Una sa Balita

The Next Time I Fall

By
0 622

Ika-6 na labas

“Okay lang maluwag pa naman, sa hapon din pala kayo nagsisimba?”

“Ngayon lang, kasi balak naming pumasyal sa perya after naming magsimba. ‘Yung bagong tayong perya sa bayan!”
“Sshhhh!” ang saway ng matandang nagdarasal sa unahan nila.

“Teacher, gusto mo pong sumama sa amin?” tanong ni Michelle.

“Ah kasi…”

“Sige na po teacher please?”

“Ssshhh!” saway naman ng matanda sa likuran nila.

“Okay sige.” Pabulong na lang ang naging tugon ni Cassandra para wala nang magsaway sa kanila. Natuwa naman ang bata at ngiti na lang ang itinugon sa guro.

Habang nagmimisa ay hindi maiwasan ni Jefferson na paminsan-minsang mapasulyap kay Cassandra. Nagagandahan kasi siya sa maamong mukha nito na may pagkakahawig kay Shaina Magdayao. Kaya naman hindi niya mapigilan ang sarili na mapatingin dito. Alam ni Cassandra ang mga tinging iyon ni Jeff pero hindi na lang niya iyon pinansin.

“Lord, hindi pa po akong handang magmahal ulit…isang taon pa lang po mula nang mawala si Kathy, nakakahiya naman po kung papalitan ko siya agad…” panalangin sa isip ni Jefferson.

“Lord, alisin niyo na po sa isip ko si Martin, para maging handa na po ang puso ko kung sinuman po ang ipagkakaloob niyo sa’kin…” panalangin rin sa isip ni Cassandra.

Nang tumugtog ang Ama Namin ay naglipat ang tingin ni Michelle sa papa niya na hawak ang isa niyang kamay at kay Cassandra na hawak din ang isa pa niyang kamay.

“Jesus…sana po mabuo ulit ang pamilya ko, kahit wala na si mama…alam kong magiging masaya si mama kapag nagkaroon ako ulit ng mama na maganda at mabait tulad niya…” sa isip ng bata.

Matapos ang misa ay hindi na nakatanggi si Cassandra nang ayain siya ng mag-ama sa perya.

“Cassandra, sigurado ka ba ayaw mong sumakay sa mga rides?” tanong ni Jeff.

“Kayo na lang, panonoorin ko na lang kayo!” nag-aalala kasi ang dalaga na baka bigla siyang sumpungin ng asthma kapag ninerbiyos siya sa bilis ng mga rides.

“Teacher, wait niyo lang po kami diyan ha!” sigaw ni Michelle habang umaakyat sila ng papa niya patungo sa caterpillar.

Related Posts

“Oo sige, humawak kang mabuti ha!”

“Opo!”

Habang tinitingnan ni Michelle ang mag-ama ay tila nakaramdam siya ng kakaibang kasiyahan. Kailan lang niya nakilala ang mga ito pero parang ang gaan-gaan na agad ng loob niya. Parang matagal na silang magkakilala.

Bumawi naman si Jeff kay Cassandra pag­dating sa mga games. Nang manalo siya sa pag-asinta sa mga bibe, ay ibinigay niya ang stuffed toy sa dalaga. Pero hindi iyon tinanggap ni Cassandra at sa halip ay ibinigay niya iyon kay Michelle.

“Mas bagay sa’yo ‘to!”

“Yehey! Thank you po!”

Matapos ang ilang saglit pang paglilibot ay nagpasya na silang umuwi.

“Cass, ihahatid ka na namin.” Prisinta ni Jefferson.

“Hindi na, kayang-kaya ko namang umuwi mag-isa. Mag-tricycle na kayo at ako naman sasakay na’ko ng jeep,” ani Cassandra. Magkaiba kasi sila ng way.

“Okay sige, ingat ka na lang.”

“Mag-ingat din kayo.”

“Salamat sa time mo.”

“Nag-enjoy rin ako, kaya salamat din sa pag-invite niyo sa’kin,” nakangiting tugon ni Cassandra.

“Bye po!” sabay kaway ni Michelle habang palayo sila sa isa’t isa.

Kumaway din si Cassandra.

Gabi. Kausap ni Cassandra si Eloisa sa phone. Naloka ito sa ikinuwento niya tungkol sa mag-ama nang makasabay niya ito sa simbahan at makasama pa ang mga ito sa perya.

“Alam mo Cass, feeling ko may magiging papel sa buhay mo ang mag-amang ‘yan at ito na ang simula!”(Itutuloy)