Una sa Balita

The Pretending Princess

By
0 414

Ika-20 na labas

Sa pinakaunang table nakaupo sina Donya Margarita at Princess Perly. Hindi mapakali ang dalaga, hindi dahil sa napapalibutan siya ng mga prominenteng tao kundi dahil wala pa si Denver.

“Nasan ka na ba?…” tanong niya sa isip habang panay ang linga.

Tinawag si Donya Margarita sa mini stage para magbigay ng speech. Wala sa celebrant ang atensyon ni Perlita kundi na kay Denver na namataan na niyang parating. Mula sa kotse ay akay nito ang isang batang babae. Tumayo siya at nakangiting sinalubong ang dalawa.

Napalingon rin si Mimi nang makitang tumayo si Princess Perly. At nanlaki ang mga mata nito nang makita ang anak na akay ni Denver.

Agad nilang dinala ang bata sa kinauupuan ni Mimi. Nagyakap ang mag-ina at hindi napigilan ni Mimi ang mapaiyak. Nakakuha ng atensyon ang pangyayaring iyon kaya saglit na napahinto si Donya Margarita sa kanyang speech. Lumapit si Denver sa stage at nagpaalam kung pwede siyang magsalita. Nagpaunlak naman si Donya Margarita.

“Ahm, magandang gabi po sa inyong lahat, sorry for the interruption. She is Mirasol, Mimi’s daughter. And Mimi is one of our cancer patients sa Loving foundation.

Let me take this chance to acknowledge our Princess Perly, dahil sa kanya naging posible ang pagkikita ng mag-ina. This is priceless, specially sa isang katulad ni Mimi na patuloy na nakikipaglaban sa sakit niya. And also I would like to thank Princess Perly sa pag-aasikaso niya ng event na’to for Auntie Margaret.

Happy Birthday Auntie, wala na akong mahihiling pa para sa’yo kundi ang good health. And for buil­ding these kind-hearted programs, I salute you. We salute you.”

Dahil sa sinabi ni Denver ay nagpalakpakan ang mga guests. Bagay na hindi inasahan ni Perlita. Ngayon lang nangyari sa tanang buhay niya na may nagpasalamat sa kanya sa harap ng maraming tao at sa mga prominenteng tao pa at mga tao sa foundation na unti-unting nagkakaroon ng puwang sa puso niya.

Hindi niya mapigilan ang pangingilid ng luha niya.

Ipinagpatuloy ni Donya Margarita ang naputol na speech niya kanina. Pinasalamatan rin niya si Princess Perly.

“Princess Perly, salamat talaga, hindi ko alam kung paano nyo nahiram si Mirasol sa tatay niya, pero hindi na mahalaga ‘yon, napakasaya ko talaga ngayon na nakita kong muli ang anak ko.”

“Ate Mimi, si Sir Denver ang dapat nating pasalamatan, siya ang naghanap ng address at kumuha kay Mirasol para dalhin dito.”

“Ako ba talaga? O ikaw na nagpursigeng mangyari ito?” si Denver na nasa likuran na pala nila.

“Pwede ba, tama na ang pasalamatan, ang korni eh, basta Ate Mimi, siguro naman ngayon madaragdagan na ang lakas mo kasi nasa tabi mo na si Mirasol.”

Tumangu-tango ang babae at mahigpit uling niyakap ang anak.

Ang gabing iyon ay higit pang naging makulay nang magsimula ang sayawan. Isang lovesong ang pinatugtog. Maraming magkapares ang agad nagpunta sa dance floor para magsayaw ng sweet.

Habang nakikipag-usap si Perlita sa mga bata ng ETC Foundation ay pinagmamasdan naman siya ni Denver mula sa kinatatayuan nito ‘di kalayuan sa kanila. Palihim na humahanga ang binata sa simpleng kagandahan ng prinsesa. Pakiramdam nga niya ay ayaw na niya itong mawala sa paningin niya. Tila may kung anong magnet ito sa katawan na humihila sa kanya palapit dito.

Hindi na nakatiis ang binata. Nilapitan niya si Perlita.

“Princess Perly, pwede ba kitang maisayaw?”

Hindi agad nakasagot ang dalaga. Tinukso sila ng mga bata.

Related Posts

“Sige na po Princess Perly, pagbigyan mo na po si Sir Denver.”

Dahil sa pamimilit at panunukso ng mga bata ay napapayag din nila ang dalaga.

“Okay fine. Tutal naman pinasalamatan mo ako kanina sa stage, kaya eto na yung bayad ko ha!” sabi pa ng dalaga.

Kinuha ni Denver ang kamay ni Perlita at inakay papunta sa dance floor. Kinindatan pa niya ang mga bata pagtalikod nila.

Pagdating sa dance floor ay inilagay ni Denver ang isang kamay ng dalaga sa balikat niya habang ang isa ay hinawakan niya sa palad at ikinawit naman niya ang isa pa niyang kamay sa beywang nito.

“Kumusta naman ang pakiramdam mo?” tanong ni Denver.

“Okay lang. Wala naman akong sakit eh.”

“Ang ibig kong sabihin, mukhang nag-eenjoy ka na sa mga ginagawa mo sa loob at labas ng mansion.”

“Siguro nga…”

“Well, I just want you to know na palagi lang akong nasa tabi mo.”

“Talaga ba?”

“Oo naman. Kailangan ko kasing bantayan ang bawat kilos mo.” Biro ng binata.

“Hmp! Pero salamat talaga Sir Denver. Nga­yon parang unti-unti ko ng naiintindihan kung bakit ako nandito sa mansion. Kung bakit ko kailangang maging prinsesa para sa iba.”

“I’m glad to hear that. But don’t forget, there’s always a princess in you hindi ka man maging isang tunay na prinsesa sa paningin ng iba…”

“Naks naman, yung mga hirit mo parang gusto mo ‘kong ma-fall!”

“Ma-fall sa akin?”

“Ma-fall sa kinatatayuan ko, kung itaas mo kasi ako parang ang ganda-ganda ko sa paningin mo.”

“Wala akong sinabing maganda ka.”

“Oo na, ayan ka na naman eh, nagsisinunga­ling ka na naman!” sabay irap ni Perlita sa binata.

Isang matamis na ngiti ang pinakawalan ni Denver. Mga ngiting nahuli ng nangingislap na mga mata ni Princess Perly. Isang koneksyon na naghatid ng kakaibang mahika sa mga puso nila.

Maya-maya pa ay nagulantang sila sa sigaw na nagmula sa grupo ng mga taga-ETC Foundation. Agad dinaluhan nina Denver at Perlita ang mga ito.

“Si Oliver! Bigla na lang nagdugo ang ilong niya at hindi siya makahinga!” ani Madam Lucia na siyang namamahala sa foundation.

“Sir Denver, wala ba tayong nurse dito?” tanong ni Perlita.
“Naka-leave siya, buti pa dalhin na natin siya sa ospital.” (Itutuloy)