Una sa Balita

The Next Time I Fall

By
0 622

Ika-7 na labas

“Anong simula ang sinasabi mo?”

“Simula ng bagong chapter sa buhay mo! Finally may bago na ring magpapangiti sa’yo at magpapatibok muli ng puso mo!”

“Sira ka talaga, naikuwento ko lang naman sa’yo ang nangyari kanina pero walang ibig sabihin ‘yon.”

“Okay sige, ikaw na ang denial queen! Kung gusto mo magpustahan na lang tayo!”

“Pustahan? Sugal ‘yon ‘di ba?”

“Ang O.A. mo naman, hindi naman siguro tayo mapupunta sa impiyerno kung magpupustahan tayo?”

Saglit na nag-isip si Cassandra. “Okay sige, anong pagpupustahan natin?”

“Kapag naging jowa mo ang Jeff na ‘yon ililibre mo ako ng isang concert ticket ng idol ko, pero kapag hindi nangyari ‘yon ay ako naman ang manglilibre sa’yo ng ticket para naman sa gusto mong movie!”

“Well…hmm…okay sige!” kampante si Cassandra na siya ang mananalo sa pustahang iyon.

Umaga. Papasok sa school gate si Cassandra nang mamataan niya si Michelle na nakatingin lang sa mga estudyanteng naglalaro sa ground floor habang wala pang bell. Napansin ng dalaga ang lungkot sa mga mata ng bata. Nilapitan niya ito.

“Michelle, may problema ka ba?”

Napatingin sa kanya ang bata pero hindi ito sumagot.

“Kahapon lang ang saya-saya mo bakit ngayon parang malungkot ka?” muling tanong ni Cassandra.

Napilitang magtapat ang bata.

“Kasi po kanina, ipinasabay lang po ako ni papa kay Ate Luisa papasok dito sa school, si Ate Luisa po grade six na siya…”

“Pero bakit hindi ka niya hinatid?”

“Kasi po kaninang madaling-araw nagresponde po ulit siya sa sunog tapos pag-uwi po niya basang-basa po siya kasi malakas ang ulan…tapos po, sabi niya masama raw ang pakiramdam niya, nilalagnat po siya nang umalis ako…nag-aalala po ako sa kanya…”

“G-gano’n ba?…O sige hayaan mo mamaya ako ang maghahatid sa’yo pauwi tapos ibibili natin siya ng gamot, okay ba ‘yon?”

Related Posts

Napangiti na ang bata. “Okay na okay po!”

Tumunog na ang bell kaya nagpunta na sa room si Michelle. Ganoon din si Cassandra sa classroom naman niya.

Tinupad ni Cassandra ang pangako niya kay Michelle. Sinamahan niya ito sa pag-uwi. Huminto sila sa harap ng isang bahay na yari sa light materials. Maliit lang pero maayos ang loob. Konti lang ang gamit pero malinis.

“Ito po ang bahay namin, sandali lang po pupuntahan ko si papa sa kuwarto!”

Naabutan ni Michelle ang papa niya na natutulog pa. Marahan niya itong niyugyog.

“Pa, pa gising ka, nandito po si Teacher Cass!”

“Ha?” napabalikwas ng bangon si Jefferson.

“Ikaw talagang bata ka, anong ginagawa niya rito?” natatarantang tanong ng ama.

“E kasi po nasabi ko po sa kanya na maysakit ka kaya hinatid po niya ako rito.”

Inayos ni Jefferson ang sarili bago lumabas ng silid. Naabutan niyang nakaupo sa maliit nilang sofa ang guro. Ngumiti ito at tumayo nang makita siya.

“Nilalagnat ka raw kaya nagprisinta na akong ihatid dito si Michelle, saka eto o, binilhan ka namin ng gamot saka konting makakain.”

Itinuro ni Cassandra ang gamot at arozcaldo na binili niya para rito. Nakalapag na iyon sa mesa.

Napakamot sa ulo niya si Jefferson.

“E Cass, salamat pero pasensya ka na sa anak ko ha, sobrang abala na ‘to sa’yo…”

“Hindi naman, nagkusa naman ako eh.”

Hindi malaman ni Jefferson kung paano iistimahin ang bisita. Isinasalin niya sa tasa ang arozcaldo nang simulan ang pagkukuwento.

“May nirespondehan kasi kaming sunog kaninang madaling-araw… pinabantayan ko muna sa kapitbahay namin si Michelle, diyan kina Aling Mameng, puro babae naman sila …tapos pag-uwi ko, sumama na ang pakiramdam ko kaya pinahatid ko na rin kay Luisa si Michelle sa school, si Luisa anak ni Aling Mameng na doon din pumapasok…kasalanan kasi ng uniform ko, butas-butas na, nabasa tuloy ako ng ulan kaya tinamaan ako ng lagnat.” Biro pa ni Jeff sa huli.

“Dumarating talaga ang mga ganyang pagkakataon, doble ingat na lang sa susunod.”

Nakangiting tumingin si Jefferson kay Cassandra. Parang bigla namang na-conscious ang dalaga sa ngiting iyon na tinugunan na lang din niya ng pagngiti. (Itutuloy)