Una sa Balita

The Pretending Princess

By
0 410

Ika-11 na labas

Naisip niya, paano kapag mag-isa lang siyang dumalaw dito, ibig bang sabihin na ganito rin ang dapat niyang gawin?

“Hay, kung alam ko lang na assistant at hindi prinsesa ang role ko, nagback-out na lang sana ‘ko…hindi ko na sana pinangarap na mapili para lang pala dito…” sa isip ni Perlita.

Napukaw ang pagmumuni-muni niya nang lapitan siya ni Katkat.

“Hello po, ikaw po ang bagong prinsesa?”

“Ah, oo, ako si Princess Snow White!” taas noong pakilala ni Perlita.

“Snow white?”

Nagtawanan ang mga bata.

“Bakit, anong nakakatawa?” kunot-noong tanong ni Perlita.

“Kasi po hindi ka naman maputi eh!”

Hindi nga naman siya maputi, dahil morena ang kulay niya.

“Okay, e di ako na lang si Princess Belle, o kaya si Princess Aurora, o pwede rin naman si Cinderella?” nagpapatawang tugon ng dalaga.

Sumingit si Donya Margaret at nilapitan si Perlita.

“Children, she is Princess Perly” nakangiting sabi nito.

Sa isip ni Perlita…” Ang KJ naman nito, panira!”

Marami pang sinabi ang donya at si Madam Lucia kay Perlita tungkol sa foundation at sa mga bata.

Habang sakay ng kotse pauwi.

“Princess Perly, sa ibang araw naman natin pupuntahan ang iba pang foundation. Pero ang ETC ang tututukan mo at ang LOVING foundation.”

“Ano naman po ‘yung Loving foundation?”

“Ito naman ang foundation na kumukupkop at nangangalaga sa mga may sakit na kanser na walang kakayahan para ipagamot ang mga sarili nila.”

“Ah, okay.”

“Princess Perly, napakahalaga ng papel na ginagampanan ko para sa kanila kaya pahalagahan mo sana ang bawat oras at pagkakataon na ilalaan mo sa kanila. Lagi mong tatandaan na hindi matutumbasan ng bawat sentimo na naitutulong natin sa kanila ang tunay na pagkalingang kailangan nila.”

Para kay Perlita, medyo malalim iyon, pero wala siyang choice kundi sumagot ng…

“Opo.”

Si Luna ang ibinigay ni Donya Margaret kay Princess Perly para maging personal assistant nito habang si Mang Makoy naman ang personal bodyguard at si Mang Jopet ang driver.

“Teka, ibig mong sabihin, hindi ako pwedeng lumabas ngayon para mag-shopping?”

Related Posts

“Opo Princess Perly, kailangan nyo pong magpunta sa study room para pag-aralan ang mga rules and regulations pati na rin po ang mga responsibilities niyo bilang bagong prinsesa ng mansion.”

“OMG, hanggang high school nga lang ang natapos ko dahil unang-una wala akong pang-college, tapos ayoko na rin naman talagang mag-aral dahil nakakatamad, tapos ngayon gusto nyo akong ikulong sa study room?”

“Iyon po ang bilin ni senyora.”

“Wow ha, nasaan ba siya? Pwede ko ba siyang kausapin?”

“Wala po siya,umattend siya ng meeting.”

“Ah, okay, so wala naman pala eh, e di walang problema, don’t worry, saglit na saglit lang tayo sa mall, mga 2 hours lang tapos uwi na tayo at magpapakulong na’ko sa study room promise!”

“Hindi po pwede Princess Perly, kami po ang malalagot nito!”

“Hindi, akong bahala sa inyo, saka hindi naman niya malalaman e, maliban kung ikaw pa mismo ang magtsutsustu.” Nakapameywang pang pamimilit ni Perlita kay Luna.

Nasunod din ang gusto ni Perlita. Sa pagkakatanda kasi niya ay dalawang beses pa lang siyang nakapasok ng mall sa buong buhay niya at gala lang iyon, walang shopping shopping dahil wala naman silang pera. Pero dahil may allowance namang ibinigay sa kanya ang donya ay gagamitin niya iyon para bilhin ang anumang matipuhan niya.

Habang sakay ng kotse ay excited siyang patingin-tingin sa labas.

“Princess Perly, kailangan bago mag-alas-12:00 ng tanghali nakabalik na tayo sa mansion, kasi ala-una darating na si senyora.”

“Don’t worry, chill ka lang diyan.”

Shopping to the max ang ginawa ni Perlita pagdating sa mall. Kahit hindi niya masyadong gusto ay binibili niya. Pati ang nanay at kaibigan niyang si Melay ay binilhan din niya at idinaan niya iyon sa kanila kahit alam niyang mahigpit na ipinagbabawal ni Donya Margaret ang pag-uwi sa kanila.

“Nay, hindi po ako pwedeng magtagal, ksige po, alis na’ko.”

“Gano’n ba, o sige anak, salamat dito saka mag-ingat ka do’n ha!”

Eksaktong alas dose nang makabalik sa mansion si Perlita. Inilagay niya muna ang mga pinamili sa kuwarto, dali-daling nagpalit ng damit at saka pumasok sa study room dala ang book ng rules and regulations.

Pero pagdating sa study room ay ni hindi niya ito binuklat. Ipinatong lang sa table at sa halip ay naghanap siya ng ibang mababasa.

“Wala bang magazine dito?”

Sa wakas ay nakakita ng hinahanap.

“Ayun, may magazine naman pala eh…”

Kaya lang…

“Hala, puro imported ang mga artista, ni wala akong kilala, ano naman ang pakialam ko sa kanila…wala man lang balita tungkol kay Piolo…nakaka-bad trip naman…” dismayadong ibinalik ni Perlita sa lalagyanan ang magazine.

“Ano pa kayang pwede kong gawin sa loob ng study room na’to?”

Kung anu-anong libro pa ang pinagbubuklat ni Perlita pero wala talagang makakuha ng atensyon niya kaya ang ending ay nakasubsob siyang nakatulog sa study table.

Samantala. Dumating na si Donya Margarita at sa monitor room agad ito nagpunta kung saan natsetsek niya ang bawat galaw sa bawat sulok ng bahay.

Napailing siya nang makita niya ang pag-alis at pagbalik ni Princess Perly sa mansion hanggang sa pagpasok at pagtulog nito sa loob ng study room.

Naisipan niyang tawagan si Denver.

“Yes, aunty?” (Itutuloy)