali, kasi alam ko naman na ginawa mo lang yung alam mong tama. Sa totoo lang anak, madali lang magpayo pero kapag nandiyan ka na sa sitwasyon mahirap talagang magdesisyon.”

“Si nanay naman eh, nililito nyo ko.”

Muling naupo sa tabi ni Perlita ang ina.

“Hay naku, gawin mo kung ano ang ipinapayo ng puso mo, nandito lang ako, kahit anuman ang mangyari susuportahan kita.”

Dahil sa sinabi ng ina ay niyakap ito ni Perlita.

Gabi. Si Melay naman ang kinausap ni Perlita. Nakaupo sila sa upuang kahoy sa harap ng bahay ng una.

Related Posts

“Beshi, pasensya ka na, wala pa akong maipapayo sa’yo kasi hindi ko pa naman na-experience ‘yan eh, dahil wala pa akong lovelife!”

“Okay lang beshi, gusto ko lang talagang may makausap… miss na miss ko na kasi siya eh…”

“Kung miss na miss mo na siya eh di gumora ka na, kung gusto mo samahan kita, yon lang ang maitutulong ko.”

“Talaga?”

“Oo.”

“Wag na. Ako na lang, keri ko namang mag-isa.”

“Hmp! Ang sabihin mo ayaw mo lang ng istorbo!” kunwa’y nagtampo pa si Melay.

“Hindi no, ayoko lang na mandamay pa. Saka kailangan ka ng nanay mo sa tindahan nyo, baka matagalan ako ro’n magagalit sa akin ang mudra mo.”

“O sige na nga, basta mag-ingat ka na lang, kung wala siya do’n bumalik ka agad dito.”
“Of course. Salamat beshie.”

Kinabukasan din ay umalis si Perlita para magtungo sa isla na pinuntahan nila noon ni Denver bilang bahagi ng mission nila. Habang papalapit nang papalapit sa isla ang bangkang kinalulunanan niya ay palakas naman nang palakas ang tibok ng puso niya.

Umaasa na sana ay matagpuan na niya roon ang binata.

“Denver, kapag wala ka pa dito, hindi ko na alam ang gagawin ko…” kausap niya sa sarili.
Ilang sandali pa at narating na niya ang isla.

Agad nagbalik sa alaala niya ang lahat ng pinagdaanan nila dito ng binata.

“Hinding-hindi ko malilimutan ang lugar na’to… sana gano’n din siya…”

Subalit muli ay kabiguan lang ang naghihintay sa dalaga.

“Manong, sigurado po ba kayo?”

“Opo, mga ilang araw din siyang nag-stay dito, pero kahapon nga umalis na siya.”

“Dapat pala kahapon pa’ko nagpunta… sige po salamat…”

Mabibigat ang mga hakbang na patalikod na sana si Perlita nang muli siyang tawagin ng matanda.

“Princess Perly, may narinig po akong kausap niya sa cellphone niya bago siya umalis.”
“Sino po?”

“Hindi ko alam kung sino, pero narinig ko ang pinag-uusapan nila tungkol sa passport at flight.”

“Ha?”

“Oo, sigurado ako sa narinig ko.”

“M-may iba pa po ba kayong narinig kung saan siya pupunta, kung kelan at anong oras?”
Saglit na nag-isip ang matanda.

“America, may narinig akong sinabi niya na America, kaya lang hindi ko alam kung saan doon.”

“Sige po manong, salamat, aalis na po ako!”

“Hindi na po ba kayo magpapahinga man lang o kakain?”

“Hindi na po, thank you ulit!”

Habang sakay ng bangka pabalik ay dasal ng dasal si Perly. (Itutuloy)