The Pretending Princess (21)

By

“BESHI! PERLY!!” Malakas na tawag ni Melay sa kaibigan.

Pupungas-pungas na bumangon mula sa papag na higaan si Perlita. Gulo ang buhok, lumabas siya sa maliit na silid at nakasimangot na hinarap ang kaibigan.

“Ba’t ba ang aga-aga mong mambulabog?”

“This is it! Ito na ang araw na pinakahihintay mo!” tuwang-tuwang balita ni Melay na hindi alintana ang kunot ng noon ng kaibigan.

“Ha? teka, anong ibig mong sabihin?”

“Ngayong araw daw magpapatawag ng mga kadalagahan si Donya Margarita para makapili ng panibagong prinsesa!”

“Gano’n ba? e ano pang hinihintay natin?”

Nagmamadaling tinalikuran ni Perlita si Melay.

“Oy teka lang naman, paano ako?”

“Umuwi ka na sa inyo at mag-ready ka na!”

Narinig na lang ni Melay na sigaw ni Perlita mula sa kuwarto.

Sa isang iglap ay nagmamadaling inayos ni Perlita ang sarili. Naligo at sinuklay ang hanggang balikat na buhok. Nahirapan pa nga siyang suklayin dahil shampoo lang ang gamit niya, hindi kasi kasama sa budget nila ang conditioner.

“Buhok makisama ka naman!” pakiusap ng dalaga sa sariling buhok.

Hinalungkat ang lumang aparador na siyang kinalalagyan ng mga damit. Natatarantang ­pumili ng maisusuot. Dahil mahirap lang sila at wala siyang masyadong damit ay wala siyang choice kundi pagtiyagaan ang isang kupas na bestida na kulay sky blue. Iyon din ang sinuot niya nu’ng JS Prom nila.

“Pwede na siguro ‘to…”

At bago pa tuluyang lumabas ng bahay ay humarap muna ulit siya sa salamin na nakasabit sa dingding malapit sa pintuan.

“PERLITA DE DIOS, humanda ka na, dahil IKAW NA ang bagong prinsesa!”

Kinindatan pa ng dalaga ang sarili bago humahagibis na lumabas ng bahay at halos liparin ang kalsada patungong plaza.

Sa plaza na iyon sa probinsya ng Isabela, palaging isinasagawa ni Donya Margarita ang pagpili sa panibagong dalaga na gagawin niyang prinsesa sa kanyang mansion. Taun-taon niya itong ginagawa. Ito ang pangakong binitawan niya sa dalaga niyang anak na namatay sa sakit na kanser. Bukod sa mga tinutulungang foundation ay nais ng anak niya na makapagpaligaya siya ng isang dalaga kada taon, isang dalaga na mararanasang magbuhay prinsesa tulad ng kanyang anak noong nabubuhay pa ito.

Ito ang pangakong tinutupad at handang tuparin ni Donya Margarita hanggang sa huli niyang hininga.

Sa kabila nito ay dumadaan sa mahigpit na pagsusuri ang sinumang nais na maging prinsesa. Si Donya Margarita mismo ang unang pipili sa sampung dalaga, matapos nito ay may mga pagdadaanang pang pagsubok ang sampu at ang isang matitira ang siyang magwawagi. Nagkakaroon din ng background checking habang tumatakbo ang proseso.

Malapit na sa plaza si Perlita at ingat na ingat siya sa paglalakad dahil maputik. Katatapos lang kasi ng ulan. Nang isang kotse ang dumaan at sa isang iglap ay natalsikan ng putik ang iniingatan niyang damit.

Natulala si Perlita at hindi agad nakapagsalita sa sobrang gulat at galit. Sumungaw ang gwapong lalaki mula sa bintana ng kotse. Ibinaba nito ang shade at tumingin sa dalaga bago nagsalita.

“I’m sorry. “Pagkasabi niyon ay pinaandar na nito ang sasakyan.

Huli na ang reaksyon ni Perlita dahil naka­andar na ang kotse.

“Hoy! Bumalik ka dito! Tingnan mong ginawa mo sa damit ko! Anak ka ng putik oo!”

Nanlulumong naglakad-takbo si Perlita pabalik sa bahay. Nadatnan niya roon ang ina na ginugupit ang mga telang tatahiin. Napakunot ang noo nito nang makita siya.

“Perlita! Saan ka ba nagpupupunta at suot mo pa ‘yang pinang-JS mo? Pwede ba tulungan mo ako at marami akong tanggap ngayon na tahiin, halika’t tabasin mo itong iba.”

Sa halip na sumunod ay kinuha ni Perlita ang isa pang gunting sa tabi ng ina at nagmamadaling ginupit ang bandang ibaba ng damit na naputikan.

Nagulat si Aling Perla sa ginawa ng anak.

“Perli, ang sabi ko tabasin mo ang mga tela, hindi iyang damit mo!”

“Nay, mamaya na ho ako magpapaliwanag, kailangan ko hong umabot sa plaza para sa pagpili ni Donya Margarita ng bagong ­prinsesa!” nang magupit na ang laylayan ng damit ay binirahan na ni Perlita nang alis.

Naiwang kakamut-kamot ng ulo si Aling Perla.

“Ang batang ‘yon, hindi pa rin sumusuko, aba’y pang-apat na beses na ata niya itong pagta-try ah, mula pa noong 18 siya , 21 na siya ngayon!, tsk, tsk!”

Natawa si Melay nang makita ang suot ng kaibigan.

“Oy beshi, ano, kailangan mo talagang istaylan ang damit mo, may paawa effect?”

“Sira, hindi no, natalsikan ng putik ang damit ko kaya ginupit ko, keri na ‘yan, kaysa hindi ako umabot, saka wala naman akong ibang damit na maisusuot.”
“O sya, tara na sa pila, mahaba na yata oh!”

Isa-isang tinitingnan ni Donya Margarita mula ulo hanggang paa ang bawat dalagang humaharap sa kanya. Ito ang unang proseso na pinagdadaanan nila. Nakapila silang haharap sa Donya at kapag pinaalis sila sa linya ay nangangahulugan lang ito na hindi sila napili.

Magkasunod na nakapila sina Perlita at ­Melay. Una si Melay. Laglag ang balikat nito nang matapos tingnan ng Donya ay aakayin na siya ng isa sa mga staff paalis sa linya. Sumenyas pa siya ng babay sa kaibigan.

Kabadung-kabado naman si Perlita nang siya na ang sinusuri ng Donya. Halos hindi siya humihinga. Pinipilit ang sarili na ngumiti. Pakiramdam niya ay may naghahabulang mga langgam sa buong katawan niya. Nakahinga lang siya nang maluwag nang walang staff na lumapit sa kanya para akayin siya paalis sa linya.

“Yes!” sa isip niya.

Marami pang dalaga ang sumunod kay ­Perlita kaya natagalan pa bago natapos ang unang ­proseso.

Ang ikalawang proseso ay ang tinatawag nilang training. Ito ‘yung patitirahin ang sampung napili sa loob ng isang maliit na bahay. (Itutuloy)


1
2
3
4
5
6
7
8
9
10
11
12
13
14
15
16
17
18
19
20
21
SHARE