Una sa Balita

The Pretending Princess

By
0 410

Ika-21 na labas

Binuhat ni Denver ang bata at mabilis na naisakay sa sasakyan kasama si Perlita.

Sa ospital. Magkatabing naghihintay sa upuan sina Denver at Perlita.

“Gustong sumunod ni Auntie Margaret, but I told her to stay there, hindi niya pwedeng iwan ang mga bisita.”

“Oo tama. Saka kasunod naman natin sina Madam Lucia eh.”

Humalukipkip ang dalaga at napabuntong-hininga.

“Sir, bakit ang daming nangyari ngayong gabi?”

“I don’t know. Siguro ito ang nakatakdang mangyari.”

“Si Oliver, siya ba ‘yung batang iniwan sa gate ng foundation?” tanong ni Perlita.

“Hindi. Si John ‘yon. Si Oliver, siya ‘yung batang nag-suicide ‘yung mother dahil iniwan ng asawa.”

“Ha? grabe naman, bakit at paano nila ­nagagawa ‘yon dahil lang sa isang lalaki?”

Umusod si Denver sa tabi ni Perlita bago sinagot ang tanong nito.

“Ganoon kamisteryoso ang pag-ibig… nobody knows kung saan ang hangganan at ano ang kaya nitong gawin sa isang tao.”

“Naranasan mo na ba?”

“Ang umibig?”

“Oo.”

Hindi sumagot si Denver.

“Okay lang. Hindi mo kailangang sagutin ang tanong ko.” ani Perlita na sumandal sa pagkakaupo.

Sinulyapan ni Denver ang dalaga at sa isip niya, gusto ulit niyang maranasang umibig at sa pagkakataong ito titiyakin niyang hindi na siya muling magkakamali at masasaktan.

Matapos masiguro ang kaligtasan ni Oliver ay bumalik na sa mansion ang dalawa.

Sinalubong sila ni Donya Margaret.

“Miss Margaret, sorry po sa mga nangyaring aberya sa birthday n’yo.” Si Perlita.

“Actually, dahil sa mga nangyari ay nakita ko ang other side mo. By the way, how is he?” si Oliver ang tinutukoy ng Donya.

“Auntie he’s okay now. But he needs to stay in the hospital para maobserbahan pa.” sagot ni Denver.

“Mabuti naman kung gano’n. Buti pa magpahinga na muna kayo at bukas na lang ulit tayo mag-usap.”

Hinagkan ni Denver sa pisngi ang tiyahin bago dumiretso sa kuwarto niya. Yumuko naman si Perlita sa Donya bilang pagbibigay-galang bago ito tinalikuran at nagtungo naman sa silid niya.

Kinabukasan ay tinanghali ng gising si Denver. Hinanap agad ng mga mata niya si Princess Perly pero wala ito sa paligid. Nilapitan niya si Manay Sita na abala sa pagpapalit ng mga kurtina katulong ang iba pang kasambahay.

“Manay Sita, si Princess Perly?”

“Gising na po pala kayo Sir Denver! Maagang umalis si Princess Perly, kasama si Luna at si Makoy, ipinag-drive sila ni Jopet.”

“Saan sila pupunta?”

“Sa pagkakaalam ko sa Loving foundation eh.”

Related Posts

“Ha? bakit ang aga naman..”

“Hindi ko po alam sir, nagmamadali kasi si Princess Perly.”

“Si Auntie?”

“Mas maaga pong umalis papunta naman sa company sa Manila.”

Idinayal ni Denver ang number ni Perlita. Nagri-ring lang ito pero hindi sinasagot. Kaya naisipan niyang sumunod na lang.

“Hindi siya dapat lumalakad nang hindi ako kasama.” Kausap ni Denver sa sarili habang nagbibihis.

Maya-maya pa ay nasa Loving Foundation na rin si Denver. Natigilan siya pagpasok niya sa room ng mga pasyente. Tahimik ang lahat maliban sa mga hikbi ni Mirasol na nakayakap sa inang si Mimi. Si Perlita ay nasa isang sulok at tahimik na lumuluha katabi si Luna.

Nilapitan ni Denver si Perlita.

“Princess Perly…”

“Tinawagan ako ng staff… si Ate Mimi raw… sorry kung hindi na kita nagising kanina…”

“It’s okay.”

“Sir… ang hirap pala kapag na-involve ka sa mga ganitong tao… ang hirap pigilan ang ­emosyon… ang sakit sa dibdib… kapag nakita mo silang ngumiti, mapapangiti ka rin… kaya lang, kapag umiyak sila, iiyak ka rin… at kapag nawala sila… parang ang hirap tanggapin… kahit hindi mo naman sila kaanu-ano, kahit hindi mo gustuhin, nagkakaroon sila ng puwang sa puso mo…”

Habang nagsasalita si Perlita nang hindi nakatingin sa binata ay nakatitig ito sa kanya.

“Malalim ka na rin magsalita ngayon.” Pagkasabi niyon ay inabutan ni Denver ng panyo ang dalaga.

“Salamat.”

Pinahid ni Perlita ang sariling luha.

“Ayoko namang maging malalim sir, kaya lang kusang lumalabas sa bibig ko.”

“Okay lang ‘yon. Hindi ka naman malulunod kahit gaano pa kalalim ang sabihin mo, hahawakan kita sa paglangoy.”

Napangiti sabay hampas ni Perlita sa binata.

“Nakukuha mo pa talagang magbiro ngayon?” inis na sabi ni Perlita.

“Mukha ba ‘kong nagbibiro?” Sabay hawak ni Denver sa kamay ng dalaga na agad namang binawi ng huli.

Habang lumilipas ang mga araw ay lalo pang nagiging malapit sa isa’t isa sina Perlita at Denver. Patuloy ang binata sa pagtuturo ng mga bagay na sa tingin niya ay dapat malaman ni Princess Perly.

Pagkagaling nila sa study room ay naisipan nilang magpahangin sa garden over coffee.

“So, anong balak mo kapag natapos mo na ang mission mo rito?” tanong ni Denver sa dalaga habang paupo sila sa bench.

“Wala. Babalik sa’min, babalik sa dating buhay.”

“You can start a new you.”

“Anong ibig sabihin no’n?”

“Nakikita ko kung paano ka nag-i-improve rito, dalhin mo ‘yon pag-uwi mo. Bakit hindi mo tapusin ang pag-aaral mo?”

“Nakakatamad.”

“Ano ka ba, grab your opportunity, hindi ito dumarating sa iba.”

“Kunsabagay, nakalagay sa pinirmahan ko na pwede akong pag-aralin ni Miss Margaret. ­Pag-iisipan ko ‘yan!”

Halos sabay silang napalingon nang maramdaman ang presensya ng isang tao mula sa likuran nila. (Itutuloy)