Una sa Balita

The Next Time I Fall

By
0 617

Ika-4 na labas

Sinimulan ni Teacher Cassandra ang naisipang kuwento.

“Sa isang kaharian, may isang bulaklak ang nalulungkot…walang sinuman ang makapagpasaya sa kanya…hanggang sa isang araw, may dumating na diwata…ikinumpas niya ang wand niya at sinabing, ikaw malungkot na bulaklak ay magiging masaya mula sa araw na ito!”

“Naging masaya na po ang bulaklak?”

Umiling si Cassandra.

“Pero minadyik na po siya ng diwata!”

“Oo nga, pero ang sabi ng bulaklak, hindi raw madyik ang makakapagpasaya sa kanya…”

“E ano raw po?”

Bago pa masagot ni Cassandra ang tanong ni Michelle ay dumating na si Jefferson at agad na nakalapit sa kanila.

“Michelle anak, C-Cass! Pasensya na nagresponde kasi kami sa Quezon City eh!”

Nginitian ni Cassandra si Jefferson bago bumaling muli kay Michelle.

“O pa’no Michelle, saka ko na lang itutuloy ang kuwento ko ha, kailangan n’yo nang umuwi ng papa mo.”

“Sige Cass, salamat …” Si Jefferson.

“Okay. Mag-ingat kayo pag-uwi.”

“Ikaw din ma’am.” Si Michelle.

Humawak na si Michelle sa kamay ng papa niya at nagsimulang maglakad. Pero muling nilingon ni Michelle ang guro.

Related Posts

“Teacher Cass, promise po tatapusin n’yo ang kuwento?”

“O-okay, promise…” kailangan niyang manga­ko sa bata kahit ang totoo ay hindi pa naman talaga nabubuo sa isip niya ang ending ng kuwento o ang katuturan nito, naisip lang niya iyon kanina para libangin si Michelle at hindi mainip sa paghihintay sa ama.

Habang naglalakad pauwi papasok sa eskinita nila ay may sinabi si Michelle sa ama.

“Papa, gusto ko po si Teacher Cassandra, mabait po siya…”

“Sa tingin ko nga mabait talaga siya…”

“Gusto ko po siyang maging mama…”

Natigilan si Jefferson at tiningnan ang anak.

“Anak, seryoso ka ba? Hindi gano’n kadali ‘yon!”

“Sabihin mo sa kanya papa na gusto mo rin siya.”

Natawa si Jefferson sa anak.

“Kunsabagay maganda naman siya at matalino, pero anak mas okay kung magiging kaibigan muna natin siya para mapalapit tayo sa kanya at makilala natin siya nang husto.”

Hindi na kumibo ang bata hanggang sa makarating sila sa bahay na inuupahan nilang mag-ama.

Gabi. Hindi makatulog si Cassandra. Naiisip niya si Martin. Ang childhood bestfriend at ex boyfriend niya.

Bumangon siya at tumanaw sa bintana. Malalim na ang gabi kaya naman tahimik na tahimik na ang paligid sa subdivision. Tumingala siya sa langit at muli ay naramdaman niya ang hapdi na dulot ng nakaraang pag-ibig nila ni Martin. Nasa ibang bansa na ngayon si Martin, kasama ang babae na ipinalit nito sa kanya, isang mayamang babae na anak ng isang matagumpay na negos­yante. Apat na taon na ang nakaraan pero hanggang ngayon nasa puso pa rin niya ang kirot, ramdam na ramdam pa rin niya…ayaw na niyang umasa pero tila patuloy pa rin siyang naghihintay sa isang milagro…milagro na muling titibok ang puso ni Martin para sa kanya…

Samantala, nakatingala din si Jefferson, pero hindi sa mga bituin sa langit kundi sa kisame ng kuwarto nila habang nakahiga at tinatapik ang anak. Naiisip naman nito ang asawa. Napakasakit ang mawalan ng mahal sa buhay, lalo na at nag-iwan ito ng magagandang alaala. Isang taon pa lang mula nang mamatay sa isang aksidente si Kathy. Aksidente na isinisisi ni Jefferson sa sarili. Siya dapat kasi ang susundo noon kay Michelle sa school, pero dahil sa biglaang tawag sa trabaho ay si Kathy na ang pinagsundo niya sa anak nila. Papunta na si Kathy sa school nang mabangga ang sinasakyan nitong tricycle sa isang jeep.

Napatingin si Jefferson sa photo frame ni Kathy na nakapatong sa side table ng higaan nila. Malungkot ang mukha niya, kasing lungkot ng nararamdaman ng puso niya… (Itutuloy)