Una sa Balita

The Next Time I Fall

By
0 622

Ika-37 na labas

Halos mag-histerical naman si Cassandra sa stretcher na pilit niyang pinapahinto sa nagtutulak sa kanya.

“Ang anak ko si Michelle, ayun siya, dalhin n’yo siya sa’kin! Ihinto mo muna ano ba!”

Ang iika-ikang si Mang Gener ang lumapit kay Michelle na tinangka pang ilayo ng matandang babae pero naharang na ito ng mga guwardiya na nagro-robing sa area.

“LOLO!” Yumakap agad si Michelle kay Mang Gener na yumakap rin sa kanya.

“Michelle apo! Ano, okay ka lang ba? ano bang nangyari sa’yo? Sa’n ka ba galing, sino ang matandang ‘yan?” natataranta at hindi alam ni Mang Gener kung anong tanong ang uunahin niya.

Wala namang nagawa si Cassandra kundi magpadala na sa delivery room. Hindi na kasi niya makayanan ang sakit ng tiyan. Napanatag naman siya kahit pa’no nang makitang nasa papa na niya si Michelle.

Sa presinto dinala ang matandang babae. Kinausap ito ni Mang Gener at doon niya nalaman kung paano napunta rito ang bata.

“N-nakita ko siyang umiiyak sa isang kalye, sa kalye Banhaon…”

“Kalye Banhaon? Paano naman siya mapupunta ro’ e malayo na ‘yon sa school!”

“Basta doon ko siya nakita… bumaba ako ng kotse ko at nilapitan ko siya, ang sabi niya akala raw niya papa niya ang nakita niya kaya sinundan niya. Hindi niya siguro namalayan na napalayo na pala siya at hindi na niya alam ang daan pabalik… nanghiram siya ng cellphone ko para tawagan ang papa niya o ang mama niya pero sabi ko ako na lang ang tatawag at sabihin na lang niya ang number nila…”

“Pagkatapos?”

“Hindi ko iyon ginawa… sinabi ko na hindi ko sila makontak pareho… tapos isinama ko muna siya sa bahay ko at nangakong ihahatid ko siya pauwi… pero hindi ko rin iyon ginawa…”

“Ano? Alam mo bang nagkahiwalay ang mag-asawa at halos mabaliw silang pareho kakahanap sa kanya?”

Nagsimulang pumatak ang luha ng matandang babae na halatang may kaya sa buhay.

“I’m sorry… I’m really sorry… mula kasi nang mamatay ang asawa at anak ko, nawalan na ako ng pamilya, nagsolo na ako sa buhay… at nang matagpuan ko si Angel…”

“Michelle ang pangalan niya!”

“Oo alam ko, sinabi niya… pero para sa akin siya si Angel, ang bago kong pamilya…”

“Kung gano’n wala kang balak na isoli siya?”

Related Posts

“Sana… iyon sana ang gusto kong mangyari, pero nitong huli nagkasakit siya kakaisip sa mga magulang niya dahil sa kalungkutan… kaya dinala ko siya sa ospital at sabi ko magpagaling ka para makauwi ka na…”

“Pero hindi mo rin gagawin ‘yon ‘di ba?”

Hindi nakasagot ang matanda. Sa halip ay umiyak ito nang umiyak. Nanatili lang nakatingin si Mang Gener dito.

Lulugo-lugong bumalik si Jefferson kina Aling Mameng.

“O, anong nangyari?” bungad ng matanda sa lalaki pagbukas niya ng pinto.

“Wala po… wala po yata sila sa bahay o ayaw lang po nila akong harapin.”

Tinapik ni Aling Mameng si Jeff sa balikat.

“O e ano kung wala sila sa bahay ngayon? O kung ayaw ka nilang harapin? Gano’n na lang ba ‘yon, susuko ka na lang ba?”

“Syemnpre naman po hindi… mahal na mahal ko po si Cassandra kaya gagawin ko ang lahat para makabalik ako sa buhay niya.”

“Oo naman. Tama ‘yan, saka isa pa magkakakaanak na kayo kaya nasisiguro kong malaki ang pag-asa nyong magkabalikan!”

Biglang napaisip si Jefferson.

“Aling Mameng, kabuwanan na ho ngayon ni Cassandra, h-hindi po kaya…”

“Naisip ko na rin ‘yang naiisip mo, kaya sige na, gora ka na at hanapin mo na siya, baka may junior ka na!”

Nangingislap ang mga matang muling umalis si Jefferson.

Bumalik siya sa bahay pero mukhang wala pa ring tao kaya sunod niyang tinungo ang ospital.

Nasa lobby na siya nang bigla siyang matigilan sa paglalakad. Daig pa niya ang natuklaw ng ahas. Malinaw kasi na nakikita ng mga mata niya si Michelle na akay ni Mang Gener sa harap ng elevator. Hindi siya makapaniwala.

“M-Michelle? Anak…”

Patakbo siyang lumapit dito.

“MICHELLE!”

Pasakay na sana sa elevator ang mag-lolo nang mapalingon sa sigaw niya. Nabigla rin ang bata at umiiyak na yumakap sa kanya.

“PAPA!” (Itutuloy)