Una sa Balita

The Next Time I Fall

By
0 617

Ika-8 na labas

“Tara, pagsaluhan natin ‘tong arozcaldo habang mainit, saka nagluto na rin ako kanina ng kanin at pritong gigi, naisip ko kasi walang kakainin si Michelle kapag hindi ako kumilos at kinunsinti ko ‘tong lagnat ko.”

Habang kumakain ay masayang nakipagkuwentuhan si Cassandra sa mag-ama. Matapos kumain ay nag-request pa si Michelle sa dalaga.

Abante Hiring – IT dep

“Teacher ‘wag ka munang umuwi, pwede po bang ituloy mo na ‘yung kuwento mo sa akin tungkol sa malungkot na bulaklak at masayahing diwata?”

Si Jefferson ang sumagot. “Michelle, kailangan nang umuwi ni teacher at saka gagawa ka pa ng homework mo, ‘di ba? Tapos matutulog ng maaga kasi may pasok bukas!”

Walang nagawa ang bata kundi sundin ang ama. Pumasok na ito sa silid matapos magpaalam sa guro.

“Cassandra, pasensya ka na sa anak ko ha…nami-miss lang niya siguro ang mama niya…naram­daman niya din siguro ‘yung gaan ng loob mo sa kanya kaya naging komportable siya sa’yo…”

“Ano bang inaalala mo, okay lang naman sa’kin ‘yon…by the way, tungkol sa mama niya, nabanggit kasi sa akin ni Teacher Eloisa ang nangyari kaya naiintindihan ko naman…saka sabi nga pala ng teacher niya, nakiki-cooperate na raw si Michelle ngayon sa klase, tingin niya nakaka-recover na ‘yung bata, mabuti ‘yon, ‘di ba?”

“Talaga? Oo naman mabuti ‘yon, tingin ko bumalik ang sigla niya nang makilala ka niya…”

“Ako? Bakit naman?”

“Hindi ko alam…basta mula nang magkasunog sa school at naging malapit ka sa kanya mas madalas na siyang magsalita at magkuwento…”

Natigilan si Cassandra. Napakasarap sa pakiramdam niya ang isiping naging dahilan siya ng pagbabalik sigla ng isang batang nawalan ng ina.

“Cassandra, saan ka ba galing, late ka yata ng uwi ngayon?” tanong ni Celeste sa anak habang naghuhugas na ng mga platong pinagkainan. Hinalikan siya ng dalaga sa pisngi bago sinagot ang tanong niya.

“Hinatid ko po kasi sa kanila si Michelle, may sakit po kasi ang papa niya.”

“Michelle…estudyante mo?” tanong ni Celeste sa anak.

“Hindi po, estudyante po ni Eloisa…”

Related Posts

“O, e bakit hindi si Eloisa ang naghatid?”

“Ma, siya po ‘yung batang iniligtas ko sa s­unog sa school, tapos ‘yung papa naman niya ang nagligtas sa akin…”

Napangiti si Celeste at napahinto sa ginagawa. May kumislap sa isip nito.

“Ah … alam mo anak, bakit hindi mo sila imbitahan sa birthday ng papa mo?”

“Maghahanda po si papa?”

“Ewan ko ba diyan sa papa mo, dati-rati ayaw na ayaw niya ang handaan pero ngayon siya mismo ang nag-request sa akin na ipaghanda siya ng mga paborito niya sa birthday niya.”

“Nakakapanibago nga si papa, pero wala namang dahilan para hindi natin siya pagbigyan, ‘di ba, ma?”

“Oo naman, imbitahan mo ‘yung mag-ama ha!” paalala pa ni Celeste sa anak. Nakangiting tumalikod na si Cassandra at tinungo ang kuwarto niya.

Nang gabing iyon ay hindi makatulog si Jefferson. Naiisip niya si Cassandra. Bakit ba ang gaan-gaan agad ng loob nilang mag-ama rito kahit bago pa lang nila itong kakilala…at sa tingin niya ay ganoon din naman ito sa kanila, kasi kung hindi, hindi naman sila nito pag-aaksayahan ng panahon…kung tumatanaw naman ito ng utang na loob, e pareho lang naman silang may utang na loob sa isa’t isa…kung nagmamalasakit lang naman ito kay Michelle bilang estudyante, ‘di ba dapat mas magmalasakit si Teacher Eloisa dahil ito ang guro ng bata?

Nagpabaling-baling si Jefferson sa higaan. May kakaiba kasi siyang nararamdaman. Parang gusto na niyang makita palagi ang guro…
“Pa, kung ayaw mo pang matulog, magpatulog ka, ‘wag ka naman pong malikot…” inaantok ang boses na sabi ni Michelle.

“Sorry anak, may iniisip lang kasi si papa…”

“Si mama po ba, o si teacher?”

Napabalikwas mula sa pagkakahiga si Jefferson nang marinig ang sinabi ng anak. Tiningnan niya ito pero nakapikit na ulit ang bata. Kaya tumingin na lang siya sa photo frame ni Kathy.

“Mahal, sorry ha…sorry kung nag-iisip ako ng ibang babae…”

“Pa, sabi ni mama okay lang daw po, kasi happy na raw po siya sa langit…”

“Michelle!” kiniliti ni Jefferson ang anak na nagtutulug-tulugan lang pala at nakikinig sa sinabi niya.(Itutuloy)