Una sa Balita

The Next Time I Fall

By
0 622

Ika-39 na labas

“Paano kung hindi bumalik si Michelle?… hindi mo na rin kami babalikan ng anak ko ‘di ba?”

“Nagkakamali ka, bago ko pa man malaman na natagpuan ninyo na si Michelle pinuntahan na kita sa bahay, umuwi na’ko pero walang tao ro’n… umuwi ako para humingi ng tawad, para makabalik sa inyong mag-ina ko, at nang makita ko si Michelle, lalo ko lang na-realize ang pagkakamali ko…”

Hindi tumugon si Cassandra. Patuloy lang ang pagluha niya habang nakatitig sa sanggol.

Biglang lumuhod sa harapan niya si Jefferson.

“Hon, patawarin mo na’ko… kahit ano gagawin ko mapatawad mo lang ako…”

Tumingin sa kanya si Cassandra.

“Tumayo ka nga riyan.”

Hinawakan ni Jefferson ang mga kamay niya.

“Parang awa mo na hon, bigyan mo pa ulit ako ng isa pang pagkakataon na mapatunayan sa’yo kung gaano kita kamahal…”

“Iwan mo na muna ako…”

Marahang tumayo si Jefferson. Pero hindi niya iniwan ang asawa tulad ng hinihingi nito.

Nanatili siyang nakatayo malapit dito.

Dinalhan ni Mang Gener ng maiinom na gatas si Cassandra sa silid nito sa ospital.

“Anak, uminom ka muna ng gatas.”

“Salamat po pa.”

Naupo ang matanda sa tabi ng anak.

“Hindi pa rin ba kayo nagkakaayos ng asawa mo?”

Umiling ang babae.

“Okay sige, ikaw lang naman ang makakapagdesisyon tungkol sa bagay na ‘yan. Pero sana sa pagdedesisyon mo ‘wag mong kalilimutang isaalang-alang ang mga anak ninyo.”

Hindi sumagot si Cassandra.

“Ikaw na rin naman ang nagsabi dati na kailangan mo lang bigyan ng space si Jefferson para makapag-isip siya, at ngayon na na-realize na niya ang pagkakamali niya hindi naman siguro masama kung ibibigay mo naman sa kanya ang pangalawang pagkakataon na hinihingi niya.”

Wala pa ring tugon.

Tumayo si Mang Gener. Pero bago ito lumabas ng silid ay may naalala itong sabihin sa anak.

“Siyanga pala anak… ‘yung matandang babae, pinalaya na… hiniling kasi iyon ni Michelle… na­ging mabait daw ito sa kanya kaya ayaw niyang makulong ito dahil sa kanya…”

Related Posts

“Ano pong sabi ni Jeff tungkol dito?”

“Pumayag siya sa gusto ni Michelle, tutal naman daw matanda na ‘yung tao. Saka nangako naman yung matanda na lalayo na siya.”

Wala ng sinabi pa si Cassandra.

Saktong wedding anniversary nina Cassandra at Jefferson nang makauwi sila mula sa ospital.

Hindi pa rin binabati ng una ang huli. Pero plano na ni Cassandra na mamayang gabi niya babatiin ang asawa kasabay ng pagpapatawad niya rito at pagbibigay ng isang special dinner.

Dahil lingid iyon kay Jefferson, nag-aalala pa rin ang lalaki sa hindi pagkibo ng asawa. Balak nga niyang sa sofa muna matulog hangga’t hindi pa siya nagiging okay dito.

Palihim namang um-order ng pagkain si Cassandra mula sa isang restaurant para sa special dinner na inihahanda niya, hindi kasi siya makapagluto dahil nasa paligid lang si Jefferson.

Gabi.

Binihisan ni Cassandra ng maganda si Michelle gayundin ang baby nilang pinangalanan niyang Jefferson Jr. or Jerson na nickname nito.

“Mama, sigurado po akong matutuwa si papa kapag nalaman na niya ang surprise natin!”

“Oo anak pero ‘wag ka munang maingay ha, kasi baka marinig niya, hindi na magiging surprise ‘yon. Kapag dumating na yung pina-deliver natin puwede na natin siyang i-surprise!”

“Opo mama!”

“Okay, o dito ka muna sa room mo ha, kukunin ko lang si Baby sa Lolo Gener mo.”

Tumango ang bata at saka lumabas ng silid nito si Cassandra.

Paglabas ni Cassandra ng kuwarto ni Michelle ay biglang tumunog ang doorbell.

“Baka ito na ‘yung pina-deliver kong pagkain,” Anito sa sarili.

Isang lalaki ang bumungad sa kanya. Pero hindi pagkain na inaasahan niya ang dala nito kundi isang boquet ng sunflower.

“Mrs. Cassandra Villafuente Umali?” tanong ng delivery man.

“O-oo, ako nga.”

“Paki-receive na lang po ma’am!”

Matapos pumirma ay binasa ni Cassandra ang nakasulat sa naka-attach na card.

“Happy wedding anniversary honey…” si Jefferson na nasa likuran na pala niya. Sinabi na nito kung ano mismo ang nakalagay sa card.

Humarap si Cassandra kay Jefferson.

“Honey nagustuhan mo ba ang sorpresa ko?”

Sasagot na sana si Cassandra nang biglang dumating ang isa pang lalaki. Ito na ang hinihintay niyang delivery. (Itutuloy)