Una sa Balita

The Pretending Princess

By
0 396

Ika-16 na labas

“Iyan ba talaga ang pakiramdam mo? Na mise­rable ang buhay mo dito?”

“Ahm, hindi naman sa gano’n… Siguro hinahanap-hanap ko lang yung buhay kalye ko sa labas. Kasi dahil hindi ako nag-college, wala akong magandang trabaho, tinutulungan ko lang si nanay sa pananahi niya, tapos lagi akong nakatambay sa tindahan ni Aling Siony, kasi doon ang dami kong tsismis na nasasagap, nakakalibang! Saka doon din kami umuutang ng pagkain. Tapos kapag hapon, inilalatag na nila ang bingguhan, minsan hanggang gabi na ‘yon! ang saya diba?”

Hindi sumang-ayon si Denver.

“Princess Perly, maaaring masaya ka nga sa ganung buhay, pero may mas masaya pang buhay na hindi mo pa natutuklasan.”

“Ayan ka na naman sa mga mahihiwaga mong salita eh, pwede ba Sir Denver, konting babaw naman, yung kaya lang languyin ng utak ko.”

Habang lumalalim ang gabi ay parami nang parami ang natutuklasan nila tungkol sa isa’t isa. Naubos na rin nila ang isang bote ng wine kaya kumuha pa ulit si Denver ng isa pa.

Hindi inaasahan ng binata ang itatanong sa kanya ng dalaga.

“Sir, ilan na ba ang naging jowa mo?”

“Jowa?”

“Asus, ‘wag mong sabihing hindi mo alam kung ano yung jowa, syota, girlfriend?”

“It’s none of your business.”

“Sungit naman. Okay fine. Ako kasi hindi pa’ko nagkaka-syota eh…”

“Bakit?”

Saglit na nag-isip si Perlita bago sinagot ang tanong ng binata.

“Kasi yung lalaking gusto ko… si Mandy… No pansin ako… Nag-college kasi siya eh, gwapo, maraming nagkakagustong mga babae… May kaya sila sa buhay at kami isang kahig isang tuka lang kaya siguro hindi niya makita yung kagandahan ko.” Isang buntong hininga ang pinakawalan ng dalaga.

“Baka naman kasi hindi siya yung para sa’yo, kaya kaysa masaktan ka, hindi na lang siya nilapit ni Lord sa’yo.”

“Wow ha, at kasali na talaga si Lord sa usapan natin?”

Napatingin si Denver sa dalaga.

“Why not? Hindi ka ba naniniwala sa kanya?”

Ilang saglit bago sumagot si Perlita.

“Naniniwala… Hindi pala… Ahm, siguro… Parang may doubt gano’n…”

“Bakit?”

“Kasi, masyado siyang mahiwaga… Marami akong tanong na hindi ko alam ang sagot e… Pero nagsisimba rin naman ako paminsan-minsan.”

“Okay. Wag na natin pagdebatehan ito, somehow maniniwala ka rin sa kanya at mananalig ka.”

Ramdam na ni Perlita ang pag-ikot ng paningin niya. Tumingala siya sa mga bituin at sa tingin niya ay nagsasayawan ang lahat ng mga ito sa ulunan niya.

Related Posts

“Mukhang may tama ka na ah.” natatawang sabi ni Denver.

“Siguro nga, pero alam mo, sa lugar namin ako ang pinakamatibay, lambanog ang iniinom ko baka akala mo, at ako ang pinakamatagal mala­sing, lalo na yung lambanog na may nakababad na bubble gum? Tapos yung gin, hinahaluan namin ng po­melo, natikman mo na ba ‘yon? grabe, ang sarap kaya, parang iced tea lang!”

Hinayaan na lang ni Denver na magkuwento pa nang magkuwento si Perlita. Naaaliw siya sa mga pinagsasasabi nito na hindi naman niya sigurado kung may katotohanan lahat. Pati ang tungkol sa mga kapitbahay ay kinukuwento nito. Ang gawi ng mga maton sa inuman, ang awayan ng mga binggolera, ang walang humpay na tsismisan ng mga tsismosa at kung anu-ano pa.

“Sir Denver, may alam ka bang kanta?” tanong ni Perlita sa boses na halata na ang kalasingan.

“I don’t like music, pinaglalaruan lang nito ang emosyon ko.”

“Wow ha! ang suplado naman, alam mo bang music is therapist, music is life… Music is… Love. Buti pa kung ayaw mo, ako na lang ang kakanta. Kinig ka ha!”

“Parang nakarinig ako ng English sa mga sinabi mo ha?” nanunuksong sabi ng binata.

“Hmp! Kala mo kasi ikaw lang ang marunong mag-ingles eh!”

Hindi napigilan ni Denver ang dalaga na kumanta. Isang love song ang tinira nito sa pasemplang-semplang na boses.

“Baby, morning just a moment away and I’m without you once again…”

Saglit itong huminto at humarap sa binata.

“O nagulat ka no, kasi ingles ang kinakanta ko, kala mo kasi hindi ako marunong eh!”

Hindi nila namalayan ang patuloy na paglalim ng gabi hanggang sa tuluyang bumigay si Perlita at nakatulog na nakasandal sa balikat ni Denver. Wala namang kakilos-kilos ang binata. Nanatiling nakaupo at nakatitig lang sa mga bituin.

Sinulyapan niya sa balikat niya ang mukha ng dalagang nahihimbing. Larawan ito ng isang babaeng walang muwang sa magkakambal na kalupitan at kagandahan ng mundo. Tinitigan niya ito ng walang sawa na tila ba kinakabisado ang bawat detalye sa mukha nito mula sa noo hanggang sa labi.

Maya-maya pa ay nagdesisyon si Denver. Dahan-dahan niyang binuhat ang dalaga patungo sa silid nito at maingat na ibinaba sa kama saka kinumutan.

“Goodnight my princess…” bulong niya sa sarili.

Kinabukasan. Unti-unting nagmulat ang mga mata ni Perlita. Sinalat ang kinahihigaan.

“Ang lambot naman… Nasa damuhan pa ba’ko?”

Napabalikwas ng bangon ang dalaga. Agad tsinek kung nakahubad ba siya.

“In fairness, ito pa rin ang damit ko! Pero paano ako nakarating sa kuwarto ko?”

Naisip niya si Denver.

“Teka… B-binuhat ba niya ko?… Tapos… Tapos… Oh no, hindi!”

Biglang may kumatok. Inis na binuksan niya iyon. Si Denver.

“Ikaw pala sir, buti naman at kumatok ka, may gusto kasi akong malaman.”

“Magdamag na tayong nagkuwentuhan kagabi, hindi pa ba sapat?”

“Tayo o ako lang ang nagkuwento ng nagkuwento, teka nga muna, wag mong ibahin ang usapan, binuhat mo ba’ko papunta dito sa kuwarto ko?”

Napangiti si Denver bago sumagot. (Itutuloy)