Una sa Balita

The Pretending Princess

By
0 410

Ika-19 na labas

“Kaya mo na ‘yan.” Halos pabulong na sabi nito saka tumalikod.

“Hmp! Pakialamero.” Bulong na lang ni Perlita sa sarili.

Kasama rin ni Perlita si Denver nang ipamigay nila ang mga invitations sa mga foundations na tinutulungan nila.

Napansin ni Perlita ang kawalan ng kibo ni Mimi kaya nilapitan niya ito.

“O, Ate Mimi, tahimik ka ngayon ah, wala ka bang maisip na joke?” tanong ni Perlita dahil ayon sa mga kasama nito ay madalas daw itong magbitaw ng mga jokes sa kanila.

Umiling ang babae bago sumagot.

“Princess Perly, pakiramdam ko hindi na ako aabot sa birthday ni Miss Margaret…”

“Ha? ano ka ba, sa Sabado na ‘yon, saka ‘di ba sabi mo nung dalaga ka pa maldita ka rin tulad ko, o, e ang malditang damo matagal mamatay kaya ‘yang sakit mo sisiw lang ‘yan ‘no!” prangkang sabi ng dalaga.

Ngiti lang ang naging tugon ni Mimi.

“Saka ‘di ba sabi mo gusto mo pang makita ang anak mo bago ka mategi?”

Tumango ang babae.

“‘Wag kang mag-alala, pupuntahan ko yung address na sinabi mo, tapos dadalhin ko siya rito!”

“T-Talaga?”

“Oo, kaya wait ka lang, kahit pa ipinagpalit ka na ng asawa mo sa ibang babae, hindi niya ‘ko mapipigilan na dalhin sa’yo ang anak mo, karapatan mo ‘yon!”

Hinawakan ni Mimi ang kamay ni Perlita na ikinagulat ng dalaga.

“S-salamat Princess Perly, nabuhayan ako ng loob.”

“Ano ka ba naman, nagpapasalamat ka agad wala pa nga akong ginagawa.”

“Sapat na ang mga sinabi mo para magkaroon ako ng pag-asa.”

“Hay oo na, tama na please kasi baka maiyak ako, hate na hate ko pa naman ang umiyak!”

Tumingala si Perlita para mapigilan ang luha sa pagpatak. Hindi siya sanay sa ganitong eksena. Ito ba ang sinasabi sa kanya ni Denver na hope na kaya niyang ibigay?

“Diyan ka na nga muna Ate Mimi, puntahan ko muna si Linda.”

Si Linda ang pasyenteng mahilig sa music. Mas matanda siya ng isang taon dito.

“Linda may good news ako sa’yo!”

Dinukot ni Princess Perly ang isang mp3 sa bulsa niya at iniabot iyon kay Linda.

“Dyaraan!”

“Wow! Thank you Princess Perly!”

“You’re welcome, nandiyan na rin yung pina­lista ko sa ‘yong mga kanta na gusto mo, kaya aliw to the max ka diyan!”

“Thank you po talaga!”

Related Posts

Habang sakay ng kotse pauwi ay walang kibo si Perlita. Nakatanaw lang ito sa labas ng car window.

“Tahimik ka yata, mukhang napagod ka sa pakikipag-usap sa mga pasyente ah.” si Denver na binasag ang katahimikan habang nagmamaneho.

“Naisip ko lang kasi, kung ako kaya ang nasa sitwasyon nila, paano ko tatanggapin ‘yon?”
“Maybe, just like the way they accepted.”

“Wait, naalala ko may pupuntahan nga pala tayo!”

“Princess Perly, kasama sa rules na hindi ka pwedeng pumunta kung saan-saan unless it has something to do sa mga commitments mo.”

“Wala akong paki, kahit magalit ka or magalit si Miss Margaret, kailangan ko itong gawin!”
“Princess Perly!”

“Okay, kung hindi ko ito magagawa, then do it for me.”

“Wow ha, English ba yung narinig ko.”

“Hmp!”

“Wait, saan mo ba talaga gustong pumunta, sa mall na naman para mag-shopping or sa parlor?”

“Sa Payatas.”

“Ha? That is a squatters area which is far from here, may dadalawin ka ba ro’n?”

“Wala, may kukunin akong bata.”

“What? So ngayon plano mo pang mangidnap?” biro ni Denver.

Hindi natawa ang dalaga.

“Basta puntahan mo ang lugar na ‘to at gawin mo ang lahat ng magagawa mo para maisama mo yung bata.” Isang kapirasong papel na may address at pangalan ang iniabot ni Perlita kay Denver at muli itong nanahimik.

Saturday. Naging abala si Perlita sa personal niyang pag-aasikaso sa mahalagang araw na iyon. Siya mismo ang nagmamando sa mga kasambahay ng mga dapat nilang gawin. At maging ang catering service na arkilado nila ay maya’t maya rin niyang tsinetsek kung wala bang problema.

“Manay Sita, tingin ko kailangan mo nang magpahinga, mukhang gusto kang palitan ni Princess Perly sa pagiging mayordoma eh!” sabay tawa ni Luna sa sariling biro.

“Heh! Tumigil ka nga diyan! Buti pa lapitan mo na si Princess Perly at siya kamo ang kailangang magpahinga dahil maya-maya lang ay darating na ang mag-aayos sa kanya.”
“Okay po.” Agad na sumunod si Luna sa utos ng matanda.

Habang inaayusan ay panay ang dial ni Perlita sa number ni Denver.

“Sir Denver, sumagot ka please…”

Pero hindi niya ito makontak.

“Okay, fine…”

Si Mimi naman ang tinawagan nito.

“Ate Mimi, asan na kayo? Papunta na ba kayo?”

“Sinabi ko kay Sister Paloma na hindi na ako sasama, pero mahigpit daw ang bilin mo.”

“Please Ate Mimi, pagbigyan mo na’ko, saka matutuwa si Miss Margaret kapag nakita niyang kumpleto kayo sa birthday niya.”

“Oo sige, pipilitin ko Princess Perly, para sa’yo…”

Muli niyang kinontak si Denver pero nakapatay pa rin ang phone nito.

Maya-maya pa ay nag-uumpisa na ang event. Suot ang silver na gown ay lumutang ang kaseksihan ni Perlita. Bumagay rin sa kanya ang manipis na makeup. Kaya naman hindi maiwasan ng mga bisita na pag-usapan siya kahit pa hindi siya ang may kaarawan.

Naroon na ang mga bata mula sa ETC Foundation, ganoon din ang mga pasyente ng Loving Foundation at ng iba pa. Nandoon na rin ang iba pang bisita mula sa mayayamang pamilya sa kanilang lugar at ang iba pa na bahagi naman ng kompanya ni Donya Margarita. (Itutuloy)