Una sa Balita

The Next Time I Fall

By
0 617

Ika-9 na labas

“Papa ayoko na, ayo­ko na!” sigaw ng bata habang tumatawa sa pagkiliti ng ama.

“Ito ang gusto mo ‘di ba, harutan?” patuloy na kiniliti ni Jefferson ang anak.

“Surrender na’ko papa!”

“O sige, surrender na rin ako, matulog na tayo ha!”

Kinumutan ni Jeff ang anak at saka tinapik-tapik na parang baby.

School.

Namataan ni Cassandra ang mag-ama habang bumababa ang mga ito sa tricycle sa tapat ng school. Nang makapasok na sa gate ay nilapitan niya ang mga ito.

“Good morning teacher!” bati agad ni Michelle.

“Good morning, Cass!”

“Good morning sa inyong mag-ama, may sasabihin lang ako…kung wala kayong gagawin sa Sabado, pwede bang maimbita ko kayo sa amin? Birthday kasi ng papa ko, in-invite ko rin ang mga co-teachers ko at ‘yung ibang parents na napalapit na rin sa’kin.”

Natuwa ang mag-ama sa narinig.

“Sige, sa bahay lang naman kami ‘pag Sabado eh!”

“Good, o pa’no, una na’ko, dadaan pa kasi ako sa bagong library.”

“Okay, salamat sa i­nvitation.”

Nakangiting tinalikuran na ni Cassandra ang mag-ama.

Biyernes. Pinagmamasdan ni Michelle ang ama na aligaga sa paghahalungkat ng damit sa aparador.

“Pa, mag-iimpake ka ba? Inilabas mo na po kasi lahat ng damit sa aparador e?”

“Hindi no, naghaha­nap lang ako ng isusuot para bukas, sa birthday ng papa ni Cassandra.”

“E bukas pa naman po ‘yon eh!”

“Oo nga, pero kaila­ngan ready na tayo.”

Dinampot ni Michelle ang isang polo shirt at iniabot sa ama.

“Eto po, mukhang bagay sa’yo ‘to papa, mas lalo kang popogi dito!”

Natigilan si Jefferson. May naalala kasi siya sa damit na ‘yon. Iyon ang sinuot niya noong unang date nila ng mama ni Michelle.

“H-hindi…‘wag ‘yan…”

Dumampot ng isa pa si Michelle.

“Eto po?”

“Ayoko din niyan!” iyon naman kasi ang isi­nuot niya noong first wedding anniversary nila ni Kathy bilang mag-asawa­, kasal sila sa huwes.

“Pa, kung wala kang mapipili sa mga ‘to, bakit hindi na lang tayo bumili ng bago?”

“Kunsabagay, may point ka anak!”

Related Posts

Dahil maaga pa naman ay nagpunta nga sa mall ang mag-ama. Pero walang gusto nila ang sumakto sa budget nila. Kaya naman sa ukay-ukay ang bagsak nila. Inilapat ni Jefferson sa katawan ang isang white polo shirt na natipuhan niya.

“Naks! Ang gwapo talaga ng papa ko!” ani Michelle habang pinagmamasdan ang ama.

Sabado. Isa-isa nang nagdadatingan ang mga bisita ni Mr. Gener Villafuente. Hindi man aminin sa sarili, deep inside ay hinihintay ni Cassandra ang mag-ama at umaasa na sana ay makarating ang mga ito. Bawat sasakyang humihinto sa tapat ng gate nila ay umaasa siyang ang mag-ama na ang sakay nito.

“Anak, dumating na ba si Eloisa?” tanong ni Gener sa anak. Alam kasi nito na si Eloisa ang itinuturing na bestfriend ng anak. At iniisip nitong si Eloisa ang hinihintay at tinatanaw-tanaw ng dalaga sa labas.

“On the way na raw po siya.”

“Ayun naman pala eh, tayo na sa loob at tulu­ngan mo akong asikasuhin ang ibang bisita.”

“O-opo pa…”

Maya-maya pa ay dumating na si Eloisa. Binati nito ang celebrant at pumwesto na sila ni Cassandra sa isang table.

“Cass, ikaw ba lahat ang nag-prepare nito?”

“Katulong ko ang mga pinsan ko, medyo masikip ang bakuran namin kaya extended dito sa loob ng bahay ang mga inarkila naming tables and chairs.”

Napatingin si Cassandra sa mag-amang papasok sa gate nila. Napatulala siya sa kaguwapuhan ni Jefferson ng araw na iyon.

Bumagay dito ang simpleng suot na white polo shirt at maong pants. Wala namang espesyal sa kasuotan nito pero napa­kaespesyal ng tingin niya rito habang papalapit ito sa kanila.

“Jeff! Michelle!”

Humalik sa pisngi niya ang bata.

“Hi Cass, hello po Ma’am Eloisa!” bati rin ni Jeff sa teacher ng anak.

“Hi Jeff, Eloisa na lang, para patas kami ni Cass,” nakangiting sabi ni Eloisa.

Ipinakilala ni Cassandra ang mag-ama sa mga magulang niya. Iniabot naman ni Michelle ang regalo nila kay Mang Gener.

“Naku itong batang ito, nag-abala pa, sa tanda ko bang ito e kailangan ko pa ang regalo?” sabay himas ni Gener sa ulo ng bata.

“Syempre naman po, ‘di ba po birthday n’yo?”

“O sige na nga tatanggapin ko na, pero mamaya ko na bubuksan ha, baka kasi may iba pang mag-abot ng regalo para sabay-sabay na!” biro ni Gener sa bata.

“Ilang taon na po kayo?”

Nagulat si Mang Gene­r sa tanong ni M­ichelle, pero hindi na lang siya nagpahalata at ibinulong na lang dito ang sagot niya.

“61 na ako, pero atin-atin lang ha, sikreto…”

“Okay po, sikreto.”

Habang nakikipag­laro si Michelle sa ibang batang nandoon at n­akikipagtsikahan naman si Eloisa sa ibang bisita ay naiwan sa mesa sina Jefferson at Cassandra.

“Mabuti at hindi kayo naligaw?”

“Madali lang naman puntahan ito…”

“Salamat kasi nakarating kayo…”

“Siniguro talaga namin na makakarating kami, para ‘pag kami naman ang nag-imbita sa’yo e. makarating ka rin,” nakangiting sabi ni Jefferson.

“Sure!” (Itutuloy)