Una sa Balita

The Pretending Princess

By
0 410

Ika-10 na labas

Inis na tumayo sa higaan ang dalaga. Nagulat pa siya nang walang sabi-sabing buksan ni Manay Sita ang aparador niya.

“Teka, teka, anong ginagawa mo? Pinapa­ki­alaman mo ang mga damit ko?”

“Bilin po ni senyora na ihanap ko kayo ng damit na babagay sa pupuntahan n’yo.”

“Ano? Pati susuotin kong damit?”

“Princess Perly, masanay na po kayo na ang bawat kilos at bawat bagay ay kailangang ayon sa kagustuhan ni Donya Margarita.”

Naiiling si Perlita. Hindi prinsesa ang pakiramdam niya ngayon kundi isang prisoner.

Mali ang hinala ni Perlita. Sa isang foundation sila nagtungo ng Donya. Foundation iyon na nagngangalaga sa mga batang may kakulangan sa pag-iisip at walang mga magulang.

“This is the EMBRACE THE CHILDREN foundation or ETC. Isa ito sa mga foundations na tinutulungan ko. Twice a month dumadalaw ako dito at ganoon din sa iba pa. And I want you to know that sometimes I wasn’t able to be here or in the other foundation dahil naman sa mga business commitments ko kaya ikaw ang gagawa nito para sa’kin.”

“H-ho?”

“Did you read the rules and regulations book?”

“Ahm, h-hindi pa po eh…nakatulog na po kasi ako kagabi pagkatapos nating kumain…”

“Princess Perly, time management is very important. Kung hindi natin makakayang i-handle ng tama ang oras natin sa bawat bagay, maraming oras at panahon ang masasayang.”

“Sige po madam, este Miss Margaret, babasahin ko na po mamaya, promise!” itinaas pa ni Perlita ang kanang kamay niya.”

Related Posts

“You really have to, dahil lahat ng sinasabi ko sa’yo ngayon ay mababasa mo rin doon. At hindi mo lang iyon basta babasahin, kundi pag-aaralan mo at iintindihing mabuti.”

“Opo.”

Maya-maya pa ay nilapitan sila ng isang babaeng nasa edad 50.

“Donya Margarita, magandang umaga po!”

“Magandang umaga naman Madam Lucia, this is Princess Perly.”

“Hello po!” bati ng dalaga.

“Say good morning.” Bulong ng Donya.

“G-good morning po Madam Lucia!”

“Good morning Princess Perly! Ikinagagalak kong makilala ang bagong prinsesa ng mansion. Let’s go inside, para makita mo ang mga batang kinakalinga namin dito.”

Pagtalikod ng dalawang babae ay napabuntong hininga ang dalaga. Sa isip niya ay hindi niya gusto ang mga ganitong lakad at mga ganitong gawain. Wala kasi siyang hilig sa mga bata. Solong anak lang siya at ni minsan ay hindi niya hinangad na magkaroon ng kapatid lalo pa at matagal na namang hiwalay ang nanay at tatay niya. Wala siyang masyadong alam tungkol sa tatay niya kasi wala pa siyang muwang sa mundo ng layasan sila nito at wala rin naman siyang interes na alamin pa ang tungkol dito. Kuntento na siya na mayroon siyang isang ina na nagmamahal at umiintindi sa kung anumang ugali meron siya.

Sa tingin niya ay mga batang nasa edad mula apat pataas ang mga naroon sa isang malaking silid na maraming higaan. Tuwang-tuwa ang mga ito pagkakita sa kanila. Naglapitan agad lahat kay Donya Margaret, ang iba ay nagmano, ang iba ay humalik at meron din namang yumakap.

“So how are you children?”

“Okay lang po, si Bambi nagtamtrums na naman!” sumbong ni Katkat, pitong taong gulang. Ang Bambi na tinutukoy niya ay apat na taong gulang na babae na may kulang sa pag-iisip.

“At si Oliver po, inagaw ang tinapay ko kanina!” sumbong naman ni John.

“Miss Margaret, ako po ang may pinakamagandang drawing kahapon!” si Hanna, 7 years old.
“Very good Hanna, Oliver ‘wag mo nang uulitin ‘yon ha, that is bad. Bambi, don’t cry na ha, may pasalubong ako sa’yo, just be nice always, okay?” anang Donya na iniisa-isa ang mga bata.

Natataranta si Perlita sa kanya-kanyang sum­bungan at pagkakaingay ng mga bata. Hindi niya akalain na ganito kalapit ang Donya sa mga ito sa kabila ng pagiging mukhang masungit nito. (Itutuloy)