Una sa Balita

The Next Time I Fall

By
0 617

Ika-35 na labas

“Cassandra,hindi ko maiaalis sa’yo na mag-alala at gumawa ng aksyon para matagpuan ang nawawala ninyong anak, pero  ito bang nangyari sa’yo alam ng asawa mo?”

Marahang umiling si Cassandra. Napailing din ang doctor.

“You know what, kailangan din niyang maging aware sa kalagayan mo para maiwasan niyang bigyan ka ng stress and at the same time ay maingatan ka niya.”

“Ayoko na hong dagdagan pa ang alalahanin ng asawa ko…kaya ko naman pong ingatan ang sarili ko eh.”

“Okay. Kaya pala nandito ka ngayon at dinudugo.Well, payo lang naman ang sa akin bilang ob mo.”

Gabi. Labis na ang pag-aalala ni Cassandra hindi lang kay Michelle kundi maging kay Jefferson. Tinatanaw niya ang asawa sa gitna nang malakas na ulan mula sa bintana. Pero ni anino nito ay hindi pa niya makita.

Nilapitan siya ni Mang Gener.

“Anak, wala pa ba ang asawa mo?”

“Wala pa po, pa…”

“Magpahinga ka na, ako na lang ang maghihintay sa kanya.”

“Pero pa…”

“Kailangang mong isipin ang nasa sinapupunan mo.”

“Alam ko po, pero…”

Hinawakan ni Mang Gener sa balikat ang anak.

“Sige na anak, magpahinga ka na.”

Walang nagawa si Cassandra kundi sundin ang ama. Alam naman niyang para sa ikabubuti niya ang iniisip nito.

Subalit  hindi siya mapakali habang nakahiga na siya sa kama. Hindi niya makuhang ipikit ang mga mata niya gayong hindi niya alam kung nasaan na ang kanyang mag-ama. Na baka parehong nasa panganib ang mga ito. Ilang ulit siyang nagdasal pero tila hindi pa rin iyon sapat para mapanatag ang loob niya.

Kaya naman bumangon siya at nagsuot ng jacket at kapote. Inihanda rin niya ang payong. Pasilip-silip siya sa salas.Gusto niyang makasiguro na makakalabas siya nang hindi namamalayan ng ama.

Nang hindi niya ito makita sa salas ay sinilip niya ito sa kuwarto. Mukhang mahimbing na ang tulog ng matanda kaya marahan at maingat na lumabas na ng bahay si Cassandra. Sinagasa niya ang ulan sa paghahanap sa asawa. Pinuntahan niya ito sa kainan na madalas nilang puntahan, sa mga kaibigan, at kung saang-saang sulok pa na abot ng kanyang mga paa. Hanggang sa mapadpad siya sa waiting shed malapit sa school….

“J-Jeff?…”

Hindi man makatakbo ay mabilis na nilapitan ni Cassandra si Jefferson na nakatalungko sa waiting shed. Nagulat rin huli nang makita siya.

“CASSANDRA!”

Agad niyakap ng babae ang asawa niya at magkatabi silang naupo sa upuan sa shed.

“Anong ginagawa mo rito? Paano mo nalamang nandito ako?” sunud-sunod na tanong ni Jefferson.

Related Posts

“Hinanap talaga kita, nag-aalala ako sa’yo…ikaw, ano bang ginagawa mo pa rito sa ganitong oras na ng gabi? Alas-onse na…” labis ang pag-aalala sa tinig ni Cassandra.

“Dito ako inabutan ng ulan eh…dito kasi nagbabakasakali ako na may magbalik kay Michelle…dito malapit sa school kung saan siya nawala…”

“Naiintindihan kita Jeff, pero sa ngayon pwede bang umuwi na muna tayo?”

“Oo, pero ‘wag mo nang uulitin ‘tong ginawa mo, ‘wag ka nang lalabas ng bahay ng ganitong oras lalo at buntis ka.”

Tumango ang babae.

Sa kabila ng mabuting pakikitungo sa isa’t isa ay hindi pa rin nakaligtas ang mag-asawa sa pagsubok sa kanilang pagsasama. Sa halip kasi na maging matatag ay unti-unting rumurupok si Jefferson dahil sa pagkawala ni Michelle. Habang tumatagal ay nagiging mainitin ang ulo ng lalaki hanggang sa puntong nahihirapan na si Cassandra na intindihin siya.

“Jeff, lasing ka na naman? Hindi mo naman dating ginagawa ‘to diba?”

Nakatayo si Cassandra sa salas habang paupo naman sa sofa ang lalaki na naamoy niyang amoy alak.

“Alam mo naman ang pinagdadaanan ko diba?”

“Pinagdadaanan mo? Natin Jeff, pinagdadaanan natin, pero iyan ba ang solusyon mo, ang lunurin na lang ang sarili sa alak?”

Galit na tiningnan ni Jeff ang asawa.

“Kung gano’n anong solusyon? Sige sabihin mo sa akin kung paano masosolusyunan ang problemang ito at titigilan ko na ang alak!” mataas ang boses na sabi ni Jeff.

“Wag mo akong pinagtataasan ng boses.” Mahinahon pero may diin namang sagot ng babae.

“Kung ayaw mong pagtaasan kita ng boses ‘wag mo akong sinisita dahil hindi mo alam kung anong nandito!” sabay turo ni Jefferson sa puso niya.

“Pwes sabihin mo sa’kin kung anong nandiyan sa puso mo para maintindihan kita, kasi hindi na kita maintindihan, hindi na nga tayo nag-uusap eh, dahil umiikot na lang ang mundo mo sa pagha­hanap kay Michelle!”

Tumayo si Jefferson at humarap kay Cassandra.

“Anak ko si Michelle, at hangga’t hindi ko siya natatagpuan mananatiling madilim ang mundo ko!”

“Paano kami? Kami ng magiging anak natin?”

Saglit na natigilan si Jefferson. Bumaba ang tingin niya sa maumbok ng tiyan ng asawa.

“Jeff, hindi pa man nagiging tayo napalapit na sa akin ang anak mo at higit pa siyang napalapit sa’kin mula nang mahalin kita, itinuturing ko siyang sarili kong anak dito sa puso ko…kaya nang mawala siya hindi lang mundo mo ang gumuho, pati na rin ang akin…kaya lang, magkakaanak na tayo at kailangan din niya ng atensyon at pagmamahal nating dalawa…h-hindi ko naman sinabing sukuan na natin si Michelle,sana lang maging matatag tayo pareho, pero sa ipinapakita mo parang wala ng saysay ang buhay…”

Hindi makakibo si Jefferson. Pabagsak siyang naupo muli sa sofa. Naiiling namang iniwan siya ng asawa at pumasok na ito sa silid nila.

Mula naman sa loob ng sariling kuwarto ay tahimik lang na nakinig si Mang Gener sa naging pagtatalo ng dalawa. Matapos ito ay napahugot siya ng malalim na buntong hininga.

Hindi pumasok ng silid nila si Jefferson. Sa sofa siya nahiga at tuluyang nakatulog.

Mula noon ay naging madalas na ang pagtatalo ng mag-asawa hanggang sa humantong sila sa paghihiwalay ng landas.

“Cassandra anak, ilang linggo nang hindi umuuwi ang asawa mo, saan ba siya naglalagi?” tanong ni Mang Gener habang naghihiwala ng mga gulay na pang pakbet.

“Kina Aling Mameng po.Tinawagan po ako ni Aling Mameng nung isang araw.” Sagot naman ni Cassandra na umiinom ng tubig malapit sa ama.  (Itutuloy)