Una sa Balita

The Next Time I Fall

By
0 617

Ika-36 na labas

“Anong balak mo?”

Hindi agad nakasagot si Cassandra. Nakatitig lang ito sa hawak na baso.

“Anak ayokong panghimasukan ang problema ninyo pero hinihiling ko pa rin na magkaayos kayo alang-alang sa isisilang mo, sa magiging anak ninyo… kung nabubuhay lang ang mama mo, sigurado akong ito rin ang sasabihin niya…”

“Hayaan na lang muna po natin siya pa, baka kailangan lang talaga niya ng space…”

“Space?… baka naman ‘yang space na ‘yan e lumawak nang lumawak hanggang sa hindi na niya makita ang daan pabalik sa’yo?”

“Kung mangyayari man po ‘yon pa, ihahanda ko na ang sarili ko.” malungkot na tugon ni Cassandra sabay baba ng baso sa mesa at tinalikuran na nito ang ama.

Samantala. Sa bahay nila Aling Mameng.

“Jeff wala ka bang balak umuwi sa inyo?” tanong ni Aling Mameng habang kasalo nilang kumakain ng hapunan ang lalaki.

“Pinagtatabuyan ninyo na po ba ko?”

“Hindi naman sa gano’n, kaya lang alam ko naman kasi na hindi lang kayo nagkaunawaan ni Cassandra at hindi talaga kayo magkakaunawaan kung magpapatuloy itong ganitong sitwasyon ninyo, dapat may maunang magpakumbaba, at ikaw ‘yon  at dapat ay mapag-usapan ninyo ng maayos ang problema.”

Binitawan ni Jefferson ang kutsara’t tinidor bago sumagot.

“Alam ko naman po ‘yon eh… kaya lang gusto ko muna pong bigyan pa ng panahon ang sarili ko na makapag-focus sa paghahanap kay Michelle, hindi ko ho kasi magagawa ‘yon kung nasa tabi ko siya, alam kong nasasaktan ko lang ang damdamin niya…”

“Paano ka makakapag-focus kung palagi kang naglalasing? At bakit mo naman sosolohin ang problema gayong alam mo naman na handa siyang yakapin ang problema ninyong dalawa? Isa pa, asawa mo siya, pareho ninyong mahal si Michelle, kaya sa tingin mo ba dahil sa paglayo mo hindi mo na siya masasaktan? Dobleng sakit ang ipinaparamdam mo sa kanya ngayon… Paano kung sa pagbibigay mo ng panahon sa sarili mo ay hindi na lang si Michelle ang mawala sa’yo kundi maging ang asawa mo at ang magiging anak ninyo?”

Napaisip si Jefferson. Tiningnan niya si Aling Mameng sa mga mata nito na parang tunay niyang ina. At naisip niya, may punto naman ang mga sinabi nito.

Related Posts

Nang gabing iyon ay hindi makatulog si Jefferson. Pinagmumunihan niya ang mga nagawa. Tama si Aling Mameng… ayaw naman niyang mangyari na pati ang mag-ina niya ay tuluyang mawala sa kanya. Kaya bukas na bukas din ay uuwi na siya at aayusin niya ang gusot na nilikha niya sa pagitan nila ni Cassandra.

Umaga.

“AAAHHHH!”

Napakapit nang mahigpit si Cassandra sa mesa sa kusina. Agad siyang nilapitan ng ama na nakasaklay.

“Anak, m-manganganak ka na ba?”

“A-ang tiyan ko pa, manganganak na yata ako, tumawag po kayo ng taxi magpapahatid ako sa ospital!”

“O-oo sige, sasamahan kita syempre, ihanda mo ang mga gamit mo tatawag na ako ng taxi!” natatarantang sabi ng matanda.

Nang makakuha ng taxi ay agad nagpadiretso ang mag-ama sa ospital. Pagkaalis na pagkaalis ng taxi ay siya namang dating ni Jefferson sa bahay. Ilang beses siyang nag-door bell at tumawag pero walang tugon. Wala naman siyang mapagtanungan, tila nananadya ang panahon na walang tambay ngayon sa lugar. Inisip niyang baka ayaw talaga siyang pagbuksan ng mag-ama dahil masama pa ang loob ng mga ito sa ginawa niyang pag-alis. Pati kasi ang cellphone ng mga ito ay hindi niya makontak.

Maya-maya pa ay napilitan na siyang humakbang palayo.

Ospital. Habang sakay ng stretcher ang nagle-labor na si Cassandra ay nahagip ng mga mata nito ang batang babae na palabas mula sa isang private room sa pedia.

“M-Michelle?”

Si Michelle.

“MICHELLE!” Ang sakit ng tiyan ay tila nabawasan ng excitement pagkakita kay Michelle na ilang buwan na rin nilang hinahanap.

Lumingon ang bata at ganoon na lang din ang kislap ng mga mata nito nang makita siya. Patakbo sana itong lalapit sa kanya nang may isang babaeng edad 60 na ang humarang dito.

“O Angel, saan ka pupunta?”

“Si mama! Ang Mama Cassandra ko!” umiiyak na sabi ng bata. (Itutuloy)