Una sa Balita

The Pretending Princess

By
0 396

Ika-18 na labas

“Thank you Denver, maaasahan talaga kita.”

Embrace the Children Foundation.

Tuwang-tuwa ang mga bata nang makitang muli si Princess Perly. Bumungad ang dalaga kasama si Denver sa pintuan ng malaking silid ng mga bata. Nagtakbuhan ang mga ito papalapit sa kanya at nag-unahan sa pagyakap. Nataranta si Perlita. Hindi siya sanay sa mga bata at ayaw niya ng mga bata.

“Hello Princess Perly!” bati ni Katkat.

“H-hello Bambi!” napipilitan niyang bati rin.

“Hindi po ako si Bambi, ako po si Katkat!” napakamot sa ulo ang bata.

“Ay oo nga pala, e nasan si Bambi?”

Halos sabay-sabay na itinuro ng mga bata ang apat na taong gulang na batang babae na nasa sulok at hindi lumalapit. Nilapitan ito ni Perlita.

“O, bakit ka nandito, natatakot ka ba sa’kin? ‘Diba nagkita na tayo?” tanong ng dalaga na bahag­ya pang yumuko para maabot ang bata.

“Hindi po ako makatulog sa gabi, takot po ako sa momo.” Anang bata.

Hindi nila namalayan ang paglapit din ni Denver.

“Talaga? naku, alam mo ba na kapag nag-iisa ang bata, nilalapitan ng multo? Kaya dapat palagi kang sasama sa kanila!” singit nito.

“’Wag kang maniwala sa kanya. Ang matapang na bata hindi nilalapitan ng multo, kaya kailangan lagi kang maging matapang, kahit nag-iisa ka lang.” sansala ni Perlita sa sinabi ni Denver.

“At lagi ka ring magpe-pray.” Muling hirit ng binata.

Hinawakan ni Perlita ang kamay ng bata at inakay palapit sa iba.

“Princess Perly, may dala po ba kayong pagkain?” tanong ng batang si Oliver.

“Syempre meron, pero bibigyan ko lang kayo kapag nasagot niyo ang bugtong ko!”

Nagkatinginan ang mga bata. Napakunot naman ang noo ni Denver. Sanay kasi siya na ipi­namimigay ang mga pagkain sa lunch ng walang kondisyon.

“Ano pong bugtong?” tanong ni John.

Pumwesto si Perlita sa gitna ng mga bata bago muling nagsalita.

“Hindi bagay hindi hayop, daig pa ang leong laging nakasimangot!”

Muling nagkatinginan ang mga bata. Nag-iisip. Napatingin naman si Katkat kay Denver na pormal ang mukha.

“Alam ko na po ang sagot!”

“Sige na, ano?”

“Hindi po ano, sino! Si Kuya Denver!”

Napasimangot si Denver nang magtawanan ang mga bata at ganoon din si Perlita.

“Korek! Ang galing mo Katkat! Dahil diyan, meron kang half rice and additional chicken!”

Related Posts

Bahagyang hinila ni Denver si Perlita palayo sa mga bata.

“Ako pa talaga ang pinagtripan mo?” inis na sabi nito.

“’Sus, eto naman, ‘wag ka ngang pikon, pumapangit ka eh!”

“Ah, so ibig sabihin gwapo ako sa paningin mo?”

“Ang sabi ko lang pumapangit ka, wala akong sinabing gwapo ka, ‘wag kang assuming, hindi ka gwapo sa paningin ko, sapat-sapat lang.” sabay irap at talikod ni Perlita sa binata.

Matapos dalawin ang mga bata ay sa Loving Foundation naman sila tumuloy.

“Sir Denver, baka naman pwedeng dito na lang ako sa lobby… ayokong makita yung mga pasyente eh, sobrang nakakalungkot.”

“No. Hindi pwede. Mawawala ang lungkot nila kapag nakita ka.”

“Ganern? Hindi naman ako artista ah!”

“You’re more than an actress, kapag nakakita sila ng artista, they will amaze, but when they see you, they feel hope.”

Natigilan si Perlita. Nagsasabi ba ng totoo si Denver o binobola lang siya nito?

“Teka, bakit mo naman nasabi ‘yon?”

“Ikaw ang makakasagot niyan, sa oras na malaman mo ang tunay na pinagdadaanan nila, malalaman mo rin kung paano mo sila mabibigyan ng pag-asa.”

Hindi na umimik si Perlita. Wala siyang choice kundi ang sumunod kay Denver.

Pagbungad pa lang nila sa pintuan ay sinalubong agad sila ng matatamis na ngiti ng mga pas­yente sa kabila ng lamlam ng mga mata ng mga ito.

“Princess Perly, pwede mong kausapin kahit sino sa kanila, or pwede mo rin naman silang kausapin ng sabay-sabay.”

Maliliit ang mga hakbang na lumapit si Perlita sa mga pasyente at huminto sa gitna.

“Hello po. Kamusta po kayo?”

Hindi alam ng dalaga kung bakit gano’n na lang ang kabang nararamdaman niya sa harap ng mga pasyente. Naaawa ba siya, nandidiri o humahanga sa mga katatagang nasasalamin niya sa mga mukha ng mga ito?

“Eto, okay naman kami, handang magpakatatag hanggang sa katapusan ng aming laban sa kanser.” Si Mimi. 33 years old.

Lihim na napangiti si Denver nang makita niyang nalilibang na sa pakikipagkuwentuhan sa mga pasyente si Perlita. Naupo pa ang dalaga sa gilid ng kama ng isang pasyente.

Sa sandali naman ng pakikipag-usap niya sa mga cancer patients, pakiramdam ni Perlita ay hindi niya nakilala ang sarili. Parang ibang tao siya na nakaharap sa mga ito.

Personal na ginawa ni Perlita ang mga invitations para sa nalalapit na kaarawan ni Donya Margarita. Nilibang niya ang sarili sa paggawa ng mga ito sa study room katulong si Luna. Hand-made invitations ang naisip niya para tipid at unique. Nilagyan pa niya ito ng mga lace sa gilid.

“Wow! Grabe, ang ganda-ganda ng gawa natin, feeling ko magugustuhan ito ng mga pagbibigyan natin ‘di ba?”

“Oo naman Princess Perly! Siguradong matutuwa rin si Senyora!”

Ilang katok ang binitawan ni Denver bago pumasok sa study room na ikinalingon ng dalawang babae.

“Princess Perly, hindi ka na dapat nagpagod, pwede mo naman itong ipagawa sa gumagawa talaga ng mga inivitations.”

Tumayo si Perlita at inakbayan sa balikat ang binata.

“Akala ko ba ako ang in-charge dito? So dapat ikaw, kung gusto mong tumulong, eto ang gunting, gupitin mo ang mga excess papers kaysa busa ka ng busa diyan.”

Inalis ni Denver ang kamay ng dalaga sa balikat niya at bahagyang inilapit ang mukha niya sa mukha ng babae. (Itutuloy)