Una sa Balita

The Pretending Princess

By
0 410

Ika-25 na labas

Biglang napabalikwas ng bangon si Perlita.

“Wait, anong oras na?”

Napabalikwas din ng bangon si Denver nang mapatingin sa pambisig na orasan.

“Oo nga pala, may mission tayo rito, baka hinihintay na nila tayo!”

Mabilis na inihanda ni Perlita ang susuotin.

“Princess Perly, mamaya na ‘yan, tara mag-shower na tayo.”

“Sandali, pakiulit? Mag-shower TAYO?”

“Why not? Wala ka na namang itatago sa’kin eh.” Nakangiting sabi ni Denver.

“Sira ka talaga, nagmamadali na tayo ‘diba?”

“Ang sabi ko sabay na tayong mag-shower, so we can save time, hindi ko naman sinabi na mag-sex tayo sa habang nagsa-shower!” muling biro ng binata.

“Ah, so ako pala ang malisyoso rito?”

“Ikaw ang nagsabi niyan hindi ako!”

Hinampas ni Perlita ng unan ang lalaki.

Ang mga sumunod na araw nila sa isla ay napuno ng kulay habang abala sila sa pamamahagi ng tulong sa mga tao doon. Foods, medical, at kung anu-ano pa dahil dumating na rin ang buong team nila na siyang kaagapay nilang dalawa.

Sa huling araw nila sa isla ay muli nilang pinanood ang paglubog ng araw habang nakaupo sila sa maputing buhangin sa baybayin.

“Denver, magagalit ka ba kung itatanong ko…kung bakit parang takot na takot ka sa tubig?”

“Itinanong mo na nga eh… pero sige, sasagutin ko ang tanong mo…”

“Makikinig ako.”

“Ang mga magulang ko… pareho silang nalunod.”

Nagulat si Perlita.

“Ha?”

“Nag-outing kasi sila no’n… sa beach… mas marunong lumangoy ang mommy ko kaysa sa daddy ko… nagpakitang gilas siya, lumangoy sa malalim… siguro pinulikat, nakita ng daddy ko…pero sumesenyas ang mommy ko na ‘wag siyang tumuloy, dahil alam ng mommy ko na hindi sanay sa malalim ang dad ko… pero hindi nagpapigil si daddy, sa kagustuhan niyang matulungan si mom, kahit hindi siya masyadong marunong lumangoy, sinubukan pa rin niyang sagipin si mommy… kaya lang nabigo siya… hindi niya nasagip si mommy… at hindi rin niya nasagip ang sarili niya… hindi na sila nakita ng mga rescuer…pitong taon ako no’n, nasaksihan ko ang lahat…”

Matapos magkuwento ay humugot ng ­malalim na paghinga si Denver at saka bumaling kay Perlita.

“Kaya kung pwede lang, ayoko na sanang makakita ng dagat…” malungkot na sabi ni Denver.

Related Posts

Hinawakan ni Perlita ang kamay ng binata.

“Isipin mo na lang na magkasama na sila ngayon, masaya at pinagmamasdan ka. Dapat nga maging masaya ka kapag nakikita mo ang dagat.”

“Ano?” kunot-noo si Denver.

“Kasi sa halip na alalahanin mo ang kamatayan nila, ang isipin mo ay kung gaano kadakila ang ipinamalas nilang pagmamahal sa isa’t isa, ‘diba? sa gitna ng kamatayan, inisip pa rin ng mommy mo ang kaligtasan ng daddy mo, at ganoon din ang daddy mo, hindi niya alintana ang nakaambang panganib para sa sarili niya mailigtas lang niya ang mommy mo. Nakaka-touch kaya ‘yon. Napakasarap alalahanin…”

Napatitig si Denver kay Perlita. Hinahangaan niya ang lawak ng pang-unawa at pagtingin nito sa isang hindi magandang pangyayari. Nakakahanga ang pagkakaroon nito ng magandang pananaw sa isang negatibong bagay.

“Oh, ba’t ganyan ang tingin mo, okay sige tatahimik na’ko, hindi na’ko magsa-suggest at hindi ko na rin babanggitin ang tungkol sa mga magulang mo, basta ‘wag ka ng magalit okay?”

Si Denver naman ang humawak sa kamay ng dalaga.

“No. Actually, binuksan mo ang puso ko sa mga bagay na hindi nakita ng mga mata ko… I guess you’re right… mas dapat kong alalahanin ang pagmamahalan nila kaysa sa kamatayan nila…”

“T-talaga, n-nabago ko ba ang isip mo?” hindi makapaniwalang tanong ni Perlita.

Dinala ni Denver ang kamay ng dalaga sa puso niya.

“Hindi lang isip ko ang nabago mo, pati ang puso ko.”

Parang gustong maiyak ni Perlita sa labis na kasiyahan. Hindi niya inakala na sa buhay niyang inakala niyang walang kuwenta ay mangyayari ang isang mala-fairytale na pag-ibig nila ni Denver. Sana lang ay hindi na ito matapos. Natatakot siyang tulad ng ibang nagmamahalan ay subukin rin ng tadhana ang kanilang pagmamahalan.

Pero hindi nga yata talaga maiiwasan ‘yon. Dahil pagbalik pa lang nila sa mansion ay sinalubong na agad sila ng nakaambang problema.

“Denver, we have to talk.” Si Donya Margarita.

Sumunod si Denver sa tiyahin sa office nito sa loob ng mansion.

Nilapitan ni Perlita si Manay Sita.

“Manay Sita, may problema po ba?”

“Tingin ko oo, tungkol kay Elise.”

“H-ha? bakit po, may nangyari ba sa kanya?”

“Hindi ko alam Princess Perly.”

Tila wala sa sarili si Denver nang lumabas sa opisina ng tiyahin. Diretso siyang pumasok sa sariling kuwarto. Naupo siya sa gilid ng kama at nag-isip ng malalim. Maya-maya ay tumayo at sinuntok ng sariling kamao ang salamin.

Sa kabilang silid ay nababahala naman si Perlita. Hindi siya mapakali. Nag-aalala siya sa problemang posible nilang kaharapin. Ni hindi man lang kasi nag-usisa si Donya Margarita tungkol sa naging misyon nila sa isla. Ibig sabihin ay ganoon kaseryoso ang problema.

Lumabas si Perlita sa kuwarto niya at kumatok sa room ni Denver. Hindi ito nagbubukas.

“Denver!”

Walang tugon. Naisip niya baka gusto muna nitong mapag-isa kaya hindi na niya inulit ang pagkatok. Tahimik siyang bumalik sa sariling silid.

Malalim na ang gabi ay gising pa si Perlita. Nag-aalala pa rin siya kay Denver. Bumangon siya at muling lumabas ng silid. Dumaan siya sa room ng binata. Nakasarado pa rin ito.

Napabuntong-hininga siya, nagdadalawang-isip kung muli bang kakatok o baka naman nahihim­bing na ito. Sa huli ay nagpasya siyang magpunta na lang sa kusina at kumuha ng malamig na tubig. Para kasing bigla siyang nakaramdam ng uhaw. Dala ang isang baso ng tubig ay nagtungo siya sa garden para saglit na magpahangin. (Itutuloy)